![]() |
|
Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts Volume 3, Number 21 June 29 - July 5, 2003 Quezon City, Philippines |
CULTURE Pagdakila
sa Abo ni Kasamang Amado V. Hernandez Ang
mga gunita at ispekulasyong naititik tungkol kay Ka Amado ay dapat magtulak sa
proyektong pag-ibayuhin ang sama-samang pagtahak ng landas mula sa "isang
dipang langit" ng neokolonya hanggang sa marating ang "bayang malaya,"
Pilipinas nating mahal. ni
E. SAN JUAN, Jr. Sa
aking piita'y hindi pumupurol ang lumang panulat, / bawa't isang titik, may
tunog ng punlo at talim ng tabak.
--Amado V. Hernandez, "Bartolina" Militanteng
pagbati sa lahat ng mga kasama at kapanalig sa pagkakataong ito, ang padiriwang
ng sentenaryo (kulang sa isang taon) ng kaarawan ni Ka Amado. Lubhang
napapanahon ito sa gitna ng "kampanyang anti-terorismong" inilunsad ng
imperyalistang Estados Unidos na siyang mahigpit na taga-usig sa mga makabayang
Pilipinong nabuwal sa dilim ng Cold War at McCarthyism, nangunguna na si Ka
Amado. Napapanahon dahil ang pagdeklara ni Colin Powell sa NDF, sampu ng mga
kasanib na mga pulong, na mga teroristang organisasyon ay lantad na
panghihimasok ng imperyalismong Amerikano at pagyurak sa karapatang-pagsasarili
ng masang Pilipino. Sunggaban natin ang pagkakataong ito sapagkat sa pagitan ng
mga sungay ng panganib lamang matatamo ang kasarinlan at kalayaan. Bakit
napapanahon? Ang digmaan laban sa agresyon ng Estados Unidos, mula pa noong 1898
hanggang nayon, ang hindi pa nakukumpletong rebolusyon ng bayang Pilipino-iyan
ang pangkahalatang tema, batayan at adhikain ng buhay at panitik ni Ka Amado
mula pagsilang niya (1903) sa panahon nina Macario Sakay at mga kolorum hanggang
sa pagyao niya (1970) pagsabog ng "First Quarter Storm" at matikabong
pag-aalsa ng tinaguring "wretched of the earth" sa awiting "Internationale."
Bukod sa pagiging rebolusyonaryong artista, si Ka Amado ay maitatanyag na
huwarang internationalista na nakaunawa sa kahulugan ng deklarasyon nina Marx at
Engels sa Communist Manifesto na "ang proletaryo ay walang bansa"
habang ang burgesya ay namamayani. Ilang
gunita ko rito ay marahil saksi sa katotohanan ng diwang internasyonalismong
pumatnubay sa nasyonalistikong pakikibaka ni Ka Amado. Mungkahi ko rito na ang
distansiya sa pagitan ng Utrecht at Quezon City, ng New York at Maynila, ng
Madrid at Makati, ay hindi dapat maging sagwil sa kolektibong pagbabalikwas,
laluna kung ating alalahanin ang kalagayan ng ating mga kabayayang tinuksong mga
"bagong bayani," tila 11 milyong Overseas Filipino Workers ngayon sa
iba't ibang lupalop ng daigdig. Una
sa alaala ang pagkilala ko kay Ka Amado noong 1958 sa isang piging sa Maynila
nang igawad kay Nick Joaquin ang Harry Stonehill Prize para sa kanyang
napabantog na The Woman Who Had Two Navels. Pansamantalang naipalabas si Ka
Amado sa bilangguan noong Hulyo 1956, pagkaraan ng limang taon at anim na buwang
pagkapiit sa sakdal na rebelyon - pinawalang-bisa ang sakdal na iyon noong Mayo
1964. Bagong silang sa bartolina at mga kampo militar, si Ka Amado ay isa sa
inanyayahan doon habang ako (sampu ng mga miyembro ng U.P. Writers Club) ay
buntot lamang ng aming mga guro. Hindi nakagugulat na sa buong madlang
kinabibilangan ng mga petiburgesyang intelektwal sa Kamaynilaan, si Ka Amado
lamang ang naghamon sa kakatwang situwasyon ng manunulat sa Pilipinas - bakit
isinusuob ang mga manunulat sa Ingles at ipinangangalandakan ang kongkistador na
mentalidad tulad nina Joaquin at mga alipuris niya, habang ang mga manlilikha sa
bernakular ay sukdulang napapabayaan. Iyon ang puna niya sa gitna ng madlang
natulala.
