Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Vol. V,    No. 1      February 6-12, 2005      Quezon City, Philippines

HOME

ARCHIVE

CONTACT

RESOURCES

ABOUT BULATLAT

www.bulatlat.com

www.bulatlat.net

www.bulatlat.org

 

Google


Web Bulatlat

READER FEEDBACK

(We encourage readers to dialogue with us. Email us your letters complaints, corrections, clarifications, etc.)
 

Join Bulatlat's mailing list

 

DEMOCRATIC SPACE

(Email us your letters statements, press releases,  manifestos, etc.)

 

 

For turning the screws on hot issues, Bulatlat has been awarded the Golden Tornillo Award.

Iskandalo Cafe

 

Copyright 2004 Bulatlat
bulatlat@gmail.com

 

Ang Pang-Ekonomyang Krisis noong 2004 At ang Hinaharap ng Mamamayang Pilipino

Sinasabi ng gobyerno ang GNP daw ay tumaas ng 6.1% noong nakaraang taon, ngunit ito ay walang saysay sa masang naghihirap dahil di nila naramdaman ang pagtaas ng halaga ng produksyon at serbisyo sa Pililpinas. Sino baga ang nagtamasa ng pagtaas ng GNP noong nakaraang taon, kundi ang mga dayuhang eksporter at mga komprador dahil tumaas ang eksport noong 2004.

Ni Dr.  Edberto M. Villegas
Inilathala ng Bulatlat

Sa nakaraang taon 2004 lalong umigting ang epekto ng globalisayon sa Pilipinas na nagresulta sa lalong pagkalulon ng mamamayang Pilipino sa kahirapan. Ang napakamasugid na pagsunod ni Macapagl Arroyo sa patakaran ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon ay humantong sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin (7.6% noong disyembre 2004, pinakamataas sa loob ng 6 na taon),  pagrami ng mga nawalan ng trabaho (mula 11.7% noong abril 2004 na naging 13% sa kasalukuyan, isa sa pinakamalaking porsyento sa daigdig) at paglobo ng bilang ng mga mamamayan na nahulog sa ilalim na tinatawag na lebel ng kahirapan,ngayon ay 88% na kabuuang pamilya na mga Pilipino.[1]

Noong 2004, ang presyo ng gasolina dahil sa deregulasyon ay tumaas ng 13 na beses at ng diesel 15 naman. Pati na ang presyo ng kerosone at LPG, na karaniwang ginagamit ng mga bahay, ay malaki din ang tinaas. Dahil sa pribatisasyon ng MWSS (ang Maynilad ay naging pagaari ng mga Lopez at ang TNC Suez ng mga pranses at ang Manila Water ay naging pagaari naman ng mga Ayala at ng TNC United Utilities ng Britanya)  ang pagtaas ng presyo ng tubig ay umabot sa 226% noong 2004 mula 1997 para sa Maynilad at 350% para sa Manila Water. Ang mas masahol ay papayagan na naman ni Arroyo ang Maynilad ng magtaas ng panibago ng P2.18 bawat cubic meter ng tubig ngayong enero, 2005, para mabayaran ang utang nito na $180 millyun.[2] Bakit ipapasa sa mamamayan ang resulta ng inkompententeng pamamahala ng Maynilad pagkatapos mapribatisa ang MWSS sa ilalim ng globalisasyon? Ang mas nakakapangaapi ay ang Maynilad ay may utang pa para sa refund sa mga consumer nito ng P7.5 billion dahil sa paglabag sa mga regulasyon na tinanggap nito mula sa gobyerno na di naman iniimplementa ng huli ang pagsingil ng utang.

