Ang Mga Manunulat at Artista sa Panahon
ng Globalisasyon ng mga Kapitalista
Kailangang ipaalam sa
madla na ang ugat ng mga ideya ng mga naghaharing uri na ipinapakalat ng
mga binabayarn nilang mga alagad sa sining at panitikan ay naka-ugat sa
kanilang pagnanais na panatiliin ang kaugalian ng kanilang uri.
NI EDBERTO M. VILLEGAS
Inilathala ng Bulatlat
Anakpawis
representatives Rafael Mariano (second from left) and Crispin Beltran
(speaking on microphone) with Teatro Mayo Uno on Labor day, 2004
Sa panahon ng
globalisasyon ng mga kapitalista ay lalong tumitindi ang komersyalisasyon
ng sining at panitikan. Ang nagiging pangunahing pakay ng karamihan na mga
publisher, prodyuser at iba pang nagpopondo sa mga artista at mga
manunulat ay kumita ng malaki ang kanilang mga produkto – mga libro, sine,
palabas at CDs sa palengke. At ito din ang nagiging layunin ng mga
kilalang manunulat, halimbawa, sina Robert Ludlum, Stephen King, J. K.
Rowlings at iba pa, kaya binabagay nila ang laman at istilo ng kanilang
mga akda sa kung anong madaling magustuhan ng mga konsumer.
Sa madaling salita
ang komersyalisasyon ng sining at panitikan ay pinapababaw ang damdamin at
pagunawa ng mga tao sa mga bagay-bagay.Ang pasimuno ng ganitong gawi sa
panahon ng globalisasyon ng mga kapitalista ay ang mga kapitalista sa
sining at panitikan sa Estados Unidos. Sinasamantala nila ang mga madaling
paigtingin na damdamin at tendensiya ng mga tao na mayroon din ang mga
hayop, tulad ng pagnanasa sa laman( sex), biolenteng emosyon, at
katakutan (horror) upang kaagad mabili ang mga produkto nila. Kung
kailangan ng kaunting imahinasyon ay ginagawa nila yung madaling
maintindihan ng madla kagaya ng mga pantasiya (Spider Man, Superman, Lord
of the Ring).
Lolita Carbon
and Pendong Aban, Jr. of the folk-rock group Asin
FILE
PHOTO |
Kinakalat din ng mga
namamayaning uri sa kultura ang mga sinasabing unibersal na ideya na wala
namang batayan sa kongkretong kalagayan ng mga nakakaraming tao. Halimbawa,
ang mga idealistang pananaw nila tungkol sa kalayaan, katarungan, pag-ibig,
global village at iba pa na lumulutang sa ulap, ika nga.. Kailangang
malaman na ang mga heneral na ideya ng tao na pinapairal ng mga
naghaharing uri sa nakaraan at kasalukuyan ay kalimitang hango sa
obhektibong kalagayan nila, sa partikular, ng kanilang kabuhayan sa
lipunan. Halimbawa, ang depinisyon ng kalayaan ng tao ng mga sinaunang
pilosopong Greigo na nagmumula sa panggitnang uri(Aristoteles) at
aristokrasiya(Plato) ay batay sa interes ng kanilang uri. Di ba ayun kay
Aristoteles may mga tao na likas na walang kalayaan at ito ay mga alipin
na binansagan niyang mga “nagsasalitang kasangkapan”? Di ba sabi ni Plato
ang mga magsasaka at manggagawa ng isang lipunan ay di dapat makialam sa
pulitika sapagkat gawain lamang ito ng mga intelektwal?. Ito ay dahil ang
mga intelektwal noong panahon na yun na galing sa panggitnang uri at
aristokarsiya, kasama na sina Aristoteles at Plato, ay di makakagawa kung
anuman ang kanilang kinakaabalahan kung walang manggagawa, magsasaka at
alipin sa lipunan.
|
Ang mga abstraktong
unibersal daw na ideya ng mga intelektwal ng mga naghaharing uri sa
kasalukuyan ay nagagamit upang pagsamantalahan at pahirapan ang iba.
Halimbawa, ang ideyang “demokrasiya” at “kalayaan” na binabandila ni
Bush at mga kasama niya sa Iraq ay “halalan” lamang ng kanilang mga
sinusuporta at walang saysay sa buhay ng karaniwang Iraqi na ngayon ay
lalong naghihirap dahil sa okupasyon na ginagawa ng Estados Unidos sa
bayang ito. Lalong tumindi ang kawalan ng serbisyo sosyal para sa mga
Iraqi dahil pagkatapos masalanta ang bayan nila nagdatingan ang mga korupt
na mga negosyanteng Amerikano na nakakuha ng kontrata sa kanilang
pamahalaan upang muling itayo daw ang mga inprastruktura sa Iraq na
nawasak ng bomba ng kanilang hubko.
Mahalagang ipakita sa
panahon natin ang tunay na kalagayan ng mga tao na napipinsala sa
pagmamayani ng kultura ng komersyaslisayon sa sining at panitikan.