Ang
kauna-unahang akda ni Ka Amado na nabasa ko noong ako'y nasa haiskul, tulad ng
mga kahenerasyon ko noong dekada 50, ay ang tulang "Aklasan" sa
teksbuk na Diwang Ginto. Ang balangkas nito ay hindi de-kahon o pambalagtasan,
kaya nakaakit sa akin at mga kabataang mamamahayag. Ngunit mas matindi ang
imahen ng pagsalungat ni Ka Amado sa okasyong nabanggit ko, kung saan ang
larangang panlipunan ng dahas o kapangyarihan - ang tinagurian ni Pierre
Bourdieu na field of power - at ideyolohikang magkasalungat ay nakatambad doon
sa pagdalumat ng pangkat ng mga konserbatibo't reaksyonaryong intelektwal sa
isang dako, at sa kabilang dako ang hanay ng mga kontra-hegemonyang aktibista.
Isang arena iyong ng tunggalian ng mga uri. Hanggang ngayon, patuloy ang digmaan
ng dalawang pananaw na ito - ang ideolohiya ng imperyalistang kultura at ang
praktikang agham ng rebolusyon ng mga produktibong lakas ng lipunan - habang ang
pribadong pag-aari ay nananatili sa pag-sasamantala sa lakas-paggawa ng
nakararami. Tumalab
sa akin ang impresyong iyon hanggang ako'y nasa Harvard University noong
1960-1965. Panahon iyon ng pagbabangon ng mga Aprikano-Amerikanong masa,
pagtutol sa giyera sa Biyetnam, pagbabalikwas ng kabataan at kababaihan dito at
sa iba't ibang dako ng mundo. Bagama't ako'y nasa "sikmura ng dambuhala,"
wika nga, hindi nangiming sumagot sa sulat ko si Ka Amado. Sumang-ayon siya sa
mungkahi kong ipalimbag ang isang aklat ng mga pagsasalin ko ng ilang piniling
tula sa kanyang premyadong koleksiyon Isang Dipang Langit. Nagkataong ang editor
sa International Publishers ay isang
kaibigan ng progresibong tendensiya sa atin, si James Allen, istoryador
at awtor ng The Philippine Left on the Eve of World War II. Nailathala ang Rice
Grains: Selected Poems of Amado V. Hernandez noong 1966 nang ako'y nakabalik na
sa Diliman. At iyon ngang edisyong iyon ang napasa-pasa sa Surian at mga
pamantasan, at naging introduksiyon ko sa mga matatandang alagad ng sining,
tulad nina Alejandro Abadilla, Teo Baylen, Pablo Glorioso, Ponciano Pineda,
Anacleto Dizon, at mga kabataang naka-istambay sa Kalye Soler, Florentino, at sa
mga lansangan ng Sampaloc, Quiapo, at Escolta. Sa
pamamagitan ng librong Rice Grains, at ang sumunod na pagsasalin ko ng isang
kuwento ni Ka Amado sa antolohiyang pinamatnugutan ko, Introduction to Modern
Pilipino Literature (Twayne 1974), nagkaroon ng mambabasa si Ka Amado sa mundong
gumagamit ng Ingles. Naitanyag si Ka Amado sa awdiyens ng Kaliwa sa Estados
Unidos at iba pang bansa. Masaya naman ang bunga ng kapaguran ng isang taga-Connecticut
na Pinoy sa "King Arthur's Court," bansag sa akin ng isang kasama
riyan. Pinuri si Ka Amado nina Maxwell Geismar, Han Suyin, Ralph Friedman,
Miller Brand, Saunders Redding, at iba pang bantog na manunulat sa metropol.
