Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Volume 2, Number 1                   February 10 - 16,  2002           Quezon City, Philippines







Join the Bulatlat.com mailing list!

Powered by groups.yahoo.com

Isang Rebyu:
Manggagawa: Noon at Ngayon

Written in Filipino, Bulatlat.com publishes University of the Philippines (UP) Prof. Judy Taguiwalo’s review of the book “Manggagawa: Noon at Ngayon (Workers: Then and Now)” presented in a book launching last February 2 at the Philippine Independent Church (PIC) in Manila.

NI JUDY M. TAGUIWALO
Bulatlat.com

Ang  Manggagawa: Noon at Ngayon ay ikalawang edisyon ng aklat. Unang inilabas ito noong 1982, panahon ng batas militar, dalawang taon pagkatapos naitatag ang Kilusang Mayo Uno (KMU), isang taon pagkatapos na maitayo ang EILER.  Ang kasalukuyang edisyon ay ating inilulunsad sa 2002, 100 taong anibersaryo ng kilusang manggagawa sa Pilipinas, ika 103-taon nang pagsiklab ng Digmaang Pilipino-Amerikano (Pebrero 4, 1899), sa panahong pumapasok na sa ikatlong dekada ang KMU sa pagsusulong sa tunay, palaban at makabayang unyonismo at  ang EILER sa pagbibigay serbisyo nito sa militanteng kilusang manggagawa sa Pilipinas.

Ang manggagawang Pilipino ang pangunahing target na mambabasa ng aklat. Filipino, hindi Ingles, ang lenggwahe. Nagiging kaakit-akit at kawili-wili sa mambabasa ang aklat bunga ng mahusay na pagkokombina sa teksto , grafiks at mga ilustrasyon.

Dalawa ang layunin ng aklat: ang “pagpupugay sa ipinundar na pawis at dugo ng manggagawang Pilipino sa militanteng pakikibaka noong ika-20 siglo at ambag sa ibayong pagsulong ng kilusang manggagawa sa ika-21 siglo.”

Kung gayon, hindi simpleng komemorasyon ng 100 taong pakikibaka ng kilusang manggagawa ang libro, o pagbalik-tanaw sa kasaysayan para sa nostalgia  sa lipas na pakikibaka. Ang saysay ng librong inilulunsad natin ngayon ay ang ambag nito sa patuloy na pagpapapalakas sa organisasyon at sa pagkilos ng manggagawang Pilipino sa kasalukuyang yugto ng pambansa-demokratikong pakikibaka at sa partikular sa kasalukuyang panahon ng paghahari ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo at sa  tuwirang presensya ng mga tropang U.S. sa Pilipinas!

Sa ginawang pagtitipon  at paghahanay sa mahahalagang pangyayari sa kilusang paggawa sa Pilipinas sa nakalipas na 100 taon, maraming mahahalaw na aral mula sa aklat. Binigyang diin ito sa huling bahagi ng aklat.

Pangunahing kaaway

Ang imperyalismong U.S. pangunahing kaaway ng manggagawa’t sambayanang Pilipino. Ito ang pangunahing nakikinabang sa busabos at aping kalagayan ng manggagawang Pilipino at sa patuloy na pagiging atrasado ng Pilipinas. Ang tuwirang paggamit ng dahas ang pangunahing taktika nito para pahinain at wasakin ang militanteng kilusang manggagawa.  Sinusupil ang mga pagkilos ng mga manggagawa tulad ng mga rali’t welga. Dinedeklarang ilegal ang mga tunay na organisasyon ng mga manggagawa at kinukulong, at sa maraming pagkakataon, pinapaslang ang mga tunay na lider manggagawa. 

Ang panlalansi at panloloko ang pumapangalawang taktika ng imperyalismong U.S. para pahinain at wasakin ang kilusang manggagawa. Tinustusan nito ang mga dilawang lider manggagawa para ipako ang pagkilos ng uring manggagawa sa usaping kanin-at-isda, pakikipagkompromiso sa puhunan at estado, at paghihiwalay sa kilusang manggagagawa sa makabayang kilusan. Idinidirekta nito ang militanteng pagkilos ng uring manggagawa sa negosasyon at arbitrasyon sa pamamagitan ng mga batas at patakarang nagpapakitid sa mga demokratikong karapatan ng manggagawa. Nariyan ang “paluwagan” at kooperatibismo ni Lope K. Santos at ang “profit sharing” ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP). Sinusuportahan din ng imperyalismong U.S. ang mga nagpapanggap na mga progresibong lider na naglilihis sa manggagawa sa tamang landas ng pakikibaka at nagbibiyak sa mga tunay na mga organisasyon mula sa loob. 

