Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Vol. VI, No. 23      July 16 - 22, 2006      Quezon City, Philippines

HOME

ARCHIVE

CONTACT

RESOURCES

ABOUT BULATLAT

 

Google


Web Bulatlat

READER FEEDBACK

(We encourage readers to dialogue with us. Email us your letters complaints, corrections, clarifications, etc.)
 

Join Bulatlat's mailing list

 

DEMOCRATIC SPACE

(Email us your letters statements, press releases,  manifestos, etc.)

 

 

For turning the screws on hot issues, Bulatlat has been awarded the Golden Tornillo Award.

Iskandalo Cafe

 

Copyright 2004 Bulatlat
bulatlat@gmail.com

 

   

Ilang Tala Hinggil sa 'Nationalism and Literature,' Paksa ng Isang Forum ng UMPIL

 

Epektibong naisasalin sa mga henerasyon ang ideolohiya sa pamamagitan ng panitikan, sa anyong patula man o tuluyan o stasis ng dalawa, sa paraang alegorikal/fiction o non-fiction, sa mga aklat ng kasaysayan. Kinikilala ito ng mga imperyalista kaya nakadisenyo ang kurikulum sa mga paaralan at unibersidad upang lusawin ang anumang makabayang oryentasyong makapagbubukas ng isip ng mga mag-aaral.

 

NI MARK ANGELES

Inilathala ng Bulatlat

 

1. TILA NAGSILBING “TAGABULAG” ang pagpapakete ng imbitasyon para sa 'Nationalism and Literature,'  isang porum ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) at University of Santo Tomas Center for Creative Writing and Studies (UST-CCWS) noong July 4, 2006.

 

Ayon sa imbitasyon, tatlong prominenteng mga kritikong pampanitikan— sina 2006 National Artist for Literature Dr. Bienvenido Lumbera, Dr. Soledad Reyes, at Dr. Ramon Guillermo—ang maglalahad ng kanilang mga diskurso na tatalakay sa iba't ibang mga isyu at kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga manunulat at ng iba pang mga artista sa Pilipinas.

 

Papasadahan ang panitikang popular, pambansang ideolohiya, at estetikang Filipino.

 

2.  Ikinagulat marahil ng mga pamilyar sa takbo ng panitikang Filipino ang pagpayag ng UST-CCWS sa pagdaraos ng ganitong forum sa loob ng bakuran ng University of Sto.Tomas, ang pinakamatanda at pinakamalaking Katolikong unibersidad sa Asya.

 

Kilala ang UST-CCWS bilang isa sa mga tahanan ng ultra-konserbatismo sa panitikan. Ang direktor nitong si Dr. Ophelia Dimalanta ay direktang nanghihikayat sa kanyang mga estudyante na iadya sa sanghaya ng pulitika ang kanilang mga akda.

 

Samantala, mapapansin namang de-kalidad at kilalang mga makabayan ang mga inimbitahang magsasalita. Kagagawad pa lang kamakailan kay Dr. Lumbera ng karangalang National Artist for Literature. Siya ang nagsilbing mentor nina Dr. Reyes at Dr. Guillermo.

 

Hindi nakarating sa forum si Dr. Lumbera. Hindi rin nakarating si Dr. Reyes bagamat naidistribyut ang ilang kopya ng kanyang papel. Tinalakay ni Dr. Guillermo ang kolonyalisasyon at panitikang Pilipino at binasa naman ni Dr. Ruby Gamboa-Alcantara ang papel ni Dr. Reyes tungkol sa kulturang popular.

 

3. Tila ba naparalisado ang forum sa hindi pagdalo ni Dr. Lumbera.

 

Batay sa mga artikulong nasa website ni Dr. Lumbera, gayong naging malaking impluwensiya ang mga modernistang sina T.S. Eliot, Dylan Thomas, at Federico Garcia Lorca, at ang New Criticism sa kanyang pagsusulat, nililinaw niyang ang kanyang estetika ay may pambansa-demokratikong oryentasyon na ginagabayan ng mga sulatin ni Mao Zedong.

 

Ang ganitong paliwanag na makikita sa ay magsisilbing himaton sa tanong ni Ernanie Rafael, miyembro ng Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) ni Rio Alma (Dr. Virgilio Almario, 2003 National Artist for Literature), para sana kay Dr. Reyes, kung posible bang malusaw ang polarisasyon sa pagitan ng Formalismo at Marxismo.  (Tinangka ritong buhayin ni Rafael ang lokal na debate ng ‘art for the masses’ at ‘art for arts’ sake’ sa pagitan nina Jose Garcia Villa at Salvador P. Lopez noong dekada 1930.)