Alam kong nakahuntahan din ni Ka Amado sina Bertrand Russell, Peter Weiss, Jean
Paul Sartre - may isang potograp ng dalawang rebeldeng makisig na naninigarilyo
na matutunghayan ng lahat - nang kalahok siya sa International War Crimes
Tribunal noong 1966, at marahil nga, nakatagpo rin niya ang tagapangulong Mao
Zedong. Bago
pa man naging tinik sa burgesyang global sanhi ng kanyang pagsisikap sa mga
internasyonal porum, kilala na si Ka Amado sa mga pulutong ng progresibong
Pilipino laluna sa West Coast. Ang tagapamagitan niya rito ay walang iba kundi
si Carlos Bulosan, na ngayon ay klasikong awtor sa matipunong kultura ng mga
Asyano Americano rito. Hindi ko batid kung nagkasalubong sila rito nang
naglakbay si Ka Amado dito sa "sikmura ng halimaw" noong 1948
pagkatapos magpasimuno sa isang demonstrasyon sa Maynila noon Mayo 1. Sa isang
akda niya sa 1952 Yearbook of the International Longshoremen and Warehousemen's
Union (Local 37), na pinamatnugutan ni Bulosan, usig ni Ka Amado: During
the dark days of the enemy occupation, the Filipino working man realized that
labor must speak only one universal language, and it has to rise above national
and racial barriers; that labor everywhere has one common struggle, and that it
must march toward one goal: the liberation of all the peoples from the chains of
tyranny, fascism and imperialism. Nang
lumabas ang Yearbook, si Ka Amado ay nakaluklok na sa bilangguan ng tutang
pamahalaan, ang magiging "pugad" ng mapagbagong panulaang may sagisag
ng nagdaang kahirapan at hudyat ng darating na katubusan. Ipinagtanggol ni
Bulosan ang sosyalistang prinsipyo ni Ka Amado at mga kapanalig sa kanyang
artikulo, "Terrorism Rides the Philippines," sa naturang Yearbook.
Iyon ay di pangkaraniwang simbolo ng solidaridad ng diyasporang Pilipino bago pa
man sumulpot ang OCWs. Marahil,
isang balik-handog lamang iyon kung iisipin na dumulog din naman si Ka Amado sa
mayamang kornukopya ng literaturang pandaigdig. Mapapansin iyon sa maraming
pagsasalin niya mula sa Ingles, Kastila, at iba pang wika, sa huling bahagi ng
kalipunang Tudla at Tudling, na mahusay na pinamatnugutan ni Propesor Rosario
Torres-Yu. Modernistiko ang sensibilidad ni Ka Amado, bukas sa mabilis na tagpo
ng sibilisasyon, tulad nina Baudelaire, James Joyce,
Ezra Pound, Ernesto Cardenal, o Aime Cesaire. Bagamat sa mga maselang
pagkilatis nina Prop. Torres-Yu at Ka Bien Lumbera, at maging sa mga sinaunang
diskurso ni Teodoro Agoncillo tungkol sa Bayang Malaya noong 1957, binansagang
tradisyunal si Ka Amado. Matatanggap iyon kung ang nasasangkot lamang ay porma o
hugis at balangkas ng mga tula hanggang 1951. Ngunit nag-iba ang mundo nang
maikulong ang makata, tumalas ang krisis, at nagluwal ng bagong estilo ng
pagsisiyasat at istratehiya ng pagtatanong. Katatapos
lamang ng giyera sa Korea, nagsisimula naman ang sagupaan sa Biyetnam. Ang
krisis ay lumala. Nakasentro iyon sa kontradiksiyon ng kaugnayang panlipunan (mala-piyudal,
tahasang neyokolonyal) at ang mga lakas sa produksiyon - laluna ang progresibong
lakas ng masang Pilipino. Dinaliri ito ni Ka Amado sa tulang "Mga Muog ng
Uri": "Kung bagaman bukambibig / na ang lantay na tuntuni't patakara'y
ang matuwid..../ sa tunay na karanasa'y patumbalik kung maganap / at sa matang
mapansinin ay baligtad ang daigdig...."
