Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Issue No. 29                        September 2-8,  2001                    Quezon City, Philippines







Join the Bulatlat.com mailing list!

Powered by groups.yahoo.com

Ang Kalagayan ng Manggagawang Pilipino at
ang Papel ng Konggreso sa Pagtataguyod ng
Panlipunang Katarungan at Karapatang Pantao

REP. CRISPIN B. BELTRAN
Party-List, Bayan Muna

Talumpating ibinigay sa Mababang Kapulungan
Unang regular na session, ika-12 na Konggreso, 5 Setyembre 2001

 

Kagalang-galang na Mr. Speaker, at mga kagalang-galang na Kinatawan ng Konggreso,

Pahintulutan ninyo ang kinatawang ito na magbigay ng isang privilege speech kaugnay sa isang usaping kagyat na dapat harapin ng Mababang Kapulungan.

Nahaharap ngayon ang Mababang Kapulungan sa isang matindi at kagyat na hamon mula sa mga manggagawa. Kaugnay ito sa panawagan ng mga manggagawa na buwagin ("abolish") na ang mga regional wage boards, at ibalik sa Konggreso ang responsibilidad ng pagde-determina ng minimum na sahod at mga umento.

Hinihingi din ng mga manggagawa ang pagtugon ng Konggreso sa matinding karaingan nila para sa kapanatagan sa trabaho; sa makatao at makatarungang pakikitungo sa loob at labas ng pabrika; sa paggalang sa kanilang mag-unyon, mag-welga, at makipag-tawaran sa mga kapitalista. Ito ang nalalahad sa Artikulo XIII, Seksyon 3 ng Saligang Batas.

Dalawang taon mahigit nang umuugong ang panawagang ito. Nais ng mga manggagawa na ang Konggreso na ang umasikaso sa mga usaping may kinalaman sa sistema ng pasahod sa bansa. Ang isyung ito ay madalas na laman ng mga pahayagan at mga talakayan sa telebisyon at radyo. Isa rin itong usaping madalas na pinagde-debatihan sa hanay ng paggagawa, negosyo, at maging sa Malacanang.

Ito ang hamong hinahain sa ngayon ng taumbayan sa Kapulungang ito. Ito din ang gustong talakayin ngayon ng Abang Kinatawang ito - ang kalagayan ng mga manggagawa, ang kanilang kahirapan dahil sa mababang pasahod, at ang mga responsibilidad ng mga mambabatas na tugunan ang kanilang mga hinaing.

Bilang isang Kinatawan ng Bayan Muna, na kumakatawan sa mga marginalized na sektor partikular ng mga manggagawa, nais ipaalam ng Abang Kinatawang ito sa Kapulungan ang kanilang kalagayan at ang kanilang mga kagyat na kahilingan.

Hindi kaila sa mga kasapi ng Kapulungang ito kung gaano katindi ang krisis na humahambalos sa ekonomya sa kasalukuyan. At ang pinaka-apektado ng krisis na ito ay ang mga manggagawa at iba pang mahihirap. Laganap ang kagutuman. Kawalan ng tirahan. Sakit.

Umaabot na rin sa 4.5 milyong Pilipino ang walang trabaho, at kung isasama ang mga overseas Filipino workers na walang trabaho kung nandito sila sa bansa, aabot sa 37.98% ang kabuuang pwersa ng paggawa na walang trabaho.

Batay na rin sa mga sarbey ng mga ahensya ng gobyerno, milyon-milyong Pilipino ang nagigising araw-araw nang walang ideya kung saan nila kukunin ang kanilang kakainin.

Ayon sa sarbey na isinagawa ng Food and Nutrition Research Institute, abot sa 72% na ng lahat ng kabahayan ang nasa-ilalim na ng tinatawag na "food threshold." Isinagawa ang pag-aaral na ito noong 1996, sa panahon na sinasabing may economic boom sa ilalim ng administrasyon Ramos.

Dalawang taon pagkatapos nito at makalipas sumambulat ang currency crisis as Timog Asya, napag-alaman naman ng National Statistics Office sa isang pambansang surbey na higit kalahati sa lahat ng pamilyang ininterbyu ay nagbawas na ng dami ng pagkaing kinukunsumo; o di kaya ay nagbawas ng perang ginagastos sa pagkain. Lumabas din sa pag-aaral ng NSO na ang ikatlong bahagi ng lahat ng pamilya ay naka-tuon na lang sa paghahanap ng ikabubuhay.