 

Manapa’y mailalapit pa ang posibilidad ng pagkakaisa ng form at content sa Stalinistang “Nationalist in form, socialist in content.”

 

4. Upang masagot ang tanong ni Rafael, una, kailangang kilalanin ng lahat ng mga artista na lahat ng likhang-sining ay may ideolohiya.

 

Noong ika-18 siglo, ginamit ang salitang ideolohiya bilang pantukoy sa mga siyentipikong kaisipan.

 

Isang siyentipikong pagsusuri ang kailangan para bigyan ng konsiderasyon ang mga puwersang nagtulak sa maylikha ng sining para piliin ang anyo at nilalaman ng kanyang obra, isama pa diyan ang mga salik kung paano pangingibabawan, o sasakyan, ang mga popular at kontemporaryong panitikan sa kanyang panahon.

Taliwas ito sa binanggit ni Dr. Benilda Santos sa IYAS National Writers Workshop ngayong taon na kailanman ay hindi nakalikha/makalilikha ng sining ang ideolohiya.

 

Kung gayon, para kay Dr. Santos, hindi kailangang isailalim sa siyentipikong pag-aaral ang lahat ng katha. Ang lahat ng ideyang ilalapat sa akda ay dapat na magmula sa kubling-malay. Sapat na ang lahat ng talinghagang isusuysoy ng kubling-malay para paikutin sa sariling puwit ang akda.

 

Bagamat minamatamis ni Dr. Santos ang pagsaliksik sa mga alamat at kuwentong-bayan, para sa kanya, hindi mahalagang taluntunin ang politika sa kasaysayan ng pag-akda.

 

Ang ganitong pagtingin sa ideolohiya ay maaaring makita sa kanyang tulang “Ang Babae at ang Panahon” kung saan pinapaasim ang kalituhan ng persona kung iaahon ang Panahon mula sa balon. Maaaring sabihing ang balon ay arketipal na imahen ng sinapupunan ng babae, tulad ng hinuha ni Prof. Edgar Samar sa papel na “Paghawak sa Panahon,” pero hindi mapasusubalian ang himaton ng pagtukoy sa status quo nang banggitin ng persona,

“..(ang) aking paningi’y ilan taon na ring

napapako sa mahiwagang kaharian..”

 

Sa tulang nabanggit, nababalot ng ideolohiya ng konserbatismong pyudal — pagiging kimi at palasuko — ang Babae. Ideolohiyang bitbit ni Dr. Santos mula pagkabata; bago pa man siya mahikayat maging miyembro ng Galian sa Arte at Tula o GAT (hanggang sa patalsikin ang tumayong pinunong si Rio Alma) dalawang dekada na ang nakaraan.

 

Kung nakasisira ang ideolohiya sa tula, kung gayon hindi lamang ang Panahon ang nalunod sa balon, kundi maging ang babaeng “namimintana/  sa pumipintig na karimlan”. Ay! nalunod sa kanyang sariling konserbatismo!

 

5. Binigyang-diin ni Rio Alma na maaabot ang antas ng nasyonalismo sa panitikan kung lahat ng mga akda sa lahat ng rehiyon sa Pilipinas ay makakalap at lilikumin sa isang antolohiya o regular na malalathala sa mga popular na babasahin.

 

Ganito rin ang pagtingin ni Dr. Lumbera sa tinawag niyang “regional literature” at siyang susi ng paglabas ng bagong edisyon noong 1997 ng kanyang aklat na Philippine Literature: A History and Anthology’ [unang inilimbag noong 1982] kung saan idinagdag niya ang mga akdang isinulat sa iba’t ibang wika sa Pilipinas.

 

Ayon naman kay Dr. Guillermo, maling tingnan ang mga akdang nasusulat sa mga wika bukod sa Filipino/Tagalog na mga “panitikang rehiyonal” dahil maipagkakamali itong paghihiwalay sa ibang rehiyon at pagpapatampok pa sa mga akdang nanggaling sa “imperialistang” Maynila.

 

Rehiyonalismong nakabatay sa taktikang pang-militar na divide et impera ni Nicolo Machiavelli ang ginamit ng kolonyalismong Espanya para hindi magkaisa ang mga Pilipino upang ipaglaban ang pambansang kasarinlan.

 

Sa kabilang banda, ang ganitong pagsusuri sa pambansang kalagayan ay maaari ring gamitin para pagkaisahin ang mga rehiyon. Mungkahi ni Prof. Rogelio Ordoñez sa “Si Rizal at ang Pambansang Kalayaan,” kailangang tanggapin ng mga nasa ibang rehiyon na Tagalog ang kalakhan ng wikang Filipino dahil ito ang ginagamit ilang daang taon na simula nang gawing sentro ng mga dayuhang mananakop ang Maynila.

 

6. Mahalagang kanon ng isang bansang may soberanya ang pagkakaroon ng pambansang kakintalan. Ito ang sandigan ng ideolohiya ng nasyonalismo.

 

“Pagsilang” ang kahulugan ng klasikal salitang Latin na nātiōn‑.

 

Pansinin ang paggamit ni Cicero sa salitang natio sa ‘Filipos laban kay Marco Antonio’ na isinulat niya noong 44 BC. Aniya:

Omnes nationes servitutem ferre possunt: nostra civitas non potest.

(“Masisikmura ng lahat ng mga lahi na magpaalipin,

ngunit hindi ang ating komunidad”)

 

Malinaw ang paghihiwalay ng mga nationes bilang mga lahing hentil -- mga mabababang uri na diumano ay pumapayag magpaalipin – salungat sa civitas o status quo ng imperyong Romano.

 

7. Sa kanyang tulang “Paalam Sa Kamusmusan” na lumabas sa katipunang Putong, binanggit ni Domingo Landicho ang koplang

 

“Diwang proletaryo ang gabay na sinag

 Gumabay na tala sa pakikitalad.”

 

Makailang-ulit ring nabanggit sa ilang tula sa aklat na ang katangian ng ekonomiya ng Pilipinas ay malakolonyal at malapyudal.

Kapansin-pansin na dalawang tula lamang sa koleksyon ang bumanggit sa salitang nasyonalismo.

 

Una, sa tulang “Makabayan” (1987) na alay kay Jose W. Diokno ay sinabi niyang ang “Bayang kaluluwa ay nasyonalismo.”. Mahusay na idinaan sa pagpapalit-baro ang nasyonalismo. Ito ay ikinulong, nagkapunglo’t bala, magiging huling himlayan, at idadaluyong sa pakikibaka.

 

Gayunman, sa tulang “Dakilang Lumpo” (1999) na isinulat diumano sa diwa ni Apolinario Mabini, makikita ang mga linyang ito:

 

“May binhing lason ang nasyonalismo

 Ang globalismo ang niluluhurang altar

 Wala nang hanggahan ang mga bansa’t lahi.”

 

Bakit idiniskurso ng makata na may lason ang nasyonalismo? Anong panganib ang lumalaylay sa altar ng niluluhurang imperyalismong globalisasyon? May kinalaman ba ito sa pinag-ugatan ng nasyonalismo sa eklesiyastikong Latino batay na rin sa konteksto ng pagkakagamit ni Cicero?

 

Kilalang anti-imperyalista si Mabini na siyang dahilan kung bakit, tulad ng iniligpit na si Antonio Luna, siya ay trinaydor ni Emilio Aguinaldo.

 

Paliwanag ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero:

“Walang kakayahan, lampa, at mapagkompromiso ang liberal na lideratong burges ng lumang demokratikong rebolusyon..(at) nagayuma nang husto sa awit-adarna ng ‘kapayapaan’, ‘awtonomiya’, at ‘mapagpalang asimilasyon’ na kinakanta ng mga imperyalista ng [Estados Unidos] habang kinakatay nila ang mamamayan.”

 

8. Pansinin, kung gayon, ang pagdidiin ni 2001 National Artist for Literatuire F. Sionil Jose noong 1994 na tanging ‘nationalist revolution’ ang sagot sa kahirapan ng bansa. Ayon pa sa kanya, sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) magmumula ang rebolusyunaryong pamunuan ng kilusang ito.

