![]() |
|
Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts Volume 3, Number 21 June 29 - July 5, 2003 Quezon City, Philippines |
CULTURE Espasol
versus Nilupak Wala
sa bokabularyo ng rebolusyonaryong kilusan ang salitang "linyado"
kaya't nakapagtatakang ito ang pagbatayan ng mga haka-haka ni Almario tungkol sa
ipinalalagay niyang mapait na kapalaran ng tula at makata sa loob ng "linyadong
kahon," ibig sabihin, ang Partido Komunista ng Pilipinas.
ni
Gelacio Guillermo* Bagahe
ang pulitika sa pagtula, ito ang pasya ni Virgilio S. Almario sa panayam "Kapag
isinangkot ang pagtula: ang panulaang Filipino tungo sa bagong milenyo"
(2000). (Para sa kaugnay na mga idea, tingnan din ang "Ang makata sa
Albanya: isang pagsusuri sa tulang makabansa" (1982; Balagtasismo Versus
Modernismo 1984). Para sa kanya, ang pulitika ay anumang ismong umiinog sa uring
panlipunan, kasarian, at lahi.
Tulad ng ibang mga
rebolusyonaryo, ex-rebolusyonaryo o kontra-rebolusyonaryo (kaytagal na nga ng
rebolusyon para makalikha ng bagong pangkat ng ganitong mga nilalang), natutunan
ni Almario ang salitang "bagahe" mula sa "Bakahin ang liberalismo"
ni Mao Zedong ("Wala na ngayong Maoista," anya) na tumutukoy sa istilo
ng pag-iisip at paggawa ng mga kasapi ng Partido mula sa mga uring burgis at
petiburgis na nakasasagabal sa pagtupad ng gawaing IPO (Ideolohia, Pulitika,
Organisasyon). Ngayon, sang-ayon kay Almario, ang pulitikang ito mismo ang
bagahe sa pagtula ng makata. Bakit? Sinisikil ng "linyadong" kahon,
anya, ang kalayaan sa paglikha ng makata. "Napakatuwid ng tingin ng 'linyadong'
pagsulat," anya, "sa takbo ng kasaysayan at buhay." Nakakasuya
ang "linyadong" pagtula, anya, "lalo na't dumating ang panahong
maglaho ang bighani ng taglay nitong politika." Wala
sa bokabularyo ng rebolusyonaryong kilusan ang salitang "linyado"
kaya't nakapagtatakang ito ang pagbatayan ng mga haka-haka ni Almario tungkol sa
ipinalalagay niyang mapait na kapalaran ng tula at makata sa loob ng "linyadong
kahon," ibig sabihin, ang Partido Komunista ng Pilipinas.
Tungkol
sa unang punto: Ang pagsapi sa anumang organisasyon ay isang malayang disisyon
ng indibidwal, gayundin ang kanyang pagriresayn sa anumang kadahilanan, liban na
lamang kung may mga dahilan para patalsikin siya o gawaran ng mas mabigat na
parusa. Bilang bahagi ng organisasyon, tinutupad niya ang mga tungkulin at
responsibilidad sa pagsusulong ng mga layunin ng organisasyon, bukod sa
pagtatamasa ng mga karapatan at pribilehio. Kung siya rin ay makata, inaasahang
gagamitin niya ang kasanayan niya para sa mga layuning ito. Hindi ito paninikil
sa kanyang kalayaan sa paglikha; ito ay ang pag-aayon ng kanyang ispesyal na
kasanayan sa mga prinsipyo, patakaran at mithiin ng organisasyon. Kung
ang organisasyong tinutukoy ni Almario ay ang PKP (na siya namang totoo), hindi
maaaring ipauna ng kasapi ang kanyang pagiging makata, sapagkat siya ay isang
rebolusyonaryo una sa lahat, o kaya'y ihiwalay ang kanyang pagtula sa pulitika
ng kanyang organisasyon. Binatikos nina Lenin at Mao ang dualismo nina Bernstein
at Trotsky: proletaryo sa pulitika, burgis sa sining. Sabi nga ni Aime Cesaire,
makatang Afrikano, "Ang kanta [na isang anyo ng tula] ay umiinog sa
rebolusyon, at hindi ang rebolusyon ang umiinog sa kanta."
