Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Volume 3,  Number 19              June 15 - 21, 2003            Quezon City, Philippines


 





Outstanding, insightful, honest coverage...

 

Join the Bulatlat.com mailing list!

Powered by groups.yahoo.com

Poems for Dean

The following poems were written by Richard R. Gappi as tribute to journalist and human rights advocate Dean Armando Malay who passed away on May 15. Gappi is a former editor of the Philippine Collegian, the university student publication of the University of the Philippines in Diliman, Quezon City and is presently associate editor of Metro East Watch, a local newspaper in Rizal province. He is a multi-awarded poet.

Manunulat

Siya ay manlalakbay;

pangahas na salta sa kalyehon ng siyudad.

Tulad ng paruparo, nilisan niya ang nakukubang

palay sa nayon. Sa sikmura ng esoterikong

lungsod, ano’t balighong salamin

sa kumakampay na anino, kapwa ang pisngi

ng estero at patetikong bilding? Ano’t

binubulag ng mararangyang liwanag,

nililingkis ang pakpak ng mga kislap at kurap?

A, anak ng puta! Gubat ito sa paraiso ng siyudad:

Piso ang batas, walang tawad! Batas ang piso

walang patawad! Tinatakal ang lahat,

maging ang huling pugto ng hiningang salat.

Dahil dito’y hinugot sa bawat buntunghininga

ng papel ang pantig ng panulat at pagkamulat.

Sa harap ng nakahandusay na plakard,

                Plastadong pako at martilyo,

                                Nakayukong palay,

Pumurol na karet at asarol,

                Nabaling tasa ng inosenteng lapis.

At napudpod na gulong –

Naging sumpang-kaloob ang angking

puganteng isip at dila na naging taliba

ng kondenadong balita:

huhulagpos tayo

mula sa malignong kamay ng kapital;

mahahango ang kalabaw mula

sa pagkalublob sa burak at kanal.

Kaya sakali mang sakalin

ang leeg at daliri ng suwero, kable,

at tumabang na tabletas; at putulin

ang dilang apoy ng matatalas

na kislap-neon, mananatiling may tinig

ang bawat bukambibig.

Sapagkat dugo siya sa bawat bukangliwayway

Ng letra

Ng salita

                Ng diwa

                               Ng daigdig.

 

Dayaw

Nakatitig sa akin ngayon

ang isa sa iyong mga tulang isasama namin

sa ilalabas na isyu. Babasahin itong dagdag

sa bakpak ng mga umaakyat sa arko ng balangaw.

Gayunman, hindi ito pabigat.

Pinapagpag pa nga ng iyong mga salita

ang mga ipa at alikabok na tumuntong sa balikat

Matapos magpunla ng binhi

                                                O gapasin ang mga talahib.

Hindi ko kabisado ang balangkas ng iyong mukha.

Hindi ko naamoy ang iyong pawis.

Hindi ko narinig ang tilamsik ng iyong tinig.

Ngunit bakit nagkakatawang-tao ka,

lalo na ngayong sinusuyo ko ang aking Musa?

Malapad na giwang ba ang malaking puwang sa edad

upang hindi natin makita, maamoy, o marinig ang isa’t isa?

Hindi.

Ito ang tiyak na isasagot ng iyong mga tula.

Sapagkat kapwa tayo saksi sa pangangalirang ng pitak,

isuma man natin ang mga edad ay hindi pa rin sasapat

sa kung gaano katagal nang nasadlak ang kalabaw sa burak.

Dahil ipinamana mo sa amin ang kredo ng dila,

nagkakamukha ang mga tula sa mga taong inahitan ng kilay,

silang isinusulat ang pangalan sa badhi ng kanilang hinlalaki.

Itinuro mo sa amin:

ang pilapil sa nayon ang taludtod;

ang libis na tinatalunton ang saknong;

at imahen sa tula ang pulang tintang

nakareseta sa mga dingding at pader.

Kung kaya nakikita natin ang isa’t isa

sa bakod ng ngiping nilagas ng pasistang bigwas at batuta;

naaamoy natin ang isa’t isa sa panghi ng lungsod;

at narinig natin ang haginit ng makatarungang bala ng pagsulit.

Sa atin, gatilyong sinasalat ang panulat

habang nakatutok sa mga kaaway.

Dito isinisilang at nagkakamukha ang mga tula.

Kung saan ang gatilyo ay kilay sa noo ng bundok.

Back to top


We want to know what you think of this article.