Kakaibang Pag-alala kay Monico Atienza (1947-2007)

Sa unang tingin, walang dahilan para hindi ako bumisita sa kanya kahit saglit lang. Pero maniwala po kayong may malalim akong dahilan kaya pinili kong pisikal na lumayo kay Sir Nic mula nang atakihin siya sa puso noong Disyembre 2006.

NI DANILO ARAÑA ARAO
Konteksto / Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 44, December 9-15, 2007

Hindi po ito paghingi ng paumanhin kundi isang pagsasakonteksto ng nararamdaman.

Hindi ako pumunta sa burol ni Prop. Monico Atienza o Sir Nic (Mayo 4, 1947-Disyembre 5, 2007) hindi dahil abala ako sa maraming gawain. Sino ba naman sa atin ang walang mahalagang ginagawa? At kung pamilyar ka sa Quezon City, alam mong hindi malayo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang United Church of Christ in the Philippines (UCCP) na kung saan nangyari ang burol mula Disyembre 6. Nangyari ang kremasyon ng kanyang mga labi noong Disyembre 8. Sa unang tingin, walang dahilan para hindi ako bumisita sa kanya kahit saglit lang.

Pero maniwala po kayong may malalim akong dahilan kaya pinili kong pisikal na lumayo kay Sir Nic mula nang atakihin siya sa puso noong Disyembre 2006.

Opo, hindi ko binisita si Sir Nic sa Mary Chiles Hospital, Philippine General Hospital (PGH) na pinaglipatan niya o kahit sa mismong bahay niya sa loob ng kampus. Ilang beses akong napadpad sa Maynila nitong mga nakaraang buwan pero hindi natuloy ang inisyal kong planong bisitahin siya’t subuking makausap. At dahil halos araw-araw ay nasa kampus lang ako, bakit hindi ako nagpunta sa bahay niya sa Hardin ng Bougainvilla?

Siguro’y itinatanong mo sa puntong ito: Ano ba’ng problema ko?

Hindi man malalim ang pagkakakilala ko sa kanya – noong 2001 lang ako naging full-time na guro sa UP at naging kasapi ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND) na sinuportahan niya – apektado pa rin ako sa sinapit niya. Bigla akong nanlumo sa pagtatapos ng Disyembre 2006 nang makatanggap ako ng mensaheng isinugod siya sa ospital. Tulad ng marami pang kaibigan, kamag-anak at iba pang kakilala ni Sir Nic, parati akong nakibalita sa kalagayan niya.

Matapos kong malaman ang komplikasyong dulot ng kanser sa baga – pati na rin ang maling diagnosis ng doktor na unang tumingin sa kanya – aaminin kong isa ako sa mga naghangad noon ng kanyang mas maagang pagkamatay para matapos na ang kanyang paghihirap. Sa loob-loob ko sa panahong iyon, kung mayroon mang dapat na mamatay, ito ay ang mga patuloy na nagpapahirap sa sambayanan. (Idamay na natin ang hindi ko na papangalanang doktor na unang nagsabing wala raw kanser si Sir Nic.)

Pero sa isang banda, pinuri ko rin ang kagustuhan niyang mabuhay pa nang mas matagal kahit hindi na siya nakakakilos mula sa kanyang pagkakaratay.

Kung apektado ako, bakit hindi ko man lang siya binisita’t direktang kinumusta? Sana po’y maintindihan mong kakaibang personal na pag-alala ang gusto kong mangyari: Gusto ko siyang maalalang malakas, nakatayo at nakakapagsalita kahit na nanghihina na siya sa mga huling pagkikita namin.

Nakita kong kailangan ang pisikal na paglayo kay Sir Nic dahil ayaw ko siyang makitang nasa “walang pag-asang sitwasyon” na kung saan hinihintay na lang ang kanyang pagpanaw. Mabigat sa aking kaloobang makita siya sa ganoong kalagayan.

Masasabi mang kahinaan sa bahagi ko ito, halos isang taon akong hindi nagkaroon ng lakas para bisitahin siya, at ang “kahinaang” ito ay nakita kahit sa huling hantungan ni Sir Nic.

Mas gusto kong alalahaning ang mga pagkakataong mabait at medyo masungit siya sa akin. Tulad ng marami pang personal na kakilala ni Sir Nic, marami akong eksenang naaalala habang sinusulat ko ito.

Tuwing nasa loob ako ng kanyang kuwarto sa Departamento ng Filipino at Panitikang Pilipino, parati niya akong pinipilit na bumili ng mga ibinebenta niyang libro’t gamit sa bahay. Kapag wala akong binibili o kung sakaling isang mumurahing libro lang ang kukunin ko, sinisimangutan niya ako pero may paglalambing na sasabihing bumalik ako kapag nakuha ko na ang suweldo ko.

Sa Lantern Parade ng UP noong Disyembre 2002 na kung saan sumali ang aming grupo, hawak ko noon ang bandila ng CONTEND at magkatabi kaming naglakad. Sa una kong pagwagayway ng bandila, tinamaan ko siya sa ulo at mabilis akong humingi ng dispensa. Nakapagtatakang napangiwi siya sa sakit pero hindi niya ako pinagalitan. Pinilit pa niyang ngumiti habang sinasabing okey lang siya.

Marami ring mga pulong, kilos-protesta at porum na nagkrus ang aming landas. Kahit noong hirap na hirap na siyang magsalita, pinilit pa rin niyang lakasan ang kanyang boses para makapaglahad ng mahalagang mensahe sa mga tao

Ganito pong personal na pag-alala ang nais ko para kay Sir Nic: Isang pag-alala ng direktang pakikipag-usap sa kanya nang walang direktang karanasan sa pagbisita sa panahon ng kanyang seryosong karamdaman o kahit sa kanyang huling hantungan. Hayaan mong sa mga larawan ko na lang tingnan ang nangyari sa kanyang burol.

Ang mga pagpupugay sa kanya ay testimoniya sa laki ng naiambag niya hindi lang sa kilusang mapagpalaya, kundi sa buhay ng mga kaibigan, kasama, kapwa niya guro at mga dating estudyante. Hindi man matagal ang aming pagkakakilala, nakatatak na sa aking isipan ang imahe ng isang gurong dapat kong gawing modelo.

Kung mabigat sa aking kalooban ang kanyang pagkawala, sa tingin ko’y higit pa ang nararamdaman ng mga kamag-anak at kaibigan niya, lalo na ang kanyang mga kakontemporaryo.

Ang kanyang personal na pakikibaka para mabuhay ay dapat na maging inspirasyon para lalo pang paigtingin ang pagkilos para sa hinahangad niyang kinabukasan ng bayan. Sa sama-sama nating pagsasaisip sa kanyang naging buhay, sigurado akong kailanman ay hindi siya mabubura sa ating alaala. Pinoy Weekly / Inilathala ng Bulatlat

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Share This Post