Fantasya
NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat
Sino ang hindi nabubuhay
sa fantasya sa kasalukuyang panahon? Fantasya ng mga hubad at halos
hubong babae at lalake sa panahon ng bikini at model searches. Fantasya
ng maging next big star. Fantasya ni Darna na muli’t muling pinapapanood
sa atin, ngayon naman sa telebisyon.
Matatawag rin fantasya ang
malling at window shopping. Binibigyan tayo ng pasubali sa posibilidad sa
mga pinakabagong damit, bag, sapatos, gadget—ang maaring makamit kung
mayroon tayong sapat na salapi sa wallet. At tunay namang abot-tanaw lang
ang pangarap na napapagitnaan ng salamin—ang kakulangan sa mamimili at ang
tagapamatid-kulang na bagay.
Sa pagtindi ng krisis
pang-ekonomiya at pangkabuhayan, sino ang ayaw maniwalang maililigtas tayo
ni Darna, o kahit na sa kapangitan ng pabalat ay ginintuan pa rin ang puso
ng Kampanerang Kuba? O sa pagtayo ng pinakabagong exklusibong mall sa
Cubao—ang Gateway—sa pagitan ng dalawang mass rail transit lines ang
siyang karugtong ng pangarap na maging First World?
Sa isang banda, mahalaga
ang fantasya dahil ito ang nagiging paraan ng negosiasyon sa paghihirap ng
buhay. Sino ang hindi nangarap magkaroon ng superpowers para malampasan
ang kawalan-katarungan sa sarili o para maisalba ang mahal sa buhay sa
kumunoy ng paghihirap?
Sa kabilang banda, ang
hindi produktibo sa fantasya ay ang pagiging kabahagi rin nito ng mismong
mga institusyong pagbibigay-lagusan sa fantasya bilang solusyon sa
problema. Binebentahan tayo, halimbawa, ng ABS-CBN ng pangarap na pwede
tayong mag-artista o maging sikat na singer, pati boxingero, kapag
nagpursigi tayo sa ating mga pangarap.
Sila na nagbebenta ng
pangarap natin ay sila rin naman na nagpapangarap sa atin. Mayroon bang
magkakaroon ng lehitimong interes na maging boxingero via reality search
kung may oportunidad naman sa mga larangan ng palakasan?
Sa kadalasan pa nga, sa
malawakang korapsyon sa bansa, ang mga institusyon din ang nagnanakaw ng
pangarap ng sambayanan. Hindi nga ba’t sa pagkapangulo ni Erap ay
dinambong niya ang mga pangarap ng bayan sa pagnanakaw ng yaman-pambansa?
Ang mamamayan na nagpakat ng kanilang pangarap sa tagumpay ni Erap ay
naiwang nakabinbin sa hangin hanggang sa may bagong panday o aparisyon ng
birhen na kanilang makikita bilang katubusan ng kanilang kalagayan.
Kakatwa sa titulo ng isang
pelikula, “Kung mangarap ka’t magising,” walang gumigising sa pangarap.
Natatapos lamang ang pangarap para simulan ng bago. Ang ating pagtanghod
sa pang-araw-araw ay pagsasalit-salit ng mga pangarap.
Nagigising lang naman
talaga kapag hinaluan ng politikal ang pangarap. Sa isang banda, ang
pagtukoy sa realidad kaysa sa fantasya ang katapusan ng pangarap. Paano
ka mangangarap kung mulat ka? Sa kabilang banda, kapag nilagyan ng
politikal ang fantasya, ito ay nagiging causa na nagkakaroon ng lugar sa
“cause-oriented groups” o mga organisasyon may layon ng panlipunang
transformasyon.
Utopia ang dulot nito.
Nagsasakripisyo ka dahil mayroon kang pangarap na maabot sa hinaharap na
lampas pa sa sarili mong kabutihan. Ang utopia ay kolektibong pangarap.
Kapag maramihan ang naniniwala at nakikipaglaban para sa paniniwala, ito
ay utopia.
Si Narda, isang pilay at
mahirap, nangarap na mapabuti ang kanyang sariling lagay. Pumasa siya sa
isang pagsusulit ng enkantadang matanda na binigyan siya ng kapangyarihan.
Ang agimat na bato, kapag isinubo at binigkas ang kataga, ang ordinaryong
si Narda ay magiging extraordinaryong si Darna.
Pero kailangang
isakripisyo ni Narda ang kanyang sariling interes. Kailangan niyang
tulungan ang mga higit na nangangailangan, gamitin ang kanyang
kapangyarihan para sa kabutihan. At sa dami ng natulungan ni Darna,
nangarap tayong maging tulad niya—may kapangyarihan at may kapangyarihang
makapanlimi sa kinakailangang gawin.
Pero hindi tulad ni Darna,
hindi magical ang transformasyon ng sarili. Wala tayong boses o lakas
para baguhin ang kalagayan ng sarili, lalo na ng nakararami. Tayo ay
tulad ni Narda na may kapansanan at kabilang sa hanay ng mahihirap. Ano
ang puwang ng pamamantasya?
Ang pamamantasya ay tulad
ng aktibidad ng pamimintana. Patanaw-tanaw ka lang sa labas. Nakatanghod
ang paningin sa kung ano-anong dumadaan. Wala ka naman talagang tinatanaw
o nakikita kundi ang nais mong makita.
Ginagamit mo lang ang
external na kapaligiran para tunghayan sa isang relaxadong pamamamaraan
ang kalagayan ng internal na sarili. Nababawasan ang anxiedad ng
internal, nakakawing sa haraya ng posibilidad kung saan pwede tayong lahat
magkaagimat, sumigaw ng Darna, puksain ang katiwalian, makamit ang
sosyalismo, maging Richie Rich, magkaroon ng syotang kasing ganda ni Paris
Hilton o guwapo ni AJ Dee.
O di ba, kay ganda ng
buhay? Siempre, dito lang yon sa maliit na bubble na kay daling pumutok
sa bigat ng aktwal na kapaligiran: Payatas, korapsyon, presyo ng gasoline
at pamasahe, pagbaba ng buhay sa ilalim ni GMA, at iba pa.
Hindi na maganda ang
buhay. Ang buhay, para maging kapaki-pakinabang, kailangang pagsanibin
ang paglangoy sa dalawang ilog—ang daloy ng fantasya ng nagbibigay
posibilidad sa mga imposibleng bagay; at ang daloy ng realidad na aktwal
na ginagawalan ng buhay.
Kaya si Narda at Darna ay
pinag-uugnay ng matibay na katotohanan ng batong hindi madudurog pero
lagusan para makalabas-pasok sa mundo ng fantasya at realidad.
------------------------------
(Ang maikling
kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon
ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring
dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang
pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.)
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.