Ang estado, sa kolonyal na anyo nito noong panahon ng tuwirang paghahari ng U.S. sa Pilipinas at ang sunud-sunod na papet na mga rehimen umpisa noong Hulyo 1946, ang instrumento ng imperyalismong U.S. para supilin at lokohin ang kilusang manggagawa sa ating bayan. 

Ipinakikita ng aklat ang kahalagahan ng proletaryong kaisipan bilang gabay sa pagbubuo at pagpapalakas sa kilusang manggagawa. Ang kaisipang ito na binubuo ng paninindigan para sa proletaryado at ang siyentipikong pagsusuri sa kalagayan at karanasan ng uring manggagawa sa buong daigdig at ang pangangailangan ng sosyalistang perspektiba para sa pambansa demokratikong kilusan sa Pilipinas ang naging mahalagang tanglaw  sa manggagawang Pilipino. Sa panahong mahigpit  na nailalapat ang proletaryong kaisipan at pananaw sa kongkretong kalagayan ng manggagawa at ng sambayanan, sumusulong ang pakikibaka ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino. Samantala, humihina, umaatras at malubhang napipinsala ang kilusang manggagawa kapag hindi nito wastong nailapat ang proletaryong teorya sa praktika. Kaugnay nito, malinaw ang aral ng kasaysayan:

Ispontanyong kumikilos ang mga manggagawa para ipagtanggol at igiit ang kabuhayan. Pero hindi dapat matali o makahon ang manggagawa sa kanin-isdang unyonismo at sa repormismo na ipinapalaganap ng imperyalismo at local na reaksyon. Kailangang tuluy-tuloy na itaas ang pakikibakang pangkabuhayan sa pampulitikang pakikibaka ng sambayanan. (p. 128)

Tagapaglikha ng kasaysayan

Binibigyang diin ng aklat ang pagkilos ng masang manggagawa bilang tagapaglikha ng kasaysayan habang kinikilala ang  mga natatanging indibidwal na kumakatawan sa pamumuno, determinasyon at kahandaang magsakripisyo ng uring manggagawa. Kapansin-pansin na halos lahat ng mga lider ng kilusang manggagawa ay nag-umpisa ng kanilang paglilingkod sa uring manggagawa sa panahon ng kanilang kabataan. Labing-walong taong gulang lamang si Crisanto “Ka Anto” Evangelista nang nahalal na Pangkalahatang Kalihim ng Union Impresores de Filipinas noong 1906 (Nob. 1, 1888 si Cristanto ipinanganak). Diseseis anyos lamang si Ka Bert Olalia noong mag-umpisang magtrabaho bilang chinelero sa Tondo noong 1920 at 35 anyos ng maging Pangkalahatang Kalihim ng Katipunan ng mga Anak-Pawis noong 1939. Beinte-singko anyos lamang si Ka Crispin “Bel” Beltran nang mahalal na Presidente ng Yellow Taxi Drivers Association.

Bukod sa kabataan, matingkad na katangian din ng mga lider manggagawa ang pagpapahalaga sa proletaryong kaisipan bilang gabay sa kanilang pagkilos. Maalam si Ka Anto sa mga sulatin nina Marx at Lenin; paulit-ulit na binabasa ni Ka Bert ang mga akda na noo’y sa Ingles pa nina Marx at Engels at matiyagang nagsasangguni sa isang diksyunaryo para maintindihan ang literal na kahulugan ng mga salita.

