Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Volume 3,  Number 7              March 16 - 22, 2003            Quezon City, Philippines


 





Outstanding, insightful, honest coverage...

 

Join the Bulatlat.com mailing list!

Powered by groups.yahoo.com

Tula (Poetry)

Isang Daan Taon: Alay kay Amado

Ni Ben Bernardo
Bulatlat.com

Mahabang landasin ang aking binagtas

Kipkip ang pangarap na ako’y maligtas

Sa hirap at sakit ng lupang nilingap

Subalit ‘di-ami’t inumit nang lahat!

 

Ako’y naglakbay, hangad na mabuhay

Kapalit ang sahod, paggawa’y inalay

‘Sandaang sensilyo, sentimo’y kinuyom

Sa palad sumugat ngunit ‘di naghilom.

 

Kaya’t nagpatuloy sa dako pa roon

Ang isa sa lahat, nagsikap tumulong

Mula sa gremio, unyo’y itinatag

Kasamang naglamay sa hirap magdamag.

 

At kami’y humarap sa mga aninag

Inula’t inaraw at sukdulang binulag

Takip-matang batas matwid kung tinuran

Ngunit prinsipyo’y hindi mapiringan.

 

Sa malayong lugar doon nakilala

Kapwa manggagawang handang makiisa

Pagkakapatiran sa buong daigdig

Ang himig na itong amin na’t inawit.

 

Pawis at gutom ay di naging balakid

Sa aming nagmartsa sa lunsod at bukid

At kahit lumukob ang tropang dayuhan

Hukbo nami’y tala nitong Inang Bayan.

 

Mabuhay gerilyero!  Ang mga Amado,

Felixberto, Guillermo at Mariano—

Na pawang naguna sa aming kilusan

Ng paglayang liyag at paroroonan.

 

Naglakbay kami sa gitna ng guho

Bitbit ay pag-asa kahit may sumuko

Gabay ang makata ng muling pag-alsa

Sa makabayang mithing tula ng masa.

 

Sumama ang lahat ng api’t naghirap

Ang timawa’t salat sa gawa’y naghulat

At doo’y tinibag ang dambanang bato

Ng lumang imperyo at lumang panuto.

 

At muli, sumulong sa maraming Mayo,

Ang dakilang hukbo ng mga obrero.

Batas militar man ang naging paghamon

Welga’t pagprotesta ang naging pagtugon!

 

Nagpain ng bitag, lansi’t patibong

Ang estado’t taksil sa kilusang unyon

Sa mga nanghina, doon di’y nangagsak

Ngunit marami’y higit nang matatag.

 

Sumunod sa ami’y daang-libong yapak

Ng amat-amat anak ng mga anak

Ang lupa’t aspalto’y alpombrang nilatag

Ang aming pagdating’y sumamyong bulaklak.

 

Kaya’t nagpatuloy ang aming pagtahak

Kami na nilimbag sa mga panulat

Ninuno’t apo ng mga Amado

Kami ang unyon ng isang buong siglo!

 

-- Kami, ang manggagawang Pilipino!

This poem won the first prize in poetry category of Gawad Ka Amado 2002

Bulatlat.com

Related story: Gawad Ka Amado 2002: Literary Awards Night Celebrates 100 Years of Philippine Trade Unionism  


We want to know what you think of this article.