Kailangang ilantad ang mga mapalinlang na mga heneral na ideya ng iilang
nangingibabaw na uri sa ekonomiya at pulitika, tulad ng kanilang mga
pananaw sa kalayaan, pagibig at kaganapan ng isang tao. Kailangang ipaalam
sa madla na ang ugat ng mga ideya ng mga naghaharing uri na ipinapakalat
ng mga binabayarn nilang mga alagad sa sining at panitikan ay naka-ugat sa
kanilang pagnanais na panatiliin ang kaugalian ng kanilang uri.
Ang mga problema ng
mga myembro ng burgesiya pati na ng mga peti-burgis sa mga kapitalistang
bansa ay hindi problema ng bilyun-bilyung taong naghihirap sa gutom at
kawalan ng trabaho sa daigdig. Ang hinaing ng kawalan ng kahulugan sa
buhay (angst ang tawag ng mga peti-burgis na intelektwal na Aleman,
“absurde” ang tawag ng mga Pranses na peti-burgis), paghahanap sa sarili
(looking for one’s identity ng mga Kanong burgis at peti-burgis) at
Freudian problems sa sex ng mga burgis at peti-burgis na nagiging mga
paboritong paksa sa maraming manunulat sa Estados Unidos at Europa na
kumakalat na sa ilang manunulat sa ating bansa ay di problema o
pangunahing problema ng bilyun-bilyun mahihirap ng daigdig kasama na ang
mga Pilipino. Imbis na mga problema ng burgesiya ang atupagin natin,
isulat natin at ilarawan sa sining ang matinding depresyon ng mga
manggagawa, magsasaka at iba pang dehadong sektor sa lipunan na kung hindi
sila makahanap ng trabaho, ang pagkawala nila ng pagkatao dahil sa
nararanasang pagkutya at pangaapi ng mga uring nakakataas sa kanila at ang
iba’t-ibang anyo ng relasyon nila sa ibang uri.
Paksain natin ang
pananaw sa kalayaan ng mga tao sa gitna ng kanilang kahirapan.
Mga kasama, sa
panahon ng krisis at rebolusyon ng isang lipunan tulad ng dinadaanan natin
ngayon, doon lalong umiigting ang mga damdamin at hinaing ng masa. Noong
panahon, halimbawa, bago at pagkatapos ng rebolusyon sa Pransiya noong
1789, naglabasan ang mga mahuhusay na akda tungkol sa buhay ng masa sa
Pransisya, “Nouvelle Heloise” ni Jean-Jacques Rosseau, “Candide” ni
Voltaire, “Les Miserables”(Ang Mga Mahihirap) ni Victor Hugo, at iba pa.
At ito ay mga nobela lamang. Sa Rusya noong panahon ng kaguluhan sa
lipunang ito bago at pagkatapos ng Rebolusyong Bolshevik, nalathala ang
mga nobela ni Fyodor Doestoevsky tungkol sa kalagayan ng masa “Poor
People”, “House of the Dead”, ni Nikolai Gogol at “Dead Souls”, tungkol sa
korupsyon ng burukrasiya ng pamahalaan ng Czar, at ni Maxim Gorkay “In the
Lower Depths”, isang mahabang dula tungkol sa pagkawala ng dignidad ng mga
mahihirap at mga rebulosyonaryong tula ni Pushkin.
Masasabi natin na sa
ating kasaysayan mismo, noong panahon ng “Propaganda Movement”, na
tinatawag ng mga aktibista na “Unang Rebolusyong Kultural sa Pilipinas”
bago sumapit at pagktapos ng rebolusyon 1896, naglabasan ang mga nobeleta
ni Padre Burgos “La Loba Negra”, tungkol sa pagaabuso ng mga prayle, ni
Lopez Jaena “Padre Butod”, isang satirikong akda tungkol sa isang korupt
na prayle, mga nobela ni Jose Rizal, mga sanaysay ni M.H. del Pilar at
Mabini at tula ni Bonifacio. Sa mga nabanggit, ang mga akda ni Bonifacio
at Mabini ang mas malapit na sinasalamin ang tunay na damdamin at adhikain
ng masang Pilipino noong panahon na iyon dahil nang sumiklab ang
rebolusyon, libo-libong Pilipino, ang ilan ay galing sa mga tinatawag na
ilustrado, ang sumanib sa himagsikan. Nakalimutan na nila ang paksa ni
Rizal at ibang propagandista na gawing probinsiya ng Espanya ang Pilipinas
at magkaroon ng representasyon sa Cortes ang mga Pilipino.