Ang
mga manunulat at artista ay kinikilala bilang isang partikular na sektor sa
lipunan na may sariling mga karapatan at interes ng mga organisasyong tulad ng
Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS), isang kasaping organisasyon ng
Pambansa-Demokratikong Prente.
Tungkol
sa ikalawang punto: Tinutukoy ni Almario ang mga tulang nagsisimula tungkol sa
opresyon tungo sa pagbabalikwas at magwawakas sa tagumpay. Ito ay isang
karaniwang padron/paradaym na makikita kapwa sa mga simple at kumplikadong
obrang pampanitikan ng anumang uri. Maraming ganitong likha sa kilusan at may
silbi sa paglalarawan ng pagsulong ng kasaysayan sa palargabistang paraan, na
ayaw ni Almario. Pero hindi naman lahat ng tula ay ganito. Tulad nga ng kanyang
hatol, 10% ng mga tula sa Mga Tula ng Rebolusyong Pilipino (1982) ay pumasa sa
sistema ng kanyang pagsusuri. Kung nagpunyagi si Almario sa pananaliksik, nabasa
sana niya ang mga tulang naglalarawan ng mga kumplikadong (hindi tuwid, salitang
sa ilang pagkakatao'y may dobleng pagpapakahulugan) karanasan sa kilusan, tulad
ng mga kontradiksyon sa pagitan ng personal na hangarin at kolektibong interes,
ng sentralismo at demokrasya, ng taktika at istratehiya, ng rebolusyon at
kontra-rebolusyon, atbp. Ang problema sa mga burgis na intelektwal ay hindi sila
sinanay magbasa ng ganitong mga teksto bilang praktikang panlipunan sa loob ng
rebolusyon. Sa halip, ipinaiilalim kaagad nila ang mga obra sa mga pormal na
kategoryang pampanitikan, tulad nang ginawa ni Bienvenido Lumbera sa tulang
awtobayograpikal ni Jose Ma. Sison, ang "Fragments of a Nightmare," na
sang-ayon sa kanya ay isang alegorya, ibig sabihin, isang pinahabang lambat ng
mga pandekorasyong (hindi organiko) imahen (!).
At
tungkol sa ikatlong punto: Ang mga tula, tulad ng anupamang bagay, ay hindi
tumatagal; lagi't laging lilitaw ang mga bagong tula habang isinasapraktika ng
mamamayan ang kanilang pagkamalikhain. Pero ang mga luma ay binabalik-balikan
para makakuha ng mga aral na magagamit sa bagong panahon, muling maramdaman ang
kahulugan nito bagamat sa ibang kalagayan, at samakatwid ay hindi lubusang
naglalaho o isinasadlak sa limot, o isinasaisantabi dahil sa pagkasuya. Sa ating
bansa, ang pulitika para sa paglaya ay isang mahabang praktika at nagpapatuloy
hanggang ngayon, kung hindi'y paano ipaliliwanag ang antig sa damdamin ng tula
nina Andres Bonifacio, Jose Rizal, Jose Corazon de Jesus, Amado Hernandez?