Sa isang pag-aaral naman ng United Nations's Children's Fund o UNICEF kamakailan sa Metro Cebu, lumabas na halos two-thirds ng lahat ng batang kinapanayam ay nabansot ang pisikal na pag-unlad. Sabi naman ng isang World Bank Report noong 1995, may one-third ng lahat ng batang Pilipino ay malnourished.

Dahil sa hindi makayanang bumili o kahit umupa man lang ng disenteng tirahan, 40% ng lahat ng maralitang Pilipino sa mga sentrong urban ay nakatira sa mga komunidad ng mga squatter o slum. Ayon ito sa mga pagtatanya ng World Bank.

Ayon pa din sa World Bank, sa Metro Manila lamang, kinikilalang may 591 na squatter colony na may kabuuang populasyon na 2.5 milyong Pilipino. Kinakatawan nito ang halos one-third ng buong populasyon sa Kamaynilaan. Pahirapan ang makakuha ng malinis na tubig sa mga komunidad na ito. Salat na salat din ang mga pasilidad sa sanitasyon at solid waste disposal.

Karaniwang kaso na mas malaki ang binabayaran ng mga residente sa pagbabayad sa mga nagkakabit ng iligal na kuneksyon sa tubig. Dahil sa malalang mga kundisyong pangkapaligiran na ito, mas mataas ang posibilidad ng bawat isang residente na magkasakit; habang bumababa naman ang posibilidad na sila'y makakuha ng oportunidad pangkabuhayan.

Sa liit ng sahod, di na rin makayanan ng mga manggagawang papag-aralin kanilang ang mga anak.

Sa bawat 100 estudyante na pumapasok sa elementarya, 65 lang ang nakakatapos. Sa bilang naman na ito, 47 lang ang makakaabot at makakatapos ng high school. Para sa higit kalahati ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino, nananatiling pribilehiyo at ilusyon ang edukasyon. Ang mga kabataan mula sa higit isang milyong pamilya ang napilitang mag-drop-out mula sa eskwela noong nakaraang taon upang makatulong na lang sa paghahanap ng kabuhayan ng pamilya, o upang mabawasan ang gastusin ng pamilya.

May 3.7 na milyong batang Pilipino ang nagtatrabaho ngayon upang madagdagan ang kita ng pamilya, o upang tustusan ang kanilang mga pansariling pangangailangan.

Isa sa mga pangunahing dahilan ng kahirapang ito, Kagalang-galang na Mr. Speaker, ay ang kababaan ng sahod na tinatanggap ng mga manggagawa.

Masahol ang epekto ng mababang pasahod sa kalidad ng buhay ng mamamayan.

 

Maliwanag ang epektong ito, halimbawa, sa kanilang kalusugan.

Dahil sa kapos ang sahod, wala nang mailaan na panggastos para sa gamot at mga pangangailangang pangkalusugan ang karamihan sa pamilyang Pilipino. Kaya di nakapagtataka na 1 sa bawat 4 na Pilipino ay may sakit na tuberkulosis, habang 68 naman ang namamatay araw-araw sa sakit na ito dahil hindi matustusan ang pagpapagamot.

Kahit ilaan ng isang manggagawa ang kabuuang sahod nya sa isang buwan, hindi pa ito sasapat para sa TB Treatment na kinakailangan. Samantala, 300 sanggol ang namamatay araw-araw dulot ng mga sakit na maaari sanang malunasan kung mayroon lang sapat na halagang ipampagamot.

Dahil nakahandusay sa kahirapan, maraming Pilipino ang nabubulid sa masasamang gawain.

Dumadami ang mga kaso ng krimen tulad ng pagnanakaw, panghoholdap at pagbebenta't paggamit ng droga. Kakabit din ng problema sa kahirapan ang dumaraming kaso ng pang-aabusong sekswal at pagdami ng mga dumaranas ng depresyon na kadalasang nauuwi sa pagkaloko o kaya'y pagpapakamatay.

Sa kasalukuyan, may higit 300 wage levels sa Pilipinas, at bumababa ang mga ito habang papalayo sa Maynila. Malayo ang sahod ng mga regular sa kontraktwal, ng kontraktwal sa apprentice, at ng apprentice sa pakyawang manggagawa. Sa mga tubuhan, koprahan, at iba pang plantasyong pag-aari ng mga dayuhang korporasyon, sahod alipin ang tinatanggap ng mga manggagawang bukid.