Sa Meralco, na pagaari din ng komprador na Lopez, ganito din ang nangyayari. Sapagkat   di makabayad ang Meralco na utang niyang P13 bilyun sa NAPOCOR, pinayagan ng gobyerno na ipasa sa publiko ang malaking utang na ito. Alam naman natin kung ano-anong items ang pinasaok ng Meralco sa electric bill natin buwan-buwan upang mabayaran ang utang niya at tumubo din. Nababahala ang pamahalaan ni Arroyo sa higanteng utang ng NAPOCOR na umaabot na sa P1.3 trilyong peso($23.5 bilyun)   na dulot ng mga malaking anomalya na naganap sa loob ng GOCC na ito sa pakikibagsabwatan  ng mga nangangasiwa ng NAPOCOR sa mga independent power producers(IPP) noong panahon ni Ramos. Siyempre malaki ang tiniba ni Ramos lalo na sa pagpasa ng batas na EPIRA na nagsimulang iprabitisa ang NAPOCOR sa panahon niya.  Sapagkat ang NAPOCOR ay di makautang panibago  sa labas dahil sa malaking utang nito, ang gobyerno na ang sasalo sa utang.. At kapag nabayaran ng Meralco ang utang niya sa NAPOCOR at balikatin naman ng gobyerno ang balanse ng utang ng huli, sa tingin ng Arroyo mapapadali ang lubos-lubusang pribitasasyon ng NAPOCOR na inuutos ng IMF. Sa katunayan, kinukulit ng IMF ang gobyerno ni Arroyo na padaliin ang pribatisasyon ng NAPOCOR ng magpadala ang institusyong ito ng isang survey misyon sa Pilipinas noong Junyo hanggang Julyo ng taon nakaraan.[3]

Ang itaas ay nagpapakita lamang na patuloy nalulugmok ang mga Pilipino sa kahirapan dahil sa sabwatan ng mga burukrata kapitalista at mga dayuhang korporasyon na protektado ng IMF-WB at WTO sa impluwensiya ng monopolyo kapitalismo ng EU o ng imperyaslismong Amerikano. Lumalaki din ang kita ng mga burukrata kapitalista sa Pilipinas sa pangunguna ng pamilyang Arroyo dahil sa madaling smuggling naisasagawa sa kaluwagan ng Bureau of Customs sa ilalim ng liberalisisayon, mga commission na natatanggap ng mga opisyal sa gobyerno mula sa mga malalaking korporasyon, partikular sa mga TNCs, para mabigyan ang huli ng maraming tax incentives at iba pang pribilihiyo, halimbawa, kagaya ng pagamit ng dahas ng pulis at militar, upang buwagin ang mga welga kung di susunod ang mga manggagawa sa bulok na DOLE sa tinatawag nitong assumption of jurisdiction sa mga welga. Ito ay kitang-kita sa nangyayari sa Hacienda Luisita at Nestle. Sa insidente sa Hacienda Luisita ang nagutos gumamit ng dahas ang militar ay si DOLE secretary Sto. Tomas mismo. 

Sa ilalim ng rehimen ni Arroyo umangat ang Pilipinas mula sa pang-limang bansa na pinakorapt sa buong daigdig tungo sa pangalawang pinakakorapt sa pinakahuling survey ng ADB, isang institusyon  na hawak din ng mga imperyalistang.  Pinapalabas ng ADB na ang may kagagawan lamang ng korupsyon ay mga opisyal ng Pilipinas at tinatakpan ang pagkapasimuno ng mga monopolyo kapitalista na nagnenegosyo sa bayan.

Noong nakaraang taon, ang nawala sa mga kung ano-anong tax incentives na binibigay sa mga dayuhang imbestor at exporter ay P170 bilyun, P171 bilyun naman para sa mga lokal na negosyo, siyempre kasama sa huli ang mga affililiates ng mga TNCs, kagaya ng Nestle at Coke, P54 bilyun sa mga tax evaders na pinangungunahan ng malalaking korporasyon at P160 bilyun sa iba pang uri ng  korupsyon. Dahil naman sa pagbaba ng mga taripa sa masugid na pagsunod ng Pilipinas sa  patakaran ng liberalisisayon sa dikta ng WTO, ang nawawala sa bayan ay P100 bilyun taon-taon.[4] Kaya, sa kaubuuan ang kalugihan ng Pililpinas dahil sa epekto ng globalisasyon na nanganganak ng malawakang burukratra kapitalismo noong nakaraang taon ay tumataginting na P654 bilyun na sapat na sapat upang pawiin ang depisito ng Pilipinas na P190 bilyun kung tunay na gobyerno ng bayan ang ipapalit natin sa kasalukuyang rehimen.

Sinasabi ng gobyerno ang GNP daw ay tumaas ng 6.1% noong nakaraang taon, ngunit ito ay walang saysay sa masang naghihirap dahil di nila naramdaman ang pagtaas ng halaga ng produksyon at serbisyo sa Pililpinas. Ang pagdetermina kasi ng mga ekonomista ng mga kapitalista ng pagtaas ng GNP bilang sukatan ng pagunlad ng isang lipunan ay isang ideyalistang pamaraan, dahil di kinkonsidera kung anong uri at sektor ang nakikinabang sa pagtaas nito. Alam naman natin na pinapalagay ng mga kapitalista na ang pagtaas ng GNP ay tinatamasa ng lahat dahil sa pormula sa pagkuha nila na tinatawag na per-capita income, GNP divided by total no. of population. Sa ideyalistang economics na ito ay naglaho ang relasyon ng mga uri, ang uring kapitalista, uring mangagawa, atpb at ang lahat ay tinuturing pantay-pantay sa pagyaman. Anong kahibangan! Dahil sino baga ang nagtamasa ng 6.1% pagtaas ng GNP noong nakaraang taon, kundi ang mga dayuhang eksporter at mga komprador dahil tumaas ang eksport noong 2004.[5]  Ngunit kahit na dito ang balance of payment ng buong Pililpinas ay naging negatibo pa rin noong 2004  dahil  patuloy tayong umaasa sa mga imports na nagresulta sa  $1.125 bilyun trade deficit ng Pilipinas. Ito ay dahil hindi tayo gumagawa ng mga makina, sa pagpresyur ng WB na huwag suportahan ng gobyerno ang industriya ng makina ng bayan, isang batayan ng pambasang industrilisasyon. Kahit simpleng pako at screw ay iniimport pa natin. Kaya ang mga industriya na tinatayo ng mga dayuhan dito ay karamihan ay assembly plant na inieksport din nila ang mga pinagdugtong-dugtong na mga import parts, kagaya ng mga electronic products.

Sabi ni Arroyo nasa sa isang krisis piskalya ang gobyerno niya dahil lumalaki ang depisito ng gobyerno na umabot na sa lampas ng P190 bilyun noong unang kwarto ng 2004. Natatakot ang gobyerno ni Arroyo na di pautangin muli ang Pilipinas ng IMF-WB at mga alagang nitong mga TNBs sa ilalim ng Paris Club at London Club. Nagsimula nang idowngrade ang Pilipinas ng mga credit institution ng mga imperyalista kagaya ng Standard and Poor at Moody Securities  at nababahala ang gobyerno na kung pauutangin man ang Pilipinas ay gagawin itong short-term loans at itataas pa ang interest rate na lalong mahihirapan ang gobyerno makabayad. Ang isa pang epekto ng pagdadowngrade na ito ay maaaring iwasan ang Pilipinas ng mga bagong dayuhang imbestor. Pati na ang mga lokal na negosyante, partikular ang mga kumprador, ay kinakabahan din dahil baka maapekto ang kanilang mga tubo.

Dahil sa lumulobong depisito ng pamahalaan ni Arroyo at utang panlabas niya na $56.3 bilyun noong septyembre, 2004, na parehong  pinakamalaki sa buong kasaysayan ng Pilipinas , ang survey team ng IMF(post program monitoring team) na bumisita noong Junyo 2004 sa Pilipinas ay nagrekomenda na magpalabas ang gobyerno ng mga hakbang upang makalikom ng pondo para mabayaran ang kanyang malaking utang. (Kung pagsasamahin ang utang panloob at utang panlabas ng gobyerno ay aabot ito sa P5.9 trilyon o 137% ng GDP ng Pilipinas noong 2004).[6] Pagkatapos nagpalabas ng mga rekomendasyon ang IMF, ang mga propesor ng UP School of Economics ay sinunod ang mga rekomendasyon na ito sa isang position paper.[7] Itong pagaaral na nito ng 11 propesor na galing sa UPSE tungkol sa krisis piskalya ng Pilipinas ay nagpapayo ng pagtaas ng kung ano-anong buwis at mga presyo ng gasolina at tubig para matulungan ang NAPOCOR at gobyerno makabayad ng utang nito.(Tandaan na mga propesor din ng UPSE ang nagpalabas ng isang position paper noong 1983 na bataty din sa mga rekomendasyon ng isang IMF survey team upang harapin ang krisis piskalya noong panahon ni Marcos.) Pinapakulit ng IMF sa mga propersor ng UPSE ang pamahalaan ni Arroyo na kaagad na gumawa ang huli ng mga hakbangin upang masiguradong mababayaran ang mga dayuhang nagpautang dito. At sino pa ang pinapabalikat ng IMF, pati na ng mga bayarang propessor sa UPSE at ng gobyerno, para mapatawid ang huli sa hukay  na siya mismo ang gumawa kung di ang kawawang mamamayang Pilipino, partikular ang mga nasa ilalalim ang pangitnang uri at mga mahihirap na siyang nagbabayad ng 80% na kabuuang buwis ng bayan.

Sa kanyang State of the Nation Address noong agosto, 2004, nangako si Arroyo sa IMF  na pagpapairal ng 8 tax measures para makalikom ang Pilipnas ng dagdag na P84 bilyun para pawiin ang depisito ng gobyerno at magkaroon ng magandang rating sa mga credit institutsyon ng mga imperyalista. Hinikayat pa niya ang publiko na magambag sa kanyang tinagurian na Bayanihan Fund at humingi pa siya ng tulong sa mga kumprador upang kumbinsihin ang mga mamamayan tungkol dito. Siyempre, dahil nais din ng mga lokal na negosyante makahiram panibago ang gobyerno na mapapahiram naman sila sa garantiya ng una kung malugi ang bisnes nila, naging aktibo ang mga negosyanteng ito, sa pamumuno ni Lucio Tan na may utang sa gobyerno ng P12 bilyun tax evasion, upang bilugin ang ulo ni Juan de la Cruz para magambag sa Bayanihan Fund.

Dahil sa reaksyon ng mga maraming grupo ng mamamayan, kagaya ng Bayan, Patriots at ilang mambabatas, sa garapal na mga minumungkahing 8 tax measures ng gobyerno na malaon ng tinitipid ang pondo para sa bayan sa pagbawas taon-taon sa budget sa serbisyo sosyal, natakot si Arroyo na kakahalal lamang sa isang dayaang eleksyon. Inanunsiyo niya na nakakatawid na ang gobyerno sa krisis piskalya noong oktubre, 2004. Umalma ang 11 economics propersor dahil utos sa kanila ng IMF ipresyur si Arroyo ipasa kaagad ang 8 tax measures na ito. Di naman binabawi ni Arroyo ang komitment niyang ipasa ang 8 tax measures, ngunit nababagalan lamang ang mga imperyalista. Napasa na ang 2 (ang tawag na sin taxes at ang lateral attrition policy) sa 8 tax measures na ito at ang susunod na niluluto  ng Kongreso ay ang pagtaas ng VAT mula sa 10% tungo sa 12%.. Maalala na ang IMF ang nagpatupad sa VAT sa panahon ni Aquino noong 1988.

Matagal na nadurusa ang masang Pilipino, may krisis piskalya man o wala. Noong taon 1975 mula sa 57% na kabuuang pamilya na Pilipino nasa ilalim ng lebel ng kahirapan (poverty or threshold level) ito ay dumami sa 70% noong 1998, at lumobo sa 88% sa kasalukuyan. Ang agwat ng mga mayayaman at mahihirap ay lalong lumalawak. Ang bahagi ng pinakamataas na 30% ng mga pamilya sa kaban ng bayan(total national income) ay lumaki mula 61.4% noong 2000 na naging 65.2% noong 2003. Mula 2000 hanggang 2003, batay sa Family Income and Expernditure Survey ng NSO, ang karaniwang kita ng isang pamilyang Pilipino ay bumaba ng 10% in real terms(sa mabibili ng pera kung kukumpara sa taon 2000).[8] Ang minimum wage na nakapako sa P250 sa National Capital Region ay 42% lamang na kailangan kitain ng isang pamilya upang mabuhay ng desente. Kaya nga, sa nabanggit na natin, maraming pamilya na dumadausos sa balon ng kahirapan na 88% na ng buong pamilyang Pilipino.