Walang tulang hindi pulitikal, iba-iba lamang ang pulitikang dinadala sa paraang
direkta, mahinhin o patago, o kaya'y dinadalang konsyus o di-konsyus. Ang mga
tulang may anti-mamamayang pulitika ay muli lamang binabasa bilang babala,
halimbawa'y ang Ferdinand E. Marcos: An Epic ni Guillermo de Vega (o mga ghost
writers sa Consensus, isang ahensyang pampropaganda ng rehimeng Marcos na unang
pinagsilbihan ni Almario). Hindi
pwedeng maglaro sa isang salitang inimbento para ilarawan o husgahan ang
penomenong panlipunan tulad ng panulaan sa rebolusyon at ng pulitikang
nagbibigay-buhay sa kanya at kanyang pinaglilingkuran. Isa
iyang paraan ng pag-iisip ni Almario. May naunang bersyon ito. Noong 1982,
inimbento niya ang mga praseng "pansamantalang distansiyang pampulitika"
at "taktikal na suspensiyon ng pakikipanig" para gabayan ang pagtula
ng mga kasapi ng Galian sa Arte at Tula (GAT) na kanyang ipinundar. Sa patuloy
na pag-iral ng batas militar noon, maaaring ito'y hakbang pansiguridad para sa
ligal na pagsusulat at paglilimbag. (Ang mga sulatin batay sa panuntunang ito ay
bumuo ng tinawag ni Lumbera na "literature of circumvention" o
panitikan ng panlalansi; galing din sa kanya ang terminong "disposable
poetry" (1971) o mga tulang may minsanang gamit, tulad ng kondom, na
tumutukoy sa maraming ahitasyunal na likhang pampanitikan ng mga aktibista bago
magbatas-militar.) Bilang maliwanag na pag-atras, nakabatay ito sa dalawa pang
aksyon ng pag-atras na mas malala kaysa sa nauna dahil, una, kinailangang ilagay
sa pagdududa ang pulitika (ang pagbabagong panlipunan, anya, ay baka matulad
lang sa sinabi ng makatang Pranses na si Charles Baudelaire, na paglilipat lang
ng kabayo sa isa ring kwadra) at panulaan ("iisa ang tinig, pare-pareho ang
talinghaga") ng PKP; at ikalawa, kinailangang tapatan ang liberal-burgis na
"kritikal at humanistang pagsusulat" ng isang pampulitikang programang
"demokratiko at makabansa" na hango sa programa ng kleriko-pasistang
organisasyon, ang Nagkakaisang Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (NPDSP)
dahil sa pagkakatulad ng mga idea tungkol sa "awtentikong umanismo,"
paglaban sa pamumuno ng proletaryado, at pakikipagkasundo ng mga uri. Ang
pag-atras sa (rebolusyonaryong) pulitika ay hakbang tungo sa pagsusulong naman
ng (oportunistang) pulitika sa pamamagitan ng panulaang ipinaggiitang hindi
"apolitikal" o "tiwalag," hanggang ang totoo ay maging
katawa-tawa. Galing
din kay Almario ang terminong "partidista." Batay sa kanyang iskema ng
tatlong antas ng pagpapaunlad ng panulaan sa panahon ng batas militar, ang
ikatlong antas ay ang pagsulat na ginagabayan ng programa ng mga partidong
pulitikal. Batay sa iskemang ito, walang ipinag-iba ang PKP, na naglulunsad ng
isang pambansang rebolusyon sa pamumuno ng proletaryado, sa mga burgis na
partidong elektoral ng naghaharing sistema. Sa kanyang teknesistang pagtingin,
ang panulaan ng PKP at Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Marcos ay "magkamukha
bagamat nagtutunggali." Binubura ng korporatistang terminong ito ang
distinksyon ng mga imahen batay sa makauring base ng kanilang kapangyarihan at
pinatutungkulan ng pagpapahalaga, at ng paninindigan ng mga makata hinggil sa
rebolusyon at kontra-rebolusyon. Iniharap
lang ni Almario ang ikatlong antas ng pagsulat para takutin ("wala nang
urungan") ang pinapaboran niyang mga makata noon sa peligro ng pagsusulat
na nakapanig sa PKP. Mababanggit na noong 1980, siya ay pinatalsik bilang
myembro ng PKP. Siya mismo ang nagbanggit nito sa panayam bagamat hindi niya
inilahad ang (mga) dahilan, pero maliwanag ang intensyong palabasin ang sarili
bilang biktima rin (isang usong pag-angkin ngayon) ng "Stalinisasyon"
ng PKP. Noong 1986, pinatalsik din siya sa GAT ng mayorya ng kasapian nito, na
tulad ng sa nauna'y hindi niya binanggit ang kadahilanan, pero ang bagay na ito