Kontradiksiyon din iyon ng mga namanang paradigma ng kamalayang humubog
sa kaisipan ng awtor at ang kinaharap niyang kabalintunaan ng karanasan at mga
pangyayari sa panahon ng Cold War noong dekada ‘40 at ‘50, ang mabagsik na
pagsugpo sa mapagpalayang lakas ng mga anak-pawis at makabayang panggitnang
elemento. Ang kontradiksiyong iyon ay hindi maiiwasan, laluna ngayon, sa
tunggalian ng makabayang puwersa at imperyalismong Amerikanong tagapagtaguyod ng
mga reaksiyonaryong uri, sampu ng puwersa militar, pulis, at iba't ibang aparato
ng Estado. Ito ang krisis pandaigdigan ng monopolyo kapital. Ang
mga epekto ng kontradiksiyong ito sa lipunan ay lantad, kadalasan ay tago. Ilan
ay masisinag sa pagpapatuloy ng edukasyon at gobyerno sa Ingles, kaakibat ng
mistipikasyong ideyalistiko, tulad ng namamayani rito sa E.U. Isang tanda nito
ay ang patuloy na pagtatanghal (ng mga estyudanteng Fil-Amerikano) sa mga akda
nina N.V.M. Gonzalez, Bienvenido Santos, F. Sionil Jose, at Jessica Hagedorn,
sampu ng mga komersiyalisadong "Filipino cultural icons" na inilalako
sa mga pistahang Pilipino, radyo, pelikula at telebisyon. Puwedeng baliwalahin
ito, ngunit paano matatamo ang hegemonya ng proletaryo kung hindi tayo
magsusulong ng ibang alternatibo, ng isang makamasang kultura? Hindi pa
nakahulagpos ang mga kababayan natin, laluna ang "Overseas Filipinos,"
sa dekadensiya ng burgesyang kultura hanggang sa yugtong ito ng globalisadong
imperyalismo at komodipikasyon ng seks, guniguni, at panaginip. Isang
bunga ng krisis ang di-mapipigil na pagbabago ng sining ng Pilipinong may sapat
na kamalayan sa mga nangyayari sa mundo. Kaya nga lumihis si Ka Amado noon sa
tradisyung nagmula pa kina Pedro Gatmaitan at Julian Cruz Balmaceda, bagamat
namumutiktik ang mga gantimpala sa kanya ng mga konserbatibong grupo. Natural
naman, bawa't kilos ng isang tao ay hitik ng kontradiksiyon. Kailangan samakawid
ang isang inbentoryo, isang talaan ng mga ito. Batay
sa pangkasaysayang iskema ng ginagampanang papel ng intelektwal sa kolonisadong
lipunan, naiwasan ni Ka Amado ang tadhana ng pagiging tradisyunal na intelektwal
na ginamit ng kolonyal na estado, simbahan, at uring nagmamay-ari. Palibhasa'y
sumunod siya kina Juan Abad, Pascual Poblete, Martin Ocampo, Teodoro Kalaw - mga
peryodista't sedisyonistang artista - naging organikong intelektwal siya ng mga
manggagawa't magbubukid, ng nakararami. Sa masaklaw na imbestigasyong ito, ang
bitayan o bartolina ang siyang pinakamakatuturang metapora o trope na nag-uugnay
ng indibidwal na kamalayan at lipunan, at ang pagwasak sa institusyong ito - ang
pagburol sa burgesyang orden - ang siyang sagisag ng tagumpay ng uring
anak-pawis na siyang kumakatawan sa malaya't makatarungang sistemang nakapaloob
sa pusod ng mga kasalukuyang nagaganap. Ang bilangguan ay siyang realidad at
sagisag ng sistemang dapat baguhin. Suriin ang tulang "Mga Muog ng
Uri" at iba pang nasa katipunang Panata sa Kalayaan ni Ka Amado. May
limitasyon ang umiiral na iskolarsip at kritika tungkol kay Ka Amado. Mababaw pa
at tila hindi masakyan ang diyalektikang metodolohiya ng panunuri. Nakaligtaang
punahin ang modernismong tatak-Pilipino. Hindi nakuhang pahalagahan, halimbawa,
ang impluwensiya ni Pablo Neruda at ang suryalistikong materyalismo sa mga
tulang nakagrupo sa "Mga Bagay," at maraming tula sa Isang Dipang
Langit. Noong siya'y nagsusulat sa Taliba at sa Ang Masa, laging hinihingi sa
akin ni Ka Amado ang mga libro ni Pablo Neruda bukod sa mga progresibong katha
ng mga insurektong sina George Jackson at Malcolm X. Bukod
dito, isa pang mabigat na huwaran kay Ka Amado ang panitik ni Nassim Hikmet, ang
Turkong rebolusyonaryo. Kapwa Marxista-Leninista ang dalawang makatang ito, pero
sa palagay ko ang namayaning gabay niya sa piitan ay hindi ang estetikong
halimbawa ng mga manunulat kundi ang praktikang pakikibaka ng masa, ng mga unyon,
estudyante, intelektwal, kabataan, na kinatawan, pansamantala, nina Claro Recto
at Lorenzo Tañada noong panahong kinagisnan ng mga sumanib sa Diliman Commune
at First Quarter Storm, sampu ng mga aktibistang nabuwal sa panahon ng
pakikibaka laban sa diktaduryang Marcos at mga tutang administrasyong humalili.
