Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Volume 3,  Number 26               August 3 - 9, 2003            Quezon City, Philippines


 





Outstanding, insightful, honest coverage...

 

Join the Bulatlat.com mailing list!

Powered by groups.yahoo.com

Poetry

Takbo Gloria Lipad!

Ni Joi Barrios  

Ang sabi ni Ate Gloria

Tagumpay na naman ang demokrasya

Ay naku, ang coup, agad natapos

Naligaw na rebelde ay nagbalik loob

Konting kuskos, nawala na ang gusot

Si Gloriang Labandera,

Darna ng Demokrasya!  

 

Ngunit naku, Diyos ko!

Meron kayang mababago?

Kung itong pangulo,

Abala sa pagtakbo!

Reynang ang panunungkulan,

Tila walang katapusan,

Ibilad kaya natin sa araw

Nang matauhan

sa kanyang kabalbalan.  

 

Takbo, Gloria, Takbo!

Lipad Gloria Lipad!

Ding, ang bato!

Ihagis sa daraanan ni Ate Glo!

Ang pangulong sakim sa kapangyarihan

Matitisod ng saring kahayukan

Ding, ang bato!

Ipukol na kay Ate Glo!

Ang pangulong ayaw tuminag sa luklukan

Ay dapat daganan

nitong taumbayan.  

An effigy of President Macapagal-Arroyo runs away from the wrath of the people 

Photo by Arkibong Bayan

 

Ay, Gloria Labandera y Valentina,

Ahas kang nakapulupot sa mamamayan

Lubayan na kami’t tantanan

Ang hanap lang naman namin

Ay konting katiwasayan,

Konting kaginhawahan,

konting kapayapaan.  

 

Takbo, Gloria, Takbo!

Lipad Gloria Lipad!

Takbo, lipad, palayo sa aming lahat!

Huwad na Darna ay ibabagsak!

Ng aming galit, ng aming lakas!  

Bulatlat.com

 

Ang tulang ito ay binasa ni Dr. Ma. Josephine Barrios sa mobilisasyon kaugnay ng huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 28 Hulyo 2003 sa harap ng Ever Commonwealth.

Si Joi ay isang premyadong manunulat at ang bagong halal na Cultural Committee Head ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy, University of the Philippines chapter (CONTEND-UP). Siya rin ay associate professor ng Departamento ng Filipino at Panitikang Pilipino, Kolehiyo ng Arte at Literatura (DFPP-KAL) sa UP Diliman.

Back to top


We want to know what you think of this article.