ay bahagi ng kaalamang publiko: isa siya sa nagpasimuno ng Coalition of Writers
and Artists for Freedom and Democracy (COWARD) para sa reeleksyon ni Marcos
noong 1986. Ang
kanyang pagpapauna (prioritization) sa mga konsiderasyong pansining (dahil sa
siya'y kritiko/makata?) ay may epektong pakitirin ang halaga ng malalaking
kategorya tulad ng "linyang pampulitika" at islogang "mula sa
masa, tungo sa masa." Tungkol sa "linyang pampulitika," padaskol
niyang sinabing "...[W]ala namang ibig sabihin [ang linyang pampulitika]
kundi pagsusulong sa estetikang nagagabayan ng pagsusuring panlipunan at
rebolusyong pampulitika." Hindi naililinaw sa ganitong pagsasabi ang bigat
at ugnayan ng mga kategoryang pangkilusan tulad ng pulitika, estetika at
ideolohia. Ang linyang pampulitika ay ang direksyon ng praktikal na pagkilos
tungo sa layunin ng pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihang pang-estado. Sa
ganitong batayan nagsisilbi ang panitikan at sining sa pulitika. Isa itong antas
ng pagkakaisa ng dalawang kategoryang hindi pantay batay sa papel nila sa
praktikang panlipunan. Ang isa pang antas ng pagkakaisa ng pulitika at sining ay
nakapaloob sa mismong likhang sining, na ang mapagpasya ay ang pulitika. Ang
ugnayan ng pulitika, sining at ideolohia ang bumubuo sa katangiang partisano ng
mga likhang sining. Tuwid nga ang linyang pampulitika (paano mahahagip ng sibat
ang target kung hindi ito tuwid?), pero may iba't iba itong mga porma at
nilalaman, dumadaan sa iba't ibang kalagayan, gusot at panganib, higit sa sapat
para biguin ang buryong ni Almario. At may sapat na paglalarawan ang mga ito sa
panitikan ng rebolusyon; ang husga ni Almario na "iisang tinig, pare-parehong
talinghaga" ay batay sa mga halimbawang kanyang nakita at hindi saklaw ang
iba pang mga likhang marahil ay hindi nakaabot sa kanyang pansin. Samantala, ang
walang alam lamang ang magsasabing hindi naging matagumpay ang implementasyon ng
islogang "mula sa masa, tungo sa masa" para mahalukay ang bukal ng
panulaang kilala ng masa. Paano ipaliliwanag ang popular na paggamit ngayon sa
mga sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan ng salidum-ay, ullalem, napasamak,
composo, ismayling, baleleng, ambahan, atbp? Pero tulad ng gawi ni Almario,
hindi wastong ipakat ang islogang ito sa gawaing ito lamang. Ang "mula sa
masa, tungo sa masa" ay isang patuloy, pangkalahatan at palagiang proseso
ng pag-alam at pagsasapraktika, ng pagwawasto ng mga kamalian at pagpapataas ng
mga mithi, na sa tuwina ay nakabatay sa gawaing masa at ginagabayan ng ideolohia
ng proletaryado. Ang
gawi ni Almario na pakitirin ang halaga (paano nga ba sasabihin ang
"reduce" mula sa "reductionism"?) ng mga kategoryang
pulitikal sa mga usaping pampanitikan ay nagreresulta sa pagpapababaw ng mga
kategorya at pagpapahina sa tunay nilang kapangyarihan. Ganito rin ang ginagawa
niya para sa panitikan: tangka niyang ilabas ito sa sakop ng pulitika (isang
imposibleng gawain), tanggalan ng kahulugan bilang panlipunang praktika, at
itaas sa pedestal ng "belles-lettres." Ito ay maliwanag na pagtalikod,
at pagtataksil, sa tinawag niyang "mahabang tradisyon ng panlipunang
pakikisangkot ng panulaang Pilipino." Ang
mga tanong (Ano, Paano) na mahalaga sa paglilinaw sa paraan ng paggawa ng mga
rebolusyonaryong manunulat para maging makabuluhan ang kanilang mga likha sa
kanilang odyens, tulad nang isinasaad sa "Porum sa Yan'an," ay nauuwi
na lang bilang teknikal na mga usapin. Ang responsibilidad ng mga manunulat sa
pag-alam sa buhay at pakikibaka ng masang anakpawis at pakikiisa sa kanilang
mithiin at ang paninimbang sa pangangailangan ng popularisasyon at pagtataas ng
pamantayan ay binabale-wala ni Almario para halinhan ng "walang
pakundangang pakikipaglaro sa paksa...upang makapagpanukala ng sariwang parikala."