Ang malikhaing praktika ng buhay panlipunan at ang takbo ng mga pangyayaring
pandaidig, samakatwid, ang dapat tuunan ng pansin ng mapagpalayang kritiko. Marami
ang mga liham ni Ka Amado sa akin nang kasapi siya sa Taliba - inilalabas niya
ang talastasan namin sa kolum niyang "Sarisari" mula 1962. Ilang tula
ko ang inilabas niya sa Ang Masa noong 1969.
Wala pang Internet e-mail noon. Sa kahilingan niya, sinulat ko noong 1965
ang "Afterword" sa nobelang Mga Ibong Mandaragit na inilunsad noong 18
Hulyo 1969; at noong panahon ng martial law, sumunod sa kabanata ko tungkol kay
Ka Amado sa Radical Tradition in Philippine Literature (1971) ay ilang mga
sanaysay na lumabas sa The Philippine Times (April-May 1979) sa Chicago at
nirebisa para sa Toward a People's Literature (U.P. Press, 1984) na lumabas
pagkaraang paslangin si Ninoy Aquino. Nang
ako'y umuwi noong 1966-1967, kababalik lamang ni Ka Amado mula sa Afro-Asian
Writers' Emergency Conference sa Beijing. Naibalita niya ang mga pangyayari
tungkol sa Great Proletarian Cultural Revolution, bukod pa sa mga anti-imperyalistang
pagsisikap ng mga manggagawang pangkultura mula sa "pangatlong mundo."
Samantala, sa panahong iyon, nailunsad na ang mga modernistikong
eksperimento ng mga kabataan sa mga pahina ng Panitikan ni Alejandro Abadilla,
at sa mga pahayagan ng Dawn - mga kalipunang pinamatnugutan nina Efren Abueg,
Rogelio Mangahas, Pete Ricarte, Virgilio Almario, Ben Medina Jr., at iba pa. Makaluma
ba o tradisyunal si Ka Amado?
Ang problematikong isyu na ito ay tiyak na hindi malulutas sa larangan ng
diskursong pang-estetiko lamang. Hindi ito katanungan tungkol sa porma, hugis,
anyo o balangkas ng tula o likhang-sining. Sa perspektiba ng materyalismong
pangkasaysayan, ang halaga at kahulugan ng akda ay mababatid sa masalimuot na
konteksto ng kanyang kalamnan - namamayani pa rin sa analitikong pagsisiyasat
ang mga materyal na karanasan, ideya, damdamin, atbp. - na siya ngang
nagbibigay-hugis sa akda. Sa ibang salita, ang mayama't samutsaring praktika ng
buhay, sampu ng iba't ibang himig at kulay ng wika, ang dapat munang ipaliwanag.