Ipinakita rin ng kasaysayan na may dalawang tipo ng mga intelektwal na napaloob sa kilusang manggagawa. May mga intelektwal na hindi nakapanibagong hubog at inilihis ang kilusang manggagawa sa makasaysayang misyon nito na mapalaya ang sambayanan at ang uri. Dinala ng mga di nakapanibagong hubog na mga intelektwal sa loob ng kilusang manggagawa ang mga sakit ng peti-burges bunga ng paurong-sulong na katangian ng peti-burges: ang pagbulid sa kilusan sa ekonomismo at repormismo sa kabilang banda at ang pagdadala sa kilusang manggagawa sa antas na lampas sa kakayahan ng organisasyon nito sa isang yugto. Sa kabilang banda, may mga intelektwal na lubusang napanday sa pakikibaka at lubusang nayakap ang proletaryong panindigigan, pananaw at pamamaraan at naging martir ng kilusang manggagawa at mapagpalayang kilusan.

Binigyang pansin din ng aklat ang naging papel ng mga manggagawang bukid, mga manggagawa sa ibayong dagat, mga manggagawa sa serbisyo at pamahalaan bilang bahagi ng kilusang manggagawa.

Kababaihang Pilipino

May ambag din ang aklat sa paglinaw sa partisipasyon ng kababaihang Pilipino sa kilusang manggagawa. Mula’t sapul, kabahagi ang kababaihang manggagawa sa pagsulong sa kilusang manggagawa at kinilala ng kilusang manggagawa ang partikular na pangangailangan ng kababaihan. Ang unyon ng Carmelo at Bauerman na itinatag noong Agosto 17, 1901 ay may apat na babaeng kasapi.  Isa sa mga resolusyon ng  pagtatag ng Congreso Obrero de Filipinas noong 1913 ay ang pagkaroon ng proteksyon para sa mga manggagawang kababaihan at bata. Si Narcisa Paguibitan, manggagawa sa La Helena, isang pabrika ng tabako ay pangunahing lider ng Katipunang Anak Pawis, isa sa mga lider ng Pambansang Liga ng Kababaihan na binuo noong Abril 1932, hinuli at kinulong bunga ng nangunang papel niya sa Pangkalahatang Welga ng mga Manggagawa sa Maynila noong 1934 at nahalal na isa sa dalawang babaeng kagawad ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Ikatlong Kongreso nito noong Oktubre 1938. Isang babaeng manggagawa, si Liza Balando na pinaslang noong Mayo 1, 1970, ang unang martir ng kilusang manggagawa at kilusang kababaihan sa dekada ‘70.

Ang militante at determinadong paglahok ng kababaihan sa mga welga at kilos protesta ay isa ring hibla ng kasaysayan ng kilusang manggagawa sa Pilipinas. Kasing-aga ng 1907, ang mga manggagawa ng sombrero sa kompanyang Gael at Ka, na karamiha’y “mga binibini” (Muling Pagsilang, Abril, 9, 1907) ay nagwelga para maibalik ang mga pinatalsik na mga manggagawa at humingi ng dagdag na sahod.  Maniningning din ang partisipasyon ng kababaihang manggagawa sa tabacaleras noong Pangkalahatang Welga ng 1934, ng mga kababaihang manggagawa sa Bataan Export Processing Zone at mga kababaihang manggagawa sa industriya ng retail tulad ng mga unyonista ng Anson’s at SM mula 1980s. Lahat nang ito ay nagpasinungaling na pasibo’t kimi ang kababaihang manggagawa. Mahalaga lang pag-aralan marahil kung bakit kaunti pa ring kababaihang manggagawa ang napapaunlad bilang mga lider ng kilusang manggagawa.

Bilang pangwakas, ikinagagalak ko, bilang bagong Tagapangulo ng Board of Trustees ng EILER at bilang bahagi ng kilusang guro, na inilulunsad natin ang aklat na “Manggagawa: Noon at Ngayon”. Mahalagang ambag ito sa pagkontra sa mahigit 100 taong misedukasyon ng mga Pilipino, naglilinaw ito kung sino ang totoong mga bayani at mga totoong bandido’t terorista sa ating kasaysayan at nagbibigay inspirasyon ito sa ating mga manggagawa, mga kabataan at mga kababaihan na magpunyagi sa pagsusulong sa kilusang manggagawa at sa pambansa-demokratikong kilusan na may sosyalistang perspektiba. Bulatlat.com


We want to know what you think of this article.