Ang Pag-unlad ng Sining ng mga Makata ay Salamin ng Karanasan ng Kanilang Audience

Ang pagiging written at spoken art ng tula ay makitid na dimension lamang ng pag-iral nito. Mas malawak ang hamon sa tula na makalampas pa sa mabusising pagkakasulat, mahusay na pagkakabigkas o kaiga-igayang pagkakatanghal, papunta sa pagtanggap ng mambabasa, na makakarinig at makakatunghay dito bilang sarili rin niyang karanasan.

NI AXEL PINPIN*
Inilathala ng Bulatlat

Nakaramdam ako ng konsuwelo sa sarili matapos kong maisulat ang tulang aking binigkas noong unang gabi ng aking interogasyon sa kamay ng mga di-kilalang armadong kalalakihan na kalauna’y nagpakilalang mga pulis. Ang tagal kong binabalikan sa alaala kung ano ba talaga ang binigkas ko noong gabing iyon. Hindi ito madaling gawin. Mananatiling ang mga kaharap kong nakarinig ang saksi sa orihinal na tula. Pero, sadyang napaka-relieving sa pakiramdam noong mabuo kong muli mula sa aking rekoleksyon ang tula. Humigit-kumulang.

Ngayong nayari na, muli ay maiiwan sa mambabasa ang hatol at pagtanggap. Huhusgahan ng tagapakinig ang akdang ayaw kong angkinin, bagkus ay isang tula ng karanasan ng sinuman.

Dahil nauuna naman talaga ang karanasan. Ito ang nagluluwal ng mahusay na tula at anumang obra o likhang-sining. Kaya totoong mahirap at walang katuturan ang lumikha ng anumang tula kung nakakahon ang makata sa “standard na panitikan” na itinaktakda ng estado/lipunan. Ang buhay, mga karanasan at pakikibaka ng mamamayan ang marapat pa ring pamantayan at panuntunan ng anumang paglikhang makasining.

Isang nagpapatuloy na karanasan ang pagsusulat. Karanasan sa praktikang panlipunan at hindi lamang kasanayan o craft development sa workshop, training at/o pag-aaral kung paano magsusulat. Isang kabalintunaan na sa yaman ng panitikang Pilipino at istorikong pagkakahilig ng mga Pinoy sa kultura at sining ng panulaan ay nalikha ang nagbabanggaang ideya na ang panulaan ay para lamang sa mga makata, “malalalim na intelektuwal” at mag-aaral ng malikhaing pagsusulat; at di ito para sa masang tagatunghaydahil diumano’y hindi ito katanggap-tanggap sa huli (at itong masa na may appreciation pa sa panulaan ay yaong mga “baduy” at “romantiko”).

Ang pagiging written at spoken art ng tula ay makitid na dimension lamang ng pag-iral nito. Mas malawak ang hamon sa tula na makalampas pa sa mabusising pagkakasulat, mahusay na pagkakabigkas o kaiga-igayang pagkakatanghal, papunta sa pagtanggap ng mambabasa, na makakarinig at makakatunghay dito bilang sarili rin niyang karanasan.

Anong “madyik” meron ang “Kung Tuyo Na ang Luha Mo, Aking Bayan” ni Ka Amado V. Hernandez? Bakit ang nabanggit na akda ay inangkin ng mamamayang Pilipino (kundi man memoryado ay tiyak na batid ang mensahe) bilang sariling karanasan, samantalang ang mga premyadong tula ni Rio Alma (Virgilio S. Almario) at ng kanyang mga katotong makata ay pang-library lamang? Kapwa sila mga makatang lawreado kung tutuusin. Pero ang mga tula ni Ka Amado V. Hernandez ay inakap ng mas malawak na bilang ng mamamayan, habang ang kay Rio Alma at iba pang premyadong makata ay di na nakalampas sa matte-coated na pabalat at book-paper na pahina: tumigil na ang mga ito sa loob ng mga inaagiw na aklat, sa mga library na pinamamahayan ng gagamba, sa mga poetry reading ng kapwa rin nila intelektuwal at makatang sila-sila rin ang nagkakaintindihan, at di mawawaan ng masa.

Iyan na rin ang magpapaliwag kung bakit imortal ang mga tula ng mga di-kilala at di-sumisikat na makata at manunulat mula sa hanay ng mga progresibo at rebolusyunaryong materyalista. Hindi sila nalulong sa teknikalidad ng ritmo at sulat, pagbigkas at pagtatanghal, ng simpleng pagpapaunlad ng “art craft.” Sinikap ng mga ito na ipayakap sa mga tagatunghay ang kanilang mga akda, o mas tamang sabihin na ibinabalik nila sa hiniraman ng karanasan ang sariling kuwento ng mga ito.

Share This Post