Sa
usapin ng kritisismong pampanitikan (isang larangan ng tunggaliang ideolohikal),
sinabi niyang nanahimik ("wari'y may sabwatan") ang mga kritiko kapwa
sa magkabilang panig tungkol sa mga isyung kanyang inihapag (sa ilang
pagkakatao'y katulong niya rito si Epifanio San Juan, halimbawa'y sa usapin ng
"functionalism" at "Marxismong may artritis"). Nagbigay siya
ng mga dahilan. Sa panig ng mga "linyado," sinabi niyang "Walang
naging artikulasyon ang...panitikang U.G. [underground] upang gagapin ang
batayang estetika...[H]indi... marahil makabuluhan ang naging mga pagsisiyasat..."
Sa panig naman ng mga anti-linyado, sa halip na makipagtagisan ay naghanap na
lang ng ibang usapin - sex, postmodernismo, post-kolonyalismo, atbp. at nagkasya
na lamang sa "kritisismong kontext." Ayon kay Almario, ang
kritisismong kontext ay "isang uri ng kritisismong mahilig lumingon sa
pinanggalingan at paligid-ligid ngunit ayaw tumitig sa kasalukuyan." Batay
sa kanyang depinisyon, kaiba ito sa kritisismong isinasaalang-alang ang mga
kalagayan, salik at pwersa sa produksyon ng mga likhang sining at silbi nito sa
odyens bilang isang panlipunang praktika. Para
sa kritikong kilala sa pananaliksik, nakakabahala ang paggamit niya ng mga
salitang "wari" at "marahil" sa paggawa ng kongklusyon.
Maihahanay ang ilang susing dokumento ng kilusan na naglilinaw tungkol sa
estetika ng panitikan nito: ang dokumentong PAKSA, 1971, na pinangasiwaan ni
Lorena Barros; ang dokumento ng Ispesyal na Komite sa Kultura ng Komisyon sa
Edukasyon at Propaganda tungkol sa sining at panitikan sa mga sonang gerilya,
1984; ang mensaheng "Ang panitikan at komitment" ni Jose Ma. Sison
para sa mga kasapi ng U.P. Writers Club, 1984; at ang mga batayang dokumento ng
PKP, Bagong Hukbong Bayan, Pambansa-Demokratikong Prente at ARMAS. Ang mga
likhang pampanitikan at pansining na lumalabas sa Ulos at iba pang mga
publikasyong pambansa at panrehiyon ay patunay sa patuloy na pagsapol at
pagpapakabihasa ng mga rebolusyonaryong manunulat sa estetikang nakaugat sa
pagiging malapit sa masang anakpawis ng mga organisadong pwersa at kaalyado ng
kilusan. Sa mga larangang gerilya sa Cagayan, halimbawa, mayroon silang
ginagamit na terminong pang-estetika: natan-ok (marangal). Ang ikalawang
kilusang pagwawasto sa unang hati ng dekada 90 ay lalong nagpatibay sa
kawastuhan at pangangailangan ng estetikang ito, na tulad ng ibang gawain sa
rebolusyon ay nakabatay sa gawaing masa. Ang
kanyang paliwanag tungkol sa "pag-iwas makipagtagisan" ng mga anti-linyado
ay maaaring totoo, pero ikinukubli ng ganitong paliwanag ang pagkilos ng mga
anti-linyado para itatag ang mga base ng kanilang kapangyarihan/kontrol/impluwensya
sa mga institusyong pangkultura sa gubyerno (CCP, NCCA), unibersidad (departamento
ng panitikan at wika, sentro ng malikhaing pagsusulat, imprenta), malaking
negosyo (Anvil), masmidya (mga seksyong pang-Lifestyle ng Philippine Daily
Inquirer, Philippine Star, Panorama ng Bulletin Today) atbp. at mula roo'y
isulong ang kanilang adyendang pampanitikan at sikaping pahinain o hadlangan ang
paglaganap ng panitikang rebolusyonaryo, o yakagin sa kanilang "barkada"
(termino ni Pantoja-Hidalgo) ang mga dating aktibistang ngayo'y nakapwesto sa
mga unibersidad, o maglatag ng panuntunan para sa kritisismong hindi
