Pulitika ng Pagbibigay ng Regalo

Kailangan nating isaisip na hindi mahalaga ang presyo ng isang regalo, kundi ang pag-alala sa mga reregaluhan. Dapat na mawala ang komersiyalismong nakakabit sa selebrasyon ng Pasko, partikular ang pagsukat ng halaga ng isang tao sa ating buhay depende sa presyo ng regalong nakalaan sa kanya.

NI DANILO ARAÑA ARAO
KONTEKSTO/PINOY WEEKLY
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 46, Disyembre 23, 2007 – Enero 5, 2008

Noong bata pa ako, parati kong hinihintay ang buwan ng Disyembre.

Ito ay hindi lang dahil sa mahabang bakasyon. Gusto ko ring makatanggap ng regalo mula sa mga kamag-anak at kaibigan. Tuwang-tuwa ako noon tuwing may bago akong laruan, hindi na bale kung mumurahin lang ito.

Sa aking palagay, ang kasiyahan ay hindi lang sa mismong paghawak sa regalo, kundi sa pagbubukas nito. Sa pagkakaalala ko, iba ang pintig ng puso ko habang mabagal kong binabasa ang mensahe sa kard at mabilis kong pinupunit ang balot.

Tulad ng maraming batang minsa’y napagkakaitan dahil sa hirap ng buhay, itinuro ng aking nanay na ang konsepto ng halaga ay hindi nasusukat sa pera kundi sa paraan ng pagbibigay. Mas maganda ang pagkakabalot, mas mainam. Mas mahabang mensahe ang nakasulat sa kard, mas natutuwa ako.

May mga pagkakataong hindi ako naging masaya sa mga iniregalo sa akin ng ilang mayayamang kaklase. Kahit sa murang edad, may ideya na ako kung ang isang bagay ay ipinabili lang o ipinasulat sa iba ang mensahe sa kard.

Alam mo naman kung kilala ka ng isang tao: Ang regalong ibibigay ay repleksiyon ng pagkakakilala sa iyo o mismong pangangailangan mo. Kahit bata ka pa, alam mong may pagkakamali ang isang mayamang kaklase kung, halimbawa, ikaw na isang lalaki ay nabigyan ng naturingang “pambabaeng” laruan tulad ng manyika. (Higit na matingkad ang pagkakamaling ito kung iisiping nag-aral ako sa isang eskuwelahang eksklusibo lang sa lalaki.)

Ano ang ginagawa ko sa ilang aksidenteng pagkakuha ng mga regalong hindi akma sa akin? Kung ang regalo ay “pambabae,” pasimple kong ibinabalik ito sa loob ng kahon, muli kong ibinabalot at ibinibigay ko sa nakababata kong kapatid na babae.

Kahit hindi niya alam na hindi ko ito binili, masaya pa rin siya dahil may mahaba akong mensahe sa kard na pinaghirapan kong sinulat. Katulad ko, ugali ng kapatid kong basahin ang mga kard na nakakabit sa mga regalo niya.

At dahil alam niyang hirap na hirap ako noong sumulat ng kahit isang pangungusap lang, gusto kong isiping masaya siya sa pinaghirapan kong mahabang mensahe para sa kanya.

Pumapasok sa isipan ang mga bagay na ito dahil sa panahon ng krisis, tila nagiging ugali na ng ilang kaibigan at kakilala ko ang paggamit ng ibang regalong iniabot sa kanila para ibigay sa iba. Nangyayari ito hindi dahil sa kawalan ng pagpapahalaga sa ibinibigay nila, kundi bunsod ng pagiging praktikal sa buhay.

Itinakda ng ating popular na kultura ang pangangailangang magregalo. Mas mahal, mas maganda. Pero ano ang gagawin ng isang tao kung limitado ang kanyang pondo? Kahit ang ilang magaganda o mahahalagang regalong nakuha niya ay muling ibinabalot o pinapalitan na lang ang kard para magmukhang siya mismo ang bumili.

Mapapansin din sigurong may mga pagkakataong pare-pareho ang natatanggap nating regalo, at kadalasa’y alam nating ang mga ito ay murang ibinibenta sa kung saan-saan. Maraming “sale” ngayon sa mga paborito nating mall at iba pang establisimyento na siyang pinagpipilian ng mga kapos sa pera bilang pangregalo.

Totoong maraming mapagpipilian, pero limitado lang ang kayang mabili ng nakararaming taong may mababang badyet.

Sinasabing ang Pasko ay para sa mga bata. Mainam na sa panahong ito, maituro natin sa kanila ang kahalagahan hindi ng pagbibigayan kundi ng pagiging mapagbigay.

Kailangan nating isaisip na hindi mahalaga ang presyo ng isang regalo, kundi ang pag-alala sa mga reregaluhan. Dapat na mawala ang komersiyalismong nakakabit sa selebrasyon ng Pasko, partikular ang pagsukat ng halaga ng isang tao sa ating buhay depende sa presyo ng regalong nakalaan sa kanya. Pinoy Weekly/inilathala ng Bulatlat

Share This Post