Ngayong 2005, lalong iigting ang kahirapan ng masa, dahil sa nais mabigyan ng pamahalaan ni Arroyo ng maganding credit rating ang Pilipinas ng mga imperyalista at mahikayat ng panibago ang mga kapitalistang dayuhan magnegosyo sa bayan. Ipipilit ng pamahalaan na ipasa ang 8 tax measures at at iba pang fee binabayad ng mga mamamayan sa gobyerno upang matuwa ang IMF. Matutuwa siyempre din ang IMF sa 11 economics propersor sa ginawa nitong pangungulit sa gobyerno at maaaring bigyan ng mga bagong proyekto ng WB ang mga propersor na ito mula sa UPSE. Maaaring mas madadagan pa ang mahuhulog na  mga pamilyang Pilipino sa balon ng kahirapan. Pansinin sa unang buwan lamang ng taong ito, nagsisimulang nagtataasan na ang mga presyo ng mga ordinaryong bilihin dahil sa patuloy pagtaas ng presyo ng langis, kuryente at tubig, dulot ng globalisasyon.

Patuloy nilalamon ng imperyalismo ang kayamanan ng bayan, dugo at pawis ng mangagawang Pilipino at likas na yaman ng Pilipinas(ang Minining Act na bubuksan ang buong bansa sa pagbubungkal ng mga dayuhan ay idineklara na constitutional ng Supreme Court na binaligtad ang kanyang dating posisyon tungkol ditto). Alam naman natin na pinapanatili ng imperyalismo ang atrasadong kalagayan ng bayan bilang mala-pyudal na ekonomiya na sa ganoon lalong siyang makakahuthot ng malaking tubo dahil nagiging mura ang gawa sa kanayunan at ibang gastos sa produksyon na di ginagamitan ng makina.  At malaking reserbang hukbo ng manggagwa sa Pilipinas na nagaagawan sa kakaunting trabaho sa napakababang sahod. Dahil ditto, noong 2004, kada araw 2,688 na Pilipino ang umalis ng bansa para magsapalaran sa ibang lugar.[9] Ang mga kakampi ng imperyalismo na mga panginoong maylupa at komprador ay masiya din sa ganitong kalagayan dahil natitipid nila ang mga mangagawa at magsasaka. At ang kanila lamang kailangan gawain ay tuloy magpatuta sa imperyalismo upang tuloy kumita. Kaya takot na takot sila at mga kakampi nila sa gobyerno kung bumababa ang turing sa kanila ng mga credit rating ng mga imperyalista.

Ang bulok ng pagpapatakbo ng ekonomiya ng bayan ng mala-kolonyal na gobyerno ay dapat ng wakasan. Ang monopolyo kapitalismo o imperyalismo na binabalot ang Pilipinas ay likas na isang bulok na  sistema na nakakalikha lamang ng krisis sa ekonomiya ng isang lipunan at ng buong daigdig dulot ng sobrang-produksyon. Di mabubuhay ang mga imperyalista hanggang di ito nakakakamal ng limpak na limpak na tubo at kontrolin ang isang bayan kung saan ito ay gumagalaw. Likas sa imperyalismo na masiguradong mapasa ang mga batas na lalong magpipiga ng sobrang halaga mula sa pawis at dugo ng mamamayan ng isang bansa. Likas dito ang hindi pagiging makatao dahil tinuturing lamang nito ang tao bilang isang makina na mahuthutan ng sobrang halaga na tumutugno naman sa sobra-produksyon dahil sa sistemang pribadong paaari ng mga pwersa ng produksyon sa ilalim ng monopolyo kapitalismo. Niloloko nito ang ordinaryong mamamayan ng daigdig na bumili ng mga stocks at iba pang securities na nilalako nito upang pagulungin sa mga speculative investment na nakakalikha lamang ng mga bubble economies sa kasamaan ng isang lipunan. Sa ekonomiya kontrolado ng mga kapitalista, ang speculative investment na ito ay lumaki ng 64% noong nakaraang taon.[10] Kinokorupt nito ang mga gobyerno na handa magpakorupt upang isagawa ang layunin ang lalong lumaki ang capital ng monopolyo kapitalismo. Babayaran ng imperyalista na gumawa ng mga kunyaring mga respektableng pagaaral ang mga intelektwal kagaya ng nilathala ng 11 economics propesor ng UPSE upang palabasin makatuwiran ang kanilang mga kasakiman sa pera. Dahil sa kasakiman nila na magkamal ng pinakamalaking tubo sa daigdig, ang mga imperyalista ay maaaring magsagupaaan sa isang panibagong digmaan. Ngayon, nangunguna ang imperyalistang EU, ngunit maaaring umalma din sa darating na panahon ang European Union at Hapon. Kaya, sa ilalim ng imperyalismo bukod sa bulok at di makatao ito, laging nanganganib ang daigdig na sumiklab ang mga digmaan. Pansinin ang ginagawa ni Bush sa Iraq.

