Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Issue No. 26                       August 11 -17,  2001                    Quezon City, Philippines







To receive regular
updates from  Bulatlat.com, send us your email address by clicking
here.


DEMOCRATIC SPACE
Tutulan ang RGEP!
Isulong ang Demokratikong Rebyu ng GE Program!

UP General Education Movement (UP GEM)

Ang UP General Education Movement (UP GEM) ay isang alyansa ng mga guro at estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na binuo noong Agosto 4, 2001 para itaguyod ang isang makabuluhang GE program.

Ipinapahayag namin ang mahigpit na pagtutol at pagbasura sa planong Revitalized General Education Program (RGEP) ng administrasyong UP sa dalawang pangunahing dahilan.

Una, malinaw ang kawalan ng demokratikong rebyu at konsultasyon sa pagbubuo nito. Ikalawa, naniniwala rin kaming hindi kayang tugunan ng RGEP ang pagbibigay ng isang makabayan at makabansang edukasyon.

Kapag ipinatupad, ang RGEP ay nagbibigay diumano ng kapangyarihan sa mga estudyanteng pumili ng mga GE sabjek na gustong kunin batay sa nakatakdang “GE Framework” at tatlong “domains of knowledge” (Arts and Humanities, Social Sciences and Philosophy, Natural Sciences and Mathematics) na tiglalabinlimang (15) yunit. Subalit ano ang buting idudulot sa mga estudyante at guro ng isang “malayang” pagpili kung nakokompromiso naman ang kalidad ng edukasyon?

Dahil hindi dumaan sa isang demokratikong rebyu at konsultasyon, ang kapakanan tuloy ng mga estudyante at guro ay hindi naisaalang-alang. Sa halip na bigyan ng makabayan at makabansang oryentasyon ang GE program, ang RGEP ay nagkaroon ng pagkiling sa komersyalisasyon at ideolohiyang “free market.”

Bagama’t nakakaengganyo sa mga estudyante ang hayaan silang magtakda ng gusto nilang kuning GE sabjek, ang ganitong kalakaran ay nagtatanggal sa pangunahing responsibilidad ng UP na itaguyod ang isang makabuluhang edukasyon at ikintal ang pagmamahal sa bayan.

Ito ay lalong naging totoo sa sitwasyong ang “nationalism balanced with internationalism” ay isa lamang sa tatlong layunin sa ilalim ng GE framework (i.e., ang dalawa pa ay “broad intellectual and cultural horizons” at “awareness of various ways of knowing”), at ang isang GE sabjek ay kailangan lang tuparin ang kahit dalawa sa tatlong layunin. Sa madaling salita, ang nasyonalismo ay nagiging opsyonal na layunin.

Nasaan ngayon ang nasyonalismo sa planong RGEP? Paano naitataguyod ng RGEP ang isang makabuluhang edukasyon sa pamamagitan ng malalimang pag-aaral sa wika, kultura at kasaysayang Filipino?

Lumalabas na ang sinasabing “liberal education” na itinataguyod ng administrasyong UP ay nakaangkla lamang sa pagbibigay ng limitadong kalayaan sa mga estudyante sa pagpili ng mga sabjek, at hindi sa papel ng edukasyon sa pagpapalaya ng bayan at panlipunang pagbabago.

Tandaan nating ang anumang rebisyon sa GE program ay kinakailangang may demokratikong partisipasyon ng mga guro at estudyante at tumutugon sa makabayan at makabansang layunin. Sa kontekstong ito, gusto naming iparating ang mga sumusunod na panawagan:

Tutulan at ibasura ang planong RGEP ng administrasyong UP!

Magkaroon ng demokratikong rebyu, konsultasyon, at rebisyon sa hanay ng mga guro at estudyante hinggil sa kasalukuyang GE program!

Sa balangkas ng isang demokratikong rebyu, nais naming idagdag ang mga sumusunod na punto:

Ilabas ng administrasyong UP ang lahat ng mga dokumento hinggil sa RGEP at ang mga dating katitikan ng rebyu ng GE program sa mga nakalipas na taon.

Ilahad ng administrasyong UP ang pilosopiya sa likod ng RGEP at ang konsepto nito ng isang edukasyong may “tatak UP.”

Implementasyon ng Filipino Language Policy (FLP) sa unibersidad.

Pagkakaroon ng programa sa panlipunang integrasyon sa mga kurso at programa.

Reoryentasyon ng mga kurso at programa tungo sa makabayan at makabansang layunin. Ang mga kurso at programa ay dapat na nakakatugon sa mga pangangailangan ng mga batayang sektor at kondisyon ng lipunan.

Sa pamamagitan ng mga ganitong pagbabago sa GE program, maaaring maitaguyod ang matibay na pundasyon sa mga kursong kinukuha ng mga estudyante tungo sa kritikal na pagsusuri sa mga nangyayari sa ating lipunan.

Isulong natin ang pagkilos para sa isang makabayan at makabuluhang GE program!

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang mailing list website nito <http://groups.yahoo.com/group/up_gem/>.

 


We want to know what you think of this article.