Berdeng Pasport
Kahit mayroong mahigit
10 milyong kababayan ang nagtatrabaho sa ibang bansa, nahihirapan pa ring
makapangibang-bansa ang mga Pilipino. Makita pa lang ang berdeng pasport,
maasahan na ang sangkatutak na tanong ng immigration officer kung bakit
gustong umalis ng bansa ng kawawang Pilipino.
NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat
Madalas ko na ring
magamit ang aking pasport. Mula sa kulay lupang kayumanggi, bigla na lang
itong naging luntian. Kulay ng pag-asa at kalikasan, di ba?
Pero walang bisa ang
agimat ng berdeng pasport. Tila pa nga magnet ito nang mas mahabang
interogasyon mula sa mga immigration officer. Minsang pumasok ako ng San
Francisco, para akong nagte-thesis defense. Tinanong kung ano ang
itinuturo ko. At nang sagutin kong “Philippine Studies” ay ipinapaliwanag
ito nang hindi naman nakikinig sa akin.
Mabilis ang pagpihit
ng mga pahina ng aking pasport. Mukha pa naman Filipino itong immigration
officer. Mas galing ka sa mas mahirap na bansa, mas suspetsado ka bilang
magt-TNT (tago nang tago) kung sa Amerika, O (bilog) kung sa Japan,
terorista, katulong o entertainer.
Mabuhay ang latak ng
mundo! Ang mga Filipino na naninilbihan sa poder ng mayayamang bansa,
integral sa pagsulong ng kapital, ay tinitiris naman sa bawat pagkakataon.
At sa pagkakataong ito, parang pinagsasayaw sa bubog bago tatakan ng selyo
ng opisyal.
Pinagdusa na nga tayo
sa pagpila at pangangatog sa mga embahada ng bansang ating papasukan,
pagdating pa sa mga bansang ito, lalo pang pinalalakas ang kabog sa ating
puso. Bigla tayong maprapraning. Baka pabalikin ako, baka kulang ang
aking papel, baka nagkamali lang sa embassy… Puro baka.
Sa maraming mauunlad
na bansa, hindi na kailangan ng visa para magbiyahe. Hindi ba kay ginhawa
nito? Bibili ka lang ng tiket sa eroplano para sa bansang gusto mong
puntahan at parang magic, fly ka na doon.
Walang paglalakad ng
paluhod sa simbahan para dumulog sa mga santo’t Nazareno na paboran ng
consul ang kapalaran ng aplikasyon. Walang pamamawis nang butil-butil.
Pero mayroon pa ring pistang padespedida o jeep-jeep na kamag-anak na
maghahatid sa airport.
Kaya pinangarap ko
ring maging Hapon, Canadian o Singaporean, mga mamamayan na hindi na nga
kailangang sandamakmak na gintong halagang sticker na visa ang nakadikit
sa pasport. Unang pahina pa lamang, kasama ng larawan, matunghayan pa
lamang ang nasyonalidad, keri na. Mabuhay, welcome to the Bahamas,
Brazil, United States, United Kingdom!
Pero kung Filipino
ka, kahit sampung milyon na ang nasa labas ng bansa bilang OCWs (overseas
contract worker), walang paggalang sa berdeng pasport. Kaya naiinsulto
ang tunay na mayayamang Filipino dahil nakakaangat man sila sa sarili
nilang bansa, sa labas naman, bigla silang nagiging katumbas lamang ng iba
pang mayroon ganitong nasyonalidad.
Sa Detroit naman,
napagkamalan akong seaman. Magluluto raw ba ako sa bapor? Sa Osaka naman,
nang makita nilang profesor ako sa isang unibersidad doon, bigla akong
nakadama ng paggalang. Napabilis ang proseso ng aking pagbabalik sa
trabaho.
Maliit na booklet ang
berdeng pasport pero nakataga sa bato ang maraming bagay. Nakasulat dito
kung ano ang pasport number na paulit-ulit na tinatatong at pinapasulat sa
mga dokumento, kasama ng petsa ng pagkaisyu at expirasyon ng pasport.
Nandoon ang litratong pilit man ngumiti ay medyo hirap pa rin ilusot ang
agam-agam ng realidad ng pangingibang-bayan.
Ang litrato ay
mayroong sariling kodifikasyon. Mula sa size nito, hanggang kung anong
bahagi ng mukha ang dapat ipakita at itago, kung ano ang dapat isuot ng
babae at lalake ay malinaw na nakasaad sa guidelines bago pa man mag-apply
ng pasport at visa.
Mayroon ngang
ipapalabas na sine dito, “La Visa Loca” ni Robin Padilla. Batay sa
trailer, tungkol ito sa perenyal na aplikasyon at denial ng US visa ng
isang taong tampok na pinangarap na makapunta sa bansa ng gatas, orange
juice, tsokolate at hamburger. Ang nakakatawa sa trailer ay isang tila
fantasy scene.
Binaligtad naman ang
sitwasyon. Si Robin ang naging masungit na consul at bago pa man
makapagsalita ang ninenerbyos na puting aplikante, ay kaagad itinatak ang
denied na marka. Power-tripping lang siguro itong pantatak. Para kang
mayroong magic wand kung ikaw si Tinkerbell, bato kay Narda, nunal sa tabi
ng ilong kay Ate Guy, gavel kung ikaw ang judge.
Maaari mong gawing
maligaya at maaliwalas ang buhay ng aplikante. Maaari mo ring kitlin ang
lahat ng kanyang pangarap. Pero tulad ng kawayang hindi maputol-putol,
magpapatuloy pa rin ang buhay ng abang aplikante—doon man o dito.
Kaya apply lang nang
apply. Mahal man ang visa application, at para na lang lotto at
sweepstakes ang paniniwala ng tao, e kung mabunot ang iyong numero at
mabigyan ka nitong ginintuang biyaya? Sulit na rin. Sulit ang mga kalyo
sa tuhod, mga isinanlang kalabaw at sakahan, mga panobena at pagdulog sa
Birhen.
Para itong diploma.
Gagawin ang lahat ng sakripisyo, makamit lamang itong mahalagang papel na
inaakalang pasport sa mas mabuting buhay. Ito na ang huling pasport—mismong
ang pagkakamit ng pasport ang pasport sa mabuting buhay. Wala na sa
sariling bansa ang kaginhawaan, nasa ibang bansa na.
Kaya ang pasport ay
indikasyon kung bakit tayo naroon at wala rito, kung bakit pag-alis at
pagdating pa lamang ay masaklap na karanasan ng mas kababaang uri. Kay
lungkot ng buhay pero ito ang buhay natin. At ang kalungkutang ganito,
pagpasok pa lamang sa ibang bansa, ang naghuhudyat ng posibilidad na maari
rin sumaya sa paraang sakripisyo.
Malungkot tayo sa
ibang bansa para maging maligaya ang mga mahal sa loob ng Pilipinas.
Bulatlat
------------------------------
(Ang maikling
kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon
ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring
dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang
pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.)
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.