Anong magagawa ng mamamayang Pililpino sa masahol na kalagayang na ito na nakalugmok tayo? Kailangan ang isang taong bayan na mulat at nagkakaisa sa pamumuno ng uring manggagawa na siyang primerong uri hinuhuthutan ng sobrang halaga ng mga imperyalista, ngunit siya namang nangunguna sa gawaing produksyuon ng bayan. Kailangang kumilos ang uring ito kasama ng ibang uring api, sa partikular ang pinakamaraming uri sa Pilipinas, ang uring magsasaka, at iba pang mga taga-suportang sektor at indibidwal upang lansagin ang nagsasamantala sistema sa bayan. Ang mga kagyat na maaaring gawin kapag napalitan na ang bulok na sistema ng bayan ay: huwag bayaran ang mga utang panlabas na di naman pinakinabangan ng mamamayan, kagaya ng mga utang na ninakaw ni Marcos($13 hanggang $20 billion), maglunsad ng tunay na reporma sa lupa na magbibigay na libreng lupa sa mga magsasaka, maglunsad ng isang pambansang industrilisasyon at gawain prioridad ang kapakanan ng nakakaraming uri sa pagimplementa ng badget ng gobyerno, lalo na sa pagtaas ng pondo para sa serbisyo sosyal. Sa lahat ng mga hakbangin ito,  laging tandaaan na ihanda ang kakayaan ng mga mamamayan na maging matatag sa  pakikibaka upang ipagtanggol ang bagong sistema at biguin ang malamang na pagtangka ng mga dating nagsasamantalang uri na makabalik sa kapangyarihan. Inilathala ng Bulatlat

(Binasa ang papel na ito sa isang porum ng Center for Nationalist Studies na ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City noong 27 ng enero, 2005.)

===============

[1] Birdtalk, Economic and Political Briefing, Jan. 13, 2005, IBON Foundation Inc., calculation of IBON, p.19.

[2] Ibid., p.6-8.

[3] Pahiwatig ng IMF Staff Mission to the Philippines, July 12, 2004, International Monetary Fund, Washington  DC, at Business World, June 30, 2004. Sa utang ng Napcoor mula sa World Bank, ADB at Japan for International Cooperation, nirekomenda ng IMF an saluin ito ng kakatatag na Power Sector Assets and Liabilities Mgt.(PSALM) ng gobyerno.

[4] IBON Briefing, op. cit., p. 10-11.

[5] Ibid., p. 22.

[6] Rosario G. Manasan, Fiscal Reform Agenda:Getting Ready for the Bumpy Ride Ahead, PIDS, p.2.

[7] Emmanuel de Dios, et al, The deepening crisis: the real score on deficits and the public debt, passim.

[8] 2003, Family Income and Expenditure Survey, Natinal Statistics Office.

[9] IBON Briefing, op. cit., p. 16.

[10] Ibid., p. 21.

BACK TO TOP ■  PRINTER-FRIENDLY VERSION  ■   COMMENT

 

© 2004 Bulatlat  Alipato Publications

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.