Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Vol. VI, No. 40      Nov. 12 - 18, 2006      Quezon City, Philippines

HOME

ARCHIVE

CONTACT

RESOURCES

ABOUT BULATLAT

 

Google


Web Bulatlat

READER FEEDBACK

(We encourage readers to dialogue with us. Email us your letters complaints, corrections, clarifications, etc.)
 

Join Bulatlat's mailing list

 

DEMOCRATIC SPACE

(Email us your letters statements, press releases,  manifestos, etc.)

 

 

For turning the screws on hot issues, Bulatlat has been awarded the Golden Tornillo Award.

Iskandalo Cafe

 

Copyright 2004 Bulatlat
bulatlat@gmail.com

   

TULA (POETRY)

Pagdalaw sa Libingan ng mga Buhay: Sagutang-tula

 

NINA AXEL PINPIN AT RONALYN OLEA

Inilathala ng Bulatlat

 

 

Ang Pagdalaw sa Libingan ng mga Buhay*

Ni Axel Pinpin, sa ngalan ng Tagaytay 5

 

Iwan n'yo na ang kandila, 'wag nang mag-abala sa bulaklak

'Wag n'yo lang kalilimutan na magbaon ng halakhak,

Pagkat kailangan iyan ng nauupos naming tuwa,

Pampahalimuyak din iyan ng alingasaw ng dusta.

 

Kami ay ipinanganak noong taon ng pagkadupilig

At tinangkang patayin sa panahon ng paglupig.

Ngunit imbing krimen ay bigo; hindi nagtatagumpay;

Pasya ng sepulturero'y ibaon kami sa libingan ng mga buhay.

 

Ang binubulok dito'y hindi malamig na katawang-lupa

Kundi mga pangarap at alab ng hangad ng paglaya.

Ang inaagnas dito'y hindi buto, buhok at ngipin

Kundi mga karanasan ng paglaban ng kauring alipin.

 

At kung maliligaw ka sa paghahanap ng aming puntod,

Hanapin lamang ang kurus na punglo sa baywang ng mga tanod.

Ang nitso nami'y di marmol, bagkus ay kalawanging rehas

At sa lapida ay nakaukit ang walang-kamatayang pag-aaklas.

 

23 October 2006

Camp Vicente Lim

*Binigkas ni Axel ang tulang ito nang dumalaw ang mga kasapi ng pambansang konseho ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa kanilang piitan.

 

Sa Pagdalaw sa Libingan ng mga Buhay

(Tugon sa Tagaytay 5)

 

Ni Ronalyn Olea, sa ngalan ng Bayan National Council

 

Wala kaming alay na kandila't mga bulaklak

Baon namin sa pagdalaw ay galak,

Sapagkat hindi nauupos ang diwa

ng inyong paglaban para sa mga dukha

 

Tayo'y ipinanganak sa taon ng pagkadupilig

At hindi mananaig ang paglupig.

Imbing krimen ay bigo; hindi magtatagumpay;

Hindi maililibing ang inyong pag-aalay.

 

Ang binubulok diyan ay hindi malamig na katawang lupa

'Di rin nabubulok mga pangarap at alab ng hangad ng paglaya.

Maagnas man ang buto, buhok at ngipin

Magpapatuloy ang paglaban ng kauring alipin.

 

Sakali mang mayroong mahanap na mga puntod,

May tatangan sa kurus na punglo sa baywang ng mga tanod.

Wala mang marmol na nitso at kalawangin ang rehas

Sa puso ng masa, nakaukit ang walang kamatayang pag-aaklas.

 

Oktubre 29, 2006 

 

Inaresto noong April 28, 2006 at inilabas lamang noong Mayo 1 ng mga miyembro ng Phgilippine National Police (PNP) at Naval Intelligence Security Forces (NISF) sina Axel Alejandro Pinpin, Riel Custodio, Aristedes Sarmiento, Enrico Ilagan Ybañez at Michael Masayes. Sa loob ng 58 oras nilang pagkawala, sila ay sumailalim sa matinding mental at pisikal na tortyur. Ang grupo, na mas kilala na ngayon sa tawag na "Tagaytay 5" ay inaakusahang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA). Inaakusahan din silang may tangkang pasabugin ang Malacañang noong Mayo 1. Hindi na inilitaw ng PNP ang nasamsam nitong perang umaabot sa P400,000 na pambili sana ng mga magsasaka ng kagamitan sa pagsasaka. Hanggang ngayon, nakapiit sila sa sa Camp Vicente Lim, sa kasong rebelyon.

 

Inilathala ng Bulatlat

 

BACK TO TOP ■  PRINTER-FRIENDLY VERSION  ■   COMMENT

© 2006 Bulatlat  Alipato Media Center

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.