Kahit pa dalawa ang magtrabaho sa bawat isang pamilyang may lima hanggang anim na miyembro, kulang pa rin ang pondo ng pamilya upang tiyaking natutugunan ang mga pisikal at di-pisikal na pangangailangang magtitiyak na disente at makatao ang kanilang pamumuhay.

Kung noon ay nagagawa pa ng manggagawang ituring na pampulutan lang ang sardinas, ngayon ang mga delatang ito at ang instant noodles ay regular na bahagi na ng kanyang pagkain araw-araw. Halos makalas na ang kanyang buto sa pagtatrabaho, pero masustansyang pagkain ay di pa kayang bilhin ng tinatanggap nyang  sahod.

Ang sahod na kanyang makukuha para sa kasalukuyang linggo ay pambayad na lang sa pagkaing inutang noon pang nakaraang linggo.

Ang manggagawa ay nagbebenta ng lakas paggawa upang mabuhay. Ang kapitalista ay bumibili ng lakas paggagawang ito upang tumubo. Karaniwan na ngayon na 14 oras nagtatrabaho ang manggagawa upang makatanggap ng barat na sahod.

 

Sa ganitong kalakaran, Kagalang-galang na Mr. Speaker,  at mga kagalang-galang na Kinatawan ng Kapulungang ito, masasabi bang may tinatamasa ng mga manggagawa ang panlipunang katarungan?

Anong klaseng lipunan ang mayroon dito kung saan silang nagtatrabaho ang walang makain at walang pambuhay sa kanilang mga pamilya?

At anong klaseng sistema ng gobyerno ang mayroon dito, kung saan mas madalas unahin ang interes ng iilang mayayaman at makapangyarihan, kaysa sa interes ng laksa-laksang naghihirap at nagugutom na manggagawa?

Kagalang-galang na Mr. Speaker, isang malaking dahilan kung bakit din humihingi ng pagtataas ng sahod ang mga manggagawa ay dahil nga sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mga singil ng mga batayang serbisyong panlipunan.

Kahit sa panahong walang panawagan para sa dagdag na sahod, at sa panahong walang nagiging pagtataas sa sahod, sumisirit pataas ang presyo ng mga bilihin.

Para sa maraming ina at ama ng tahanan na nagbabadyet ng pondo ng kanilang pamilya, mahirap lunukin at paniwalaan ang sinasabi ni Trade and Industry secretary Mar Roxas na hindi nagkakaroon ng pagtaas ng presyo.

Sa mga palengke at grocery, halos buwan-buwan ay tumataas ang presyo ng gatas, de lata, instant noodles, asukal, biskwit, kape, tissue paper, diaper, bigas, arina, at iba pang mga produkto. Sa malalaking tindahan, sa dalas magtaas ng presyo, hindi na nilalagyan ng tarheta ang mga produkto. Madali at awtomatiko nang tinataas ang presyo dahil ang mga ito ay naka-bar code na lamang.

Sa harap ng lahat ng ito , hindi madaling unawain kung bakit may mga tumututol sa pagtataas ng sahod at pag-aangat ng kabuhayan ng mga manggagawa. Malinaw na walang ideya ng mga tumutuligsang ito kung ano ang tunay na kalagayan ng mga maralita't manggagawa. Ito ay dahil marami din marahil ang walang pakialam sa kapakanan ng mga manggagawa.

Lumalabas pa na pinapipili sila sa pagitan ng kanilang sahod at trabaho. Mali ito at immoral!

Moral ba na hayaan na ang iilan sa lipunan na mag-ipon at magkamal ng tubo habang ang mayorya ng mga manggagawa ay pinipilit na pagkasyahin ang kakarampot na sahod? Makatarungan ba na ipagkait pa sa kanila ang maliit ding umento na kanilang iginigiit?

Karapatan ng mga manggagawa ang makatanggap ng sahod at magkararoon ng trabaho.

At hindi lang basta-basta trabaho at sahod; kundi trabahong may katiyakan, maayos ang mga kundisyon sa paggawa.

Hindi lang basta sahod, kundi sahod na nakasasapat sa mga pangangilangan, sahod na nakabubuhay.