 

“Mayroon nang rebolusyon na nasimulan at nilahukan ang (UP),” reaksyon ni Dr. Lumbera sa abstrakto ni Dr. Jose na pinamagatang “The University of the Philippines and the Nationalist Revolution.” Dagdag pa niya, “Hindi na kailangan na umibento…muli ng isa pang rebolusyon upang maganap ang pagbabagong hinahangad ng mga Pilipino.”

 

Binigyang-puna rin ni Dr. Lumbera ang paniniwala ni Dr. Jose na “kailanman ay (hindi) magtatagumpay ang isang rebolusyong pinamumunuan ng mga komunista, dahil…ang mga komunista ay katulad din ng mga liderato natin na may ego at paghahangad na itampok ang sarili sa halip na ang pag-ukulan ng pansin ay ang kalagayan ng masa.”

 

Gayong naniniwala si Dr.Jose sa ‘pambansang’ katangian ng rebolusyong isinulong ni Bonifacio, hindi naman siya sumasang-ayon sa bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon na isinusulong ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa gabay ng Marxismo, Leninismo, at Maoismo (MLM).

 

Pagkakamali ni Jose Maria Sison, diumano, na siya ay tumanaw sa Tsina upang humango ng ideolohiya na magiging tuntungan ng ating rebolusyon.

 

Malinaw na kulang ang kaalaman ni Dr. Jose sa pambansa-demokratikong kilusan lalo na sa ipinaglalaban ng CPP-NPA-NDF. Una, kinikilala ng rebolusyunaryong kilusan na, gayong pamumunuan ng partido ang organisasyon (demokratikong sentralismo/sentralismong nakabatay sa demokrasya) sa gabay ng MLM, hindi mapapasubalian na ang uring manggagawa (proletaryado, katambal ng uring magsasaka at kaagapay ng iba pang sector) ang magpapalaya sa bayan.

 

Malayong-malayo ito sa kanyang palagay na mga intelektuwal ng UP ang mamumuno sa pambansang rebolusyon. Ibig yata niyang maulit ang pagkakamali ng liberal na lideratong burges ng lumang demokratikong rebolusyon.

 

9. Dalawang koleksyon ng mga tula--ang Makinasyon (1968) at Doktrinang Anakpawis (1979) — ang nagtaglay ng sipat ni Rio Alma  sa panlipunang kalagayan. Bukod pa rito, inilimbag niya ang pagsusuring Panitikan ng Rebolusyo(g 1896) noong 1993.

 

Nagluningning ang tala ni Rio Alma sa paglabas ng naunang mga aklat (katambal ng Makinasyon  ang Peregrinasyon (1970).

 

Ngunit pagkaraan ng ilang dekada, idineklara ni Rio Alma sa “Kapag Isinangkot ang Pagtula: Ang Panulaang Filipino tungo sa Bagong Milenyo” (2000) na bagahe ang politika sa pagsusulat.

 

Ito ang naging saligan ng kritisismong “Espasol versus Nilupak” na isinulat ni Gelacio Guillermo, ama ni Dr. Guillermo at kilalang makata at kritiko ng pambansa-demokrating kilusan.

 

Nakita naman ni Dr. E. San Juan, Jr. noon pa man ang napipintong pagbaliktad ni Rio Alma sa kanyang politika nang isulat ng una ang “Ang Kontradiksyon ng Pakikibaka ni Virgilio Almario: Isang Bukas na Liham na may petsang Setyembre 12, 1972.

 

10.  Katangian ng isang maunlad na bansa ang isang mayabong na panitikan. Ang pagkilala sa aspetong ito ang nagbunsod ng tagumpay ng Great Proletarian Cultural Revolution sa Tsina na pinamunuan ni Mao Zedong. Ito rin ang dahilan kung bakit sinusunog ng mga imperyalista ang mga naitalang panitikan. Ang pagbura sa alaala ng mamamayan at pagpapaigting sa burgesyang kaisipan ay magbubunsod sa disilusyon sa makauring kamalayan, ayon kay Georg Lukács.

 

Ang kasaysayan ng bansa, ani Rio Alma, ay ang kolektibong panitikan nito.

 

Hindi kaya nakaturo ang mga linya sa “Dakilang Lumpo” sa interpretasyon ni Rio Alma na paghuhubad ng politika sa ideolohiya ng nasyonalismo?

 

Sa kabila ng pagwawagwag sa mga estudyante ng UST at mga bisitang dumalo na balikan ang kasaysayan (isang prinsipyong Marxista — dialectical at historical materialism—na tinalikuran ni Rio Alma), hindi nabigyan ng signipikasyon ang pagdaraos ng forum sa “Araw ng Pagkakaibigan” ng Filipino at Amerikano.

Anim na dekada na ang nakalipas nang iproklama ang umano’y independensiya ng Pilipinas na iginawad ng imperyalistang US. Noong Hulyo 4, 1946, awtomatikong naging unang presidente ng republika ng Pilipinas ang kahahalal na huling presidente ng gobyernong Komonwelt, si Manuel Roxas.

 

Inilatag noong taong iyon ang neokolonyal o indirektang pananakop ng imperyalismong US sa pagpapatupad ng Batas sa Ari-arian, Batas Bell sa Kalakalan, Tratado ng US at RP sa mga Base Militar, at Kasunduan ng US at RP sa Tulong Militar.

 

Pagtatala ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino:

“Itinatakda ng Batas sa Ari-arian na di pakikialaman ang lahat ng lupa’t gusali at iba pang ari-ariang nakuha ng gobyerno ng [Estados Unidos] o ng mga ahensiya nito bago mag-Hulyo 4, 1946 at pagkaraan nito.”

 

Ang bersyon ng nasyonalismo (“globalismo ang niluluhuran…” sa wika ni Landicho) na ihinahain ni Rio Alma sa mga kabataan ay mapapatunayan pa sa paglabas ng kanyang Dust Devils: A Bilingual Selection of Poems on Youth, na pinondohan ng World Bank!

 

11.  Maraming anyo ang nasyonalismo, paliwanag ni Dr. Guillermo.

Sa kasaysayan ng mundo, namalas natin ang pinakamatinding uri ng nasyonalismo, ang pasismo sa ideolohiyang Nazismo ni Adolf Hitler. Sa kabilang banda, nariyan ang nasyonalismo na may katangiang internasyonalismo sa ideolohiyang Marxismo ni Lenin, bilang sagot sa imperyalismong global.

 

Epektibong naisasalin sa mga henerasyon ang ideolohiya sa pamamagitan ng panitikan, sa anyong patula man o tuluyan o stasis ng dalawa, sa paraang alegorikal/fiction o non-fiction, sa mga aklat ng kasaysayan. Kinikilala ito ng mga imperyalista kaya nakadisenyo ang kurikulum sa mga paaralan at unibersidad upang lusawin ang anumang makabayang oryentasyong makapagbubukas ng isip ng mga mag-aaral.

 

Mahalagang salik ng isang pampolitikang kilusan ang isang maunlad na pampolitikang teoriya, ani Lenin. Sinabi naman ni Elias kay Ibarra sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal, “Ang tunggalian ay magsisimula sa larangan ng mga ideya upang pagkatapos ay dalhin sa arena na titigmakin ng dugo.”

 

Isang matinding pangangailangan ang maliwanagan sa kahulugan ng nasyonalismo at matukoy ang tunggalian ng mga uri upang maigiya ang ideolohiya ng panitikan sa pagpapalaya sa bayan.

 

Ang labanan sa larangan ng ideolohiya, turo ni Dr.Lumbera kay Isagani Cruz, ang susi sa pagbasa sa mga tekstong naglalagay sa panganib (ng) umiiral na hegemoniya. Bulatlat

 

Mga Sanggunian:

“Espasol versus Nilupak” ni Gelacio Guillermo

“Ideology and Art” ni Alexander Martin Remollino

“Lipunan at Rebolusyong Pilipino” ni Amado Guerrero

Putong ni Domingo Landicho

Paghawak sa Panahon ni Edgar Samar

“Si Rizal at ang Pambansang Kalayaan” ni Rogelio Ordoñez

“Ang Kontradiksyon ng Pakikibaka ni Virgilio Almario: Isang Bukas na Liham” ni E. San Juan, Jr.

http://www.lumbera.ph

http://fsioniljose.blogspot.com/

http://en.wikipedia.org/wiki/Nation

 

Si Mark Angeles ay dating vice president for Luzon ng College Editors Guild of the Philippines. Siya ay miyembro ng Kilometer 64, Pinoypoets, at Guniguni. Naging fellow siya ngayong taon sa IYAS at Iligan National Writers Workshops.

 

BACK TO TOP ■  PRINTER-FRIENDLY VERSION  ■   COMMENT

© 2006 Bulatlat  Alipato Media Center

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.