Ang layunin namin sa
Amado V. Hernandez Resource Center(AVHRC) ay bigyan ng expresyon ang mga
hinaing at ideya ng demokratikong masa ng Pilipinas, ang mga manggagawa,
magsasaka at iba pang dehadong sektor sa ating lipunan at di ng kanilang
mga nagpapanggap na lider galing sa burgesiya, peti-burgesiya na
inaalagaan ng mga dayuhang imperyalista. Ang kultura, sa partikular, ang
sining at panitikan, ay kailangang paunlarin ang kakayahan ng masa sa
pagunawa ng tunay nilang kalagayan at pagsasalarawan nito sa sining at
panitikan.. Nagsimula ang sining at panitikan sa kasaysayan ng tao bilang
behikulo ng pagpapahiwatig ng tuwa, kalungkutan at pagkikipagsapalaran ng
madla at ng mga indibidwal na naapektuhan ng problema ng lipunan. Ngunit,
sa takbo ng kasaysayan, sa pag-igting ng pribadong pag-aari ng mga
kasangkapan ng produksyon, na-hijack, ika-nga, ang sining at panitikan ng
mga kapitalista at ginawang produkto ito na nilalako nila sa kanilang
palengke. Ang resulta ng ganitong sitwasyon ay ang kababawan ng kultura na
kinakalat ng globalisasyon ng mga kapitalista. Masasabi na ang napababaw
na tao ay madaling lokohin at pagsamantalahan.
Ibalik natin ang
sining at panitikan bilang isang paraan ng pagpapalalim ng pagintindi ng
tao sa tunay na kalagayan ng kanilang lipunan. Di naman tinatatwa na may
kalayaan naman ang isang manunulat o artista na gumawa ng isang akda na
may katuturan lamang sa kanyang sarili o iilang piling tao, halimbawa, ang
mga comma poems ni Jose Garcia Villa o ang nonsense poem ni Lewis Carrol
na “Jobberwocky”(ngunit kailangan tandaan na ang “Alice in Wonderland” ni
Carrol ay isang satirikong kuwento din tungkol sa monarkiya ng Inglatera
noong panahon na yun, kagaya ng “Gulliver’s Travels” ni Jonathan Swift).
Ngunit, kailangang malaman na ang paggawa ng mga akda na may katuturan
lamang sa sarili o iilang tao ay nangyayari sa isang kontekstong sosyal.
Kailangang malaman na ibig palaganapin ng mga nangingibabaw na uri ang mga
ganitong akda dahil ito’y nakakatulong sa pananatili ng kanilang interes
sa kapahamakan ng nakakarami. Ang mga kapitalista ay maaaring suportahin
at palawakin pa ang mga akda sa sining at panitikan na walang katuturan sa
problema ng isang lipunan, halimbawa, ang sining pantasiya. Sa naghaharing
uri mainam na ang mga intelektwal at artista ay walang paki-alam sa
pulitika kung saan sila ang naghahari.
Ngunit, pagkinggan
natin ang sinambit ni Otto Rene Castillo, isang bantog na manunulat ng
Guatemala na nanalo ng maraming parangal sa Latin Amerika at sinunog na
buhay ng mga reaksyonaryong Hukbo ng bayan niya sa pagsusuperbisa ng CIA
pagkatapos mahuli sa isang engkuwentro. Namatay siya sa edad ng tatlumpo’t
isa noong 1967.
Ayun kay Castillo
isang araw darating ang mga mahihirap at magtatanong sa mga intelektwal na
walang pakialam sa pulitika:
“Sa araw na yun,
ang mga simpleng tao ay darating,
sila na walang lugar
sa mga aklat at tula
ninyo mga intelektwal na walang paki-alam
sa
pulitika
ngunit araw-araw ay naghahatid
ng inyong tinapay at gatas,
ng inyong tortillas at itlog,
silang nanahi ng inyong damit
nagmamaneho ng inyong sasakyan,
nagaalaga ng inyong aso at hardin,
at nagtratrabaho para sa inyo,
at magtatanong sila:
“Anong ginawa ninyo habang ang mga mahihirap
ay nagdurusa, habang ang kalambingan
at buhay
ay dahan-dahang nauupos sa kanila?”
Mga intelektwal na
walang pakialam sa pulitika
ng aking bayan,
di kayo makakasagot.
Ang buwitre ng katahimikan
ay lalapain ang inyong kalooban
Ang inyong kahungkagan
ay nga-ngatngatin ang inyong budhi
At di kayo makakasalita
sa inyong kahiyaan.
(Sinalin
mula sa Tula ni Otto Rene Castillo, “Para sa Mga Intelektwal na Walang
Pakialam sa Pulitika”)
Palaganapin natin ang
mga akda sa sining at panitikan na nagsasalamin ng tunay na kalagayan ng
masang Pilipino sa panahon natin ngayon ng matinding krisis na tinatahak
ng ating bayan.
Palaganapin ang
sining at panitikan tungo sa landas ng pagpapalaya. Bulatlat
Si Ed Villegas,
kilalang political economist, manunulat at propesor sa Unibersidad ng
Pilipinas, ay syang kasalukuyang Tagapangulo ng Amado V. Hernandez
Resource Center (AVHRC). Ang artijulong ito ay binigkas bilang talumpati
sa Writers’ Summit ng AVHRC noong Sept. 12, 2006.
Inilathala ng Bulatlat
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.