Responsibilidad at tungkulin ng gobyerno na tiyaking naibibigay ang mga ito. At ang bilang bahagi ng pamahalaan, nakataga din sa bato ang tungkulin ng Konggreso na tiyaking tinatamasa ito ng mamamayan.

Kagaya na nga ng inuutos sa Konggreso ng probisyon ng Konstitusyon kaugnay sa Katarungang Panlipunan at Karapatang Pantao:

Congress "..Must give highest priority to the enactment of measures that protect the right of all the people to human dignity, reduce social, economic and political inequalities…by equitably diffusing wealth and power for the common good." Ito ang sinasaad ng Artikulo XIII Seksyon 1 ng Konstitusyon.

Ang Abang Kinatawang ito ay nagpapabot ng panawagan sa Kagalang-galang na Kapulungang ito, na magsikap na itaas ang antas ng sahod ng mga manggagawa at iangat sila sa dustang kalagayan.

Mahaba na ang kasaysayan ng manggagawang Pilipino sa pakikipaglaban para sa pagtataas ng sahod. Sa lahat ng antas ng pakikibaka, buong giting na iginigiit ng ng mga ka-manggagawa na ibalik ang direktang responsibilidad ng pagtatakda ng sahod sa Kamara. Sa mga piketlayn, sa negotiation table para sa CBA, sa mga demonstrasyon sa lansangan isinisigaw ng mga manggagawa ang pagsasabatas ng dagdag sa sahod.

 Ang panawagang ito rin ay isa sa mga naging matibay na gulugod ng Bayan Muna noong panahon ng eleksyon. Pagtataas ng sahod sa pamamagitan ng lehislasyon ang isinisigaw ng mga obrero.

Ngayong ang Abang Kinatawang ito at dalawa pang kinatawan ng Bayan Muna ay narito na sa Konggreso, ang labang ito pa rin ang isa sa kanilang mga  primaryang dadalhin.

Hinihikayat ng Abang Kinatawang ito ang lahat ng narito ngayon na wag mangiming tulungan ang manggagawa at suportahan ang panawagan sa pagtataas ng sahod.

Pare-parehong kailangang lamnan ang bituka ng mga manggagawa saanmang dako ng Pilipinas. Pare-pareho rin ang mithiin ng lahat na magkaroon ng disenteng pamumuhay para sa pamilya ng bawat isa.

Sa ngalan ng milyon-milyong manggagawang Pilipino, ang Abang Kinatawang ito ay humihingi ng tulong sa Mababang Kapulungan na isabatas at itulak na agad mapatupad ang pagbibigay ng makabuluhang pagtataas ng sahod para sa lahat ng manggagawa sa buong bansa.

Hindi ito kalabisan, at hindi ito suntok-sa-buwan. Isa itong lehitimo at makatarungang panawagan. Ang kagyat na dagdag sa sahod ay magdudulot ng kabutihan at tanging kabutihan lamang para sa mga hikahos na mangaggawa.

Kagalang-galan ng Mr. Speaker at mga kagalang-galang na Miyembro ng Mababang Kapulungan, sana ay itagyod ng institusyon ng Konggreso ang interes ng mga manggagawa, ang interes ng maralita. Wala sanang makalimot sa sinumpaang tungkulin na ibandila ang interes ng taumbayan na naghalal sa bawat isang narito sa Kapulungan ito.

Ito ang dakilang tungkulin ng lahat ng narito - ang pakinggan ang tinig ng mahihirap, ang dinggin ang kanilang mga hinaing, at ipaglaban ang kanilang pang-ekonomyang kagalingan. Ito ang hamon ng mahihirap at manggagawa sa Mababang Kapulungan: ang itaguyod ang panlipunang katarungan, karapatang pantao, at kapakanan ng taumbayan.

Ngayong ang Abang Kinatawang ito ay narito na sa Konggreso, nais din niyang makatulong sa makapangyarihang institusyon na ito na gumawa ng mga batas na direkta at kagyat na tutulong sa mga manggagawa at mamamayan. Naniniwala ang Abang Kinatawang ito na sa tama at wastong pagtugon ng Konggreso sa mga hinaing ng taumbayan, mas totohanang maisasabuhay ang sinumpaan ng bawat isang narito.

Sa bahaging ito, tinatapos ng Abang Kinatawang ito ang kanyang talumpati, at nagpapasalamat sa iyo, kagalang-galang na Mr. Speaker, sa pribilihiyong ibinigay sa kanya. #


We want to know what you think of this article.