a
Pornograpiya sa Pilipinas at Japan
Published on Mar 8, 2008
Last Updated on Feb 4, 2011 at 9:50 pm

ADVERTISEMENT

Sa Japan, maaninag pa rin ang pixilated na bahagi. Frame-by-frame ang metikulosong pixilation. Tanging ang “pixilator” ang huling makakakita ng kabuuang bersyon nang “malayang” akda. At mayroon na rin raw teknolohiya na kayang ide-pixillate ang imahen. Pero kahit wala man ito, naaaninag ang ipinagbabawal sa aktwal at animated na katawan dahil sa lebel naman ng imahinaryo ