TULA (POETRY)
Atse Glue
NI GELACIO GUILLERMO
Inilathala ng Bulatlat
“It is the glue that binds”
Ang ngisi ni Atse Glue
A, glue. May glue
Para sa butas ng bubong
Sa lamat ng tubo
Sa basag na plato
Sa bakbak na swelas
Sa bakling pustiso
Mahusay talaga ang glue
Sa halip itapon ang sira
Pwedeng gamitin uli
Salamat sa glue
Pero ibang klase
Ang hanap na pandikit
Ni Atse Glue
Mahal, unang hulog pa lang
Sambilyong piso na
At nagmamadali
Daig pa si Mr Quickie
Isa o dalawang taon
Kailangang durog na
Ang kaaway
Dugo ng mamamayan
Ang gustong glue ni Atse Glue
Superdikit siya kay Palpara’t
Mga katoto nila
“Durugin silang lahat!”
Ito ang panatang makabayan
Ni Atse Glue sa Isabela
Sa Isabela! Sa Forest Region!
Sa pinagtipunan ng lakas
Ng panimulang pwersa
Ng PKP-BHB
Sa pinagsanayan ng mga kadre’t
Pulang mandirigma
Para magbukas ng mga bagong larangan
Sa buong bansa
Doon nakamit ang mga unang tagumpay
At natuto sa mga kamaliang
Pinagbuwisan ng buhay ng mga martir
Ay, Isabela! Ay, Forest Region!
Tinugis sila ng kung ilang oplan
Ni Makoy
Oplan Tag-araw, Oplan Aurora Borealis
Oplan Katatagan
Pero lahat ay nawalan ng saysay
Si Makoy ang nagbansag
Na “communist terrorists”
Ang mga rebolusyonaryo
Tinugis sila ni Tita Cory
Ng kanyang Total War
Oplan Mamamayan
Oplan Lambat-Bitag
Habang nangingisay sa gutom
Ang mga sakada
Sa kanyang Hacienda Luisita
Nambitag din si Ramos
Habang pinapausok ang tabako
Ng globalisasyon
Panggahasa sa buong bayan
Ang Visiting Forces Agreement
Ni Erap
Ang Bantay-Laya
Ay saturation bombing
Ng war on terror
Ni Atse Glue
Ang kanyang bersyon
Ng Infinite Justice
Ng pandaigdigang kriminal
Na Bush
“Turn the Philippines
Into a howling wilderness!”
Ang pulandit ni Atse Glue
Ala-Gen. Jacob Smith noong 1901
Bundok-bundok na patay
Ang hiling niyang pamana
Sa mga Pilipino
Si Atse Glue ang embedded presidenta
Sa humvee ng imperyalismong Kano
Doon siya dikit na dikit
Nanlalagkit sa dikit
Glue
Sa SM, may nabibiling papel
Na pinahiran ng pandikit
Ilalatag sa hardin, sa kusina
Sa panahon ng mga bangaw
Nagpipista sa tae
Ng aso’t pusa
At panis na ulam sa lababo
Mabibighani sa amoy ng pandikit
Aaligid, ilalapag ang paa
Isusubsob ang nguso
Papalag, pero hindi na makaalpas
Sa dikit ng bitag
Nagpapakulo si Atse Glue ng glue
Mula sa dugo ng masa
Napakamahal na pandikit
Para sa dugong-asong presidenta
Pero yan ang pinili niyang pandikit
Hindi na makakapalag
Sa sariling bitag
Si Atse Glue
Binigkas ng makata sa Conspiracy Café
nitong 20 Hunyo, sa Tugma sa Laya 3, ang ikatlong bahagi ng isang serye ng
mga aktibidad ng Artists for the Removal of Gloria (ARREST Gloria) bilang
ambag sa bilang ambag sa kampanya upang
palayain ang tinaguriang “Tagaytay 5” na sina Axel Pinpin, Riel Custodio,
Aristedes Sarmiento, Enrico Ybańez at Michael Masayes; at bilang pagtutol
na rin sa mga pulitikal na pamamaslang at iba pang anyo ng terorismo ng
estado
Inilathala ng Bulatlat
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.