Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Volume 3,  Number 9              March 30 - April 5, 2003            Quezon City, Philippines


 





Outstanding, insightful, honest coverage...

 

Join the Bulatlat.com mailing list!

Powered by groups.yahoo.com

Tula (Poetry)

Anakpawis     
Ni Hassan Ul-Hashim Kabungsuan

 

Binungkal mo ang lupa

At naging sagana ang mga hapag,

Maliban sa iyo at sa iyong mga kauri.

            Dahil batas ng piyudalismo na tanging panginoong maylupa

Ang nararapat na mabusog sa sagana mong ani

At dahil siya rin madalas ang iyong pinuno

Dapat sa kanya ka lamang magsisilbi.

                        “ito ang lagi nilang isinasaksak sa iyong utak

                        pag umayaw ka’y wawasakin nila ang iyong bungo”

                                    at alam mo kung paano nila sinalaula’t pinagpapatay

                                    ang mga kapatid mong lumabag sa batas ng piyudalismo.

 

 

Tinibag mo ang bato

At lumitaw ang mga produkto’t matatayog na gusali

Ngunit hindi ikaw ang nagmay-ari nito.

            Dahil batas ng imperyalismo na tanging kapitalista

            Ang magmamay-ari sa lahat na bunga ng iyong paggawa

            At dahil siya rin madalas ang iyong pinuno

            Dapat sa kanya ka lang magsisilbi.

                        “ito ang lagi nilang isinasaksak sa iyong utak

                        pag umayaw ka’y wawasakin nila ang iyong bungo”

                                    at alam mo kung paano nila dinukot at minasaker

                                    ang mga kapatid mong lumabag sa batas ng imperyalismo.

 

 

Hinulma mo ang bakal

At sumulpot ang mga kagamitang pandigma at sandata

Ngunit ayaw nilang hawakan mo ang mga ito.

            Dahil batas ng burukratang-kapitalismo

            Na ang hahawak nito ay tanging mga mersenaryo

            At dahil sila ang tropa ng iyong mga pinuno

            Dapat sa kanila ikaw ay magsisilbi.

                        “ito ang lagi nilang isinasaksak sa iyong utak

                        pag umayaw ka’y wawasakin nila ang iyong bungo”

                                    at alam mo kung paano nila tinortyur at pinugutan ng ulo

                                    ang mga kapatid mong lumabag sa batas ng burukratang-kapitalismo.

 

 

                                    Kinamuhian mo ang lahat na batas na iyon

                                    Dahil inilugmok ka nito sa dusa at hirap.

                        “ito ang iminumulat mo sa kamalayan

                        ng iyong mga kapatid at kauri”

            Dahil batas ng katarungan na ang nagbubungkal ng lupa

            Ang nararapat na mabusog ng biyaya

            Na ang pagal sa pagtibag at paggawa

            Ang nararapat na may pag-aari

            Na ang karapatan ng nakararami

            Ang nararapat na ipagtanggol!

Kaya nagpasya kang hasain ang karit sa saliw ng iyong luha

Kaya nagpasya kang itaas ang maso sa ritmo ng kumukulo mong dugo!

 

 

Sa bisa ng aral ng malamlam at makulay mong karanasan           

Patuloy mong iguguhit ang mapulang hulagway ng kasaysayan…

  Bulatlat.com


We want to know what you think of this article.