komprontasyunal (galing kay Doreen Fernandez ang "smooth interpersonal
relationship" na bagay daw sa kultura ng pakikisama ng mga Pilipino), o
itakdang sa panahon ng postkolonyalismo (!) ang gubyerno at/o akademya ang
responsable sa pagbubuo ng "canon" (pulitikal at artistiko, pero
kaninong pulitika, kaninong kredong artistiko?) para sa pambansang panitikan (Lumbera),
o pagsilbihin ang kulturang tradisyunal para sa pagpapalaganap ng "benepisyo"
(sa mismong mga magbubukid at katutubong pinagmumulan ng teknolohia ng mga
tradisyunal na pormang pangkultura?) ng Medium-Term Development Program ng
gubyerno (Nicanor Tiongson). Ito ang pinagkaabalahan ng mga anti-linyadong
manunulat/burukrata sa dekada 90, ang panahon ng imperyalistang globalisasyon,
ang pagbagsak ng Unyong Sobyet, at pagpapanibagong-lakas ng PKP mula sa epekto
ng malalaking kamalian at paglihis sa buong kilusan noong dekada 80. Magkatuwang
sa pagkilos na ito ang mga "master poet" (termino ni Ruel de Vera) ng
mga panulaan sa Ingles at P/Filipino. Isang halimbawa ng "partnership"
na ito ay ang idinaos na Asia-Pacific Indigenous and Contemporary Poetry noong
nakaraang taon. Sa kasamaang-palad, pinalabas lamang nila ang kanilang sarili na
walang alam tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng panulaan sa hanay ng mga
katutubo sa ating bayan. (Tingnan ang aking sanaysay tungkol dito sa http://www.highchair.com.ph/index1.html)
Ang
sentro ng kapangyarihan para sa pagsasanay sa pagsusulat at pagtuturo ng
panitikan ay monopolisado ngayon ng mga anti-linyado. Halimbawa ng ganitong
sentro ay ang mga "creative writing center " ng UP (sa lahat ng kampus
nito sa Luson, Visayas at Mindanaw), Ateneo, UST, La Salle, na walang ipinag-iba
sa pinakaunang bastyon ng Bagong Kritisismo ("New Criticism"), ang
"writing center" ng Silliman University sa pamumuno ng mag-asawang
Tiempo at ngayo'y ipinagpapatuloy ni Edith Tiempo, ang Pambansang Artista ng
Cultural Center of the Philippines/National Commission on Culture and the Arts.
Ang regular na gawain ng mga sentrong ito ay ang pagdaraos ng "writing
workshop" sa gabay ng mga "visiting" at "resident
writer" sa mga unibersidad na ito. Paano
at bakit sumulpot ang mga "writing center/workshop"? Bago ang
ikalawang digmaang pandaigdig, walang ganitong institusyon sa Estados Unidos,
pero itinayo ang mga ito sa mga unibersidad pagkatapos ng gera para sa mga
manunulat na Amerikano at kalauna'y nagtatag din ng mga "international
writers program" para sa mga dayuhang manunulat mula sa mga bansang
kontrolado o impluwensyado ng imperyalismong US. Sa simula't simula, ang
panuntunang gumagabay sa nga sentrong ito ay ang panuntunan ng Bagong Kritisismo:
Walang ismo, walang linya, ang tunay na trabaho ng makata ay ang paghahanap ng
talinghaga, mahusay na lenggwahe at mabisang paraan ng pagpapahayag sa kanilang
nais itula, personal, pandaigdigan ("world-class" ang termino ngayon
dahil sa imperyalistang globalisasyon), walang pagkalaos dahil walang
kinakapitang pulitikang ang bighani'y naglalaho. (Kung sintunog ang mga ito ng
mga idea ni Almario, patunay lang na matagal na siyang nabighani sa mga idea ng
Bagong Kritisismo, noon pang dekada sisenta, ayon sa kanyang pag-amin at mismong
praktika sa kritisismo.) Ito