Anong pagtasa o pagtaya ang makakamit natin kung isasaisip na tinanggap ni Ka
Amado ang premyong Balagtas Award mula sa neyokolonyal na gobyerno, at ang
inanyayahang "Guest of Honor" sa paglunsad ng Mga Ibong Mandaragit ay
walang iba kundi ang "American boy" na si Carlos P. Romulo? At ang
pagiging "National Artist" niya ay biyaya naman ng diktaduryang
Marcos? Dapat ba tayong magdalawang-isip at magduda? Kung
tutuusin, maraming ironya at kabalintunaan ang nakabalot sa usaping "Amado
Hernandez." Bagama't nakatugma sa wika at sa kolonyalismong Kastila, ang
usaping "Nick Joaquin" din ay may signipikasyong kahawig, lamang ay
wala nang nagbabasa o sumusuri sa mga nobela't tula ni Joaquin. Mahabang
diskusyon ito na hindi nararapat sa okasyong ito. Ngunit hindi dapat idambana at
magkulto sa personalidad ng organikong intelektwal ng proletaryo tulad ng ginawi
ni Ninotchka Rosca sa kalabisang pagtawag niya kay Ka Amado na "Grand Old
Man of Filipino Letters" o "l'homme terrible of Philippine literature
at whatever age." O magbigay ng kahina-hinalang parangal - wika nga ni Ka
Amado, "tila balot ng sutla ang kamay na bakal ng paniniil" - ng Board
of Judges ng Republic Cultural Heritage Award sa paghahambing kina Ka Amado at
Jose Garcia Villa - wala na ba tayong ibang pamantayan o sukatan kundi si Villa? Dahil
sa lubhang sariwa, totoong madugo, ang mga debate tungkol kay Ka Amado, dapat
dulutan ng ibayong sigasig ang pag-aaral sa mga komplikadong puwersang bumubuo
sa sining ni Ka Amado, hindi lamang ang naitalang okupasyon, ang karanasan sa
pulitika, at mga premyo niya. Ang istorikal na karanasan ng isang manunulat sa
Pilipino na nakihamok sa panig ng rebolusyon ang dapat munang linawin, laluna
ang situwasyon ng intelktuwal (tradisyonal o organiko, sa bansag ni Gramsci), at
ang katayuan ng panitikan at kultura sa tunggalian ng mga uri. Nais
kong isusog ay ito: bago tayo magpasiya na sa kabuuan, ang sining ni Ka Amado ay
tradisyunal sa porma at kumbensiyonal din sa mensaheng pampulitika, dapat natin
masusing pag-aralan muna ang komplikadong larangang pang-ideolohiya na kanyang
nilahukan. Halimbawa, ang editor na si Andres Cristobal Cruz, na naging masugid
na alagad ng "Bagong Lipunan" ng diktaduryang Marcos, ay responsable
sa kalipunang Panata sa Kalayaan ni Ka Amado. Ano ang epekto nito sa larangan ng
kultura? Paano ito maikokompara sa edisyon ni Rosario Torres-Yu? Sino ang may
kontrol sa diskurso tungkol kay Ka Amado? Nasaan ang mga iba pang dokumento
tungkol sa pamamahayag ni Ka Amado? Bakit hanggang nayon ay walang malamang
panunuring istorikal - bukod sa ilan-ilang nasulat nina Agoncillo, Lumbera, atbp.
- sa mga kuwento, dula at mga sanaysay? Magandang tema sa pananaliksik ang
kritikong katalinuhan ni Ka Amado na masasalamin sa sanaysay niyang "Ang
Mga Bagong 'Propagandista': Panulatang Tagalog sa 1900-1941," o sa panayam
na pinamagatang "Ang Pilipino sa Panitikan."
Bakit napakadahop ng mga pag-aaral tungkol sa iba't ibang aspeto ng
sining at buhay ni Ka Amado? Kapuna-punang wala pang mapapagkatiwalaang biograpi
tungkol kay Ka Amado o masaklaw na bibliograpi ng kanyang sinulat at mga
kritisismong nailathala sa iba't ibang lugar. Isang
talata na lamang at tapos na ang parangal ko kay Ka Amado. Ang
selebrasyong idinadaos niyo, sa palagay ko, ay kinakailangan laluna sa panahon
ng giyera laban sa terorismo - ang tinutukoy ko'y terorismo ng imperyalistang
E.U. at mga local na kasabwat. Mabuting kasangkapan at sandata ang panitik ni Ka
Amado - kung ito'y ituturing na panghamon sa isang pambansang pagbabago at
pagbabaguhang-buhay.
Sa pagbunyi sa kanya ng Ateneo de Manila University, mababasa ang ganito:
"Sa mga akda ni Amado v. Hernandez, mababakas ang dakilang tradisyong
nagbangon sa apoy at dugo ng himagsikang humubog sa bansang Pilipino."
Importanteng idiin ito at laging ituro sa lahat: na ang identidad ng bansa ay
pinanday sa dapog ng rebolusyon, oo nga, sa "howling wilderness" ng
Balangiga, ayon kay General Jacob Smith. Ngunit
sa tingin ko, ang malalim at pangmatagalang inspirasyong dulot ng kabuuang
nagawa ni Ka Amado ay hindi pabalik o paurong na obsesiyon sa nakalipas kahiman
dalisay o maluwalhati iyon. Manapa'y kabaligtaran. Sambit ni Ka Amado sa dulo ng
nabanggit kong panayam, pagkatapos purihin ang magandang katangian ng mga tula
nina Balagtas, Bonifacio, at Rizal: "Hinihintay siya [tulang Pilipino] ng
dagdag na kabaguhan at kaunlaran, ng dagdag na kariktan at kabuluhan, hindi ng
bahaghari kundi ng liwanag at buhay ng araw na magpapatingkad sa sining at
kaligayahan ng tao, upang maging karapat-dapat sa walang maliw na bukal na
kanyang pinanggalingan." Ito rin ang hagkis ng parirala sa nakakapukaw na
"Panata sa Kalayaan": "Ang libong nasadlak sa mga piitan / na
kawangis ko ring pinapagkasala'y walang kasalanan, / ang laksang inusig at
pinarusahan.../ ang hindi mabilang / na pinaglupitan /sa bukid at nayon, sa
lungsod at bayan..../ang mga nalibing nang walang pangalan / ni krus man lamang,
/di makalilimot ni malilimutan, / at ang sigaw nila'y abot sa pandinig ng
kinabukasan." Ulitin natin: "ang sigaw nila'y abot sa pandinig ng
kinabukasan." Nakaugat sa tradisyong mapagpalaya, walang pasubali ito, ngunit sa tingin ko, ang naghaharing motibasyon ni Ka Amado ay ang kolektibong pagsulong at pagsugod sa hinaharap, ang walang takot at intelihenteng paghawan ng landas tungo sa malaya't mabiyayang kinabukasan sa lupang ito. Ang oryentasyon ng panitik ni Ka Amado ay nakaturok sa isang rasyonalistikong paglikha ng bukang-liwayway ng bayang naghihimagsik. Mababanaagan ito sa huling tulang naisulat niya habang ang apoy sa Diliman Commune ay hindi pa napapawi, ang "Enrique Sta. Brigida: Paghahatid sa Imortalidad." Ang pananagutang naisakatuparan ni Ka Amado ay kawangki ng nasabi ni James Joyce, isang antikolonyalistang artista rin: ang humubog sa kinakailangang konsiyensiya ng kanyang lahi. Ang mga gunita at ispekulasyong naititik dito tungkol kay Ka Amado ay dapat magtulak sa proyektong pag-ibayuhin ang sama-samang pagtahak ng landas mula sa "isang dipang langit" ng neokolonya hanggang sa marating ang "bayang malaya," Pilipinas nating mahal. Bulatlat.com ================ *ABOUT
THE AUTHOR E.
SAN JUAN, Jr. is director of the Philippines Cultural Studies Center.
He was recently a fellow of the Center for the Humanities, Wesleyan
University, and
chair of the Department of Comparative American Cultures, Washington
State University; and professor of Ethnic Studies, Bowling Green State
University, Ohio.
He was previously visiting professor of English and Comparative
Literature at the University of Trento, Italy, and at the Graduate School of
Tamkang University, Taiwan. He was the 2003 Fulbright professor of American
Studies in Belgium (Leuven & Antwerp). San
Juan received his graduate degrees in English & Comparative Literature from
Harvard University.
He taught at the University of the Philippines, University of
Connecticut, Brooklyn College of the City University of New York, and the
University of California. He has received awards from the Rockefeller
Foundation, Institute for Society and Culture (Ohio), MELUS (Multi-Ethnic
Literature of the United States), Gustav Myers Human Rights Center, and the
Association for Asian American Studies. He received a Centennial Award for
Literature from the Cultural Center of the Philippines. San Juan's most recent works are Beyond Postcolonial Theory (Palgrave), From Exile to Diaspora (Westview Press), After Postcolonialism (Rowman and Littlefield), and Racism and Cultural Studies (Duke University Press). His groundbreaking book, Racial Formations/Critical Transformations (Humanities Press), will soon be reissued with a new preface. His collection of recent essays entitled Working Through the Contradictions: From Cultural Theory to Critical Practice will be released next year by Bucknell University Press. We want to know what you think of this article.
|
|