DAGLI SA KRISIS*
Pasa
Ni Roland
Tolentino
Bulatlat
Pasa
Lima sa isang daang
katulong lamang sa Lebanon ang nagsabi na mabait ang kanilang amo. Ito
ang napag-alaman niya habang nakikipagkwentuhan sa evacuation center sa
St. Francis Church sa Hamra. Siya man ay hindi masuwerte sa kanyang amo—kararating
pa lamang ay ipinadala na siya sa agency para sa medical exam, kung saan
binawi ang kanyang cell phone at working permit, pati sana litrato ng
kanyang mag-anak ay kukunin kung hindi lang siya nag-alsa; hindi siya
direktang binibigyan ng pagkain at bawal siyang magluto; sa sobrang pagod
niya ay ni hindi siya makabuhat nang plantsa. At nang umiyak siya ay
lalong nagalit ang kanyang amo, ibinalik siya sa agency at binaluktot nito
ang kwento. Minura siya nang minura ng agency, tinakot na ikukulong at
hindi hahanapan ng bagong amo.
Pero pinabalik siya
sa kanyang amo. Kahit walang pagkain ay pilit pa rin siyang
pinagtratrabaho ng labingwalong oras. Kahit pagod at gutom siya ay
kailangang nagtratrabaho na siya kapag gising na ang kanyang amo.
Nagsasalitan ang ibang katulong sa building na patagong nagbibigay sa
kanya ng inumit na pagkain. Pinagbawalan silang makipag-usap sa kapwa
katulong.
Isang buwan at
kalahati matapos niyang tumuntong sa Lebanon, nagsimula ang giyera. Isang
araw na umigting ang pagbobomba, sinampal siya ng kanyang amo dahil nahuli
siyang kumakain. Nanlaban siya at nakipagdiskusyon sa amo. Ibinalik siya
sa agency, at ikinulong siya sa madilim na banyo sa loob ng abandonadong
building. Anim na araw siyang nakakulong, walang pagkain, at naghihingalo
nang tulungan siya ng isang Blangladeshi na katulong na tumakas sa
evacuation center.
Sa pagitan ng mga
walang patid na araw ng pagboboluntaryo sa center na nag-uumapaw ng mga
Filipinang katulong, tinitignan niya ang kanyang mga pasa at tumatanaw sa
ulap sa labas ng bintana. Nakikita niya ang mukha ng kanyang anak o ang
mga puno sa kanyang probinsya, ilang libong milya ang layo.
----------
Halaw kay Maureen
Hermitanio, “Running
from Hell: The harrowing story of a Filipino-migrant worker in war-torn
Lebanon,” Bulatlat VI:29 (Aug. 27-Sept. 2, 2006),
(* Ang maikling
kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon
ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring
dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang
pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito. Sa Ingles,
ibig sabihin ng Pasa ay “bruise.”)
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.