ang mga ideang pampanitikan na ipinalaganap ng imperyalismong Estados Unidos sa
lipunan nito at sa mga dayuhang bansa sa buong panahon ng Cold War (na pormal na
nagwakas noong 1989 sa pagbagsak ng Unyong Sobyet) bilang kasangkapan nito sa
kampanyang anti-Komunismo. Ito pa rin ang panuntunang ipinatutupad ngayon sa
panahon ng imperyalistang globalisasyon at gera laban sa terorismo. Walang
"writing center/workshop" sa tipong alam natin sa Estados Unidos noong
mga dekadang 20 at 30. Sa panahon ng pagbagsak ng "stock market" sa
US, ang mga Amerikanong manunulat tulad nina James Agee, Ernest Hemingway, John
Steinbeck atbp. ay nagsulat tungkol sa kalagayan at pakikibaka ng mga manggagawa
sa minahan, pabrika at taniman. Ang kanilang mga sulatin ay inililimbag ng The
New Masses, isang radikal na "little magazine." Ang ganitong
publikasyon (karaniwang apat na beses lumabas sa isang taon, maliit ang
sirkulasyon) ay dumani noong mga dekadang 50 at 60 sa pagpopondo ng mga
ahensyang pangkultura ng CIA, kasabay ng "witch-hunting" ni Joseph
McCarthy. Ang pakikilahok ng mga manunulat sa mga usaping panlipunan ay
nanumbalik noong mga huling taon ng dekada 60 at mga unang taon ng dekada 70 sa
panahon ng pagtutol laban sa gera sa Byetnam sa pamumuno ng mga makatang nasa
labas ng mga unibersidad tulad nina Lawrence Ferlinghetti, Allen Ginsberg,
Robert Lowell, atbp. Ang ganitong pakikilahok (ang paglabas ng mga makata sa mga
unibersidad para mamahayag sa kalsada) ay tinutulan ni Lionel Trilling, dating
radikal na kritiko at kalauna'y naging burukratang propesor sa panitikan sa
konserbatibong Columbia University. Kamakailan lang, sumama ang mga makatang
tulad nina Rita Dove at (muli) Ferlinghetti sa kampanya laban sa gera sa Iraq;
ilandaang tula ng gayundin karaming makata ang nagsumite ng kanilang mga tula sa
Kongreso ng Estados Unidos bilang testamento ng kanilang pagtutol sa muling
pandarambong sa mundo ng Estados Unidos sa balatkayo ng "war on
terror." Ang
"writers workshop" na nakabase sa unibersidad ay nagsimula sa
Pilipinas noong ikalawang hati ng dekada 60. Monopolisado ng mga manunulat sa
Ingles ang mga naunang "workshop," ang kalauna'y paglahok ng mga
manunulat sa Pilipino ay kasabay ng kanilang radikalisasyon sa pulitika bunga ng
kilusang propaganda para sa pambansang demokrasya at pandaigdigang mobilisasyon
laban sa gera ng imperyalismong US sa Byetnam. Sina Almario at Amado Hernandez ,
gayundin si Salvador P. Lopez ay nagkasama sa ganitong "workshop"
noong 1969 at namuno sa pagtataguyod ng panitikang nakikisangkot. Ang pormal na
pagtatayo ng Creative Writing Center sa UP ay inianunsyo ni Marcos sa Afro-Asian
Writers Symposium na idinaos sa Maynila noong 31 Enero - 3 Pebrero 1975. Sa
harap ng mga anti-imperyalistang delegado mula sa iba't ibang bansa sa Africa at
Asya, iginiit ni Marcos na "Sa wakas, hindi na maghahanap ng papel sa
lipunan ang malikhaing manunulat." Inilako din ng dalawang delegado ng
Pilipinas, sina Cirilo Bautista at Rolando Tinio, mga produkto ng International
Writers Program sa Iowa University (na pinopondohan ng US State Department), ang
mga pagpapahalaga ng Bagong Kritisismo, ang unibersalismo at natibismo, mga
kategoryang labas sa dinamismo ng kasaysayan at uri. Ang
Bagong Kritisismo ang panuntunan sa pagpapatakbo ng UP Creative Writing Center.
Ang mga salita ni Almario ay sintunog ng mga salita ni Marcos na nagsabing,
"Ang pinakadakilang panitikan, kundiman ang pinakadakilang sining, ay
nagtataglay ng lakas na kadalasa'y laban sa pulitika. Tinatalikuran nito ang
silakbo ng aktibismo na para bang natural nang alam na ang kapusukan ng
aktibismo ay halik ng kamatayan.") Ang
2000 panayam ni Almario ay isang demonstrasyon ng kanyang istilo ng pagsusuri:
sa isang banda ay ang mga tulang "mabuti" at sa kabilang banda ang
"masasama." Sa kanyang paggamit, hindi mga terminong moral ito kundi
teknikal, tulad ng paliwanag sa The Stuffed Owl, an anthology of bad verse ni
Wyndham Lewis; gayunman, teknikal na'y pinakitid pa ni Almario ang "trabahong
pangmakata" para itampok lamang ang mga teknikang kinasanayan ng mga makata
ng Bagong Kritisismo. Halimbawa, ang talinghaga ("metaphor") ay isa
lamang sa maraming porma ng panulaan, at higit na mas marami ang teknikang pang-retorika
na nagagamit ng mga makata (sa panulaang Anglo-Amerikano, may limang dantaon ng
panulaang binabalikbalikan ang mga makata sa Ingles para sa kanilang
modernistang layunin). Sinamantala ni Almario ang pagpapakitid na ito para
itampok ang tinatawag niyang mga "kahinaan" ng mga tula nina Lilia
Quindoza, Tomas Agulto at Pete Lacaba. Ito'y pangunguto na lamang
("nitpicking," ang sabi ni Mao) sa mga "linyadong" tula na
inunahan na niya ng kanyang prehuwisyo. Nakarurok
sa panuntunan ng panunuri ni Almario ang kategorya ng aliw sapagkat nakapaloob
dito ang kanyang paningin-sa-daigdig. Lubos ang paghanga niya sa tula ni Vim
Nadera, ang "Espasol," isang tipikal na produkto ng Bagong Kritisismo
- pira-piraso't magkakaibang tibtib mula sa materyal na mundo na ipinapaloob sa
kalooblooban (psyche?) ng makata para ilarawan o buuin ang isang damdamin o
idea, na nakalahad sa unahan pa lang ng tula: ....Abentura ang turing ko sa iyo/
Mapanglaw ngunit di mapanganib." Sinagpang ito ni Almario para ibandila ang
kasukdulan ng kanyang panlasa: "Tulad ng sining, kahit ang pagkain lamang
ng espasol ay tigib ng tentatibong pagbabakasakali at di-inaasahang pangyayari.
Ang ganitong pakikipagsapalaran ang totoong alindog ng sining at pagtula." Ngayo'y
huli na marahil para himukin si Almario na basahin ang isa namang tula ni
Jimmuel Naval, "Ang paggawa ng lupak" (Bigkis 1994). Sa pormang
pamilyar sa nagbabasa ng kukbuk ni Aling Charing, inilarawan ni Naval ang
proseso ng paggawa ng lupak at ang mga pwersang panlipunan na nagpapawis para sa
produksyon ng mga sangkap. Ganito niya winakasan ang tula: Pagsama-samahin,
haluin/ ilagay sa malalaking bandehado/ ihain at likumin muli/ matapos tikman at
paglaruan/ ng anak ng asendero. Narito
ang istratajem para sa tunay na aliw ng sining at pagtula ng mga nagbabangong
uring panlipunan, sapagkat ang paglibak at pagkamuhi sa mga naghaharing uri, at
ang pagtatawa sa kanilang ugaling matapobre, ay isa ring anyo ng pyesta ng
mamamayan para gawing ilihitimo ang paghahari ng mga hari-hari sa lipunan. Ang
api ma'y mayroon ding makauring "frisson aesthetique" (aliw pang-estetika)!
Sundan
natin ang mga bagong pakikipagsapalaran ng mga gumagawa ng lupak (at nagsusulong
ng agraryong rebolusyon), kumakain ng pinawa (at sumusumpa sa Pulang bandila),
at nanghuhuli ng isdang-bato (at pinatutuloy ang mga kasama sa kanilang mga
dampa). Silang wala sa toreng garing ni Virgilio S. Almario/Rio Alma. Posted
by Bulatlat.com *Tungkol sa may-akda: Dumaan din si G. Guillermo sa International Writers Program sa Iowa University, 1970-71. Kinatawan niya ang Pilipinas sa 27th Poetry International Festival sa Rotterdam, Holland, 1996. We want to know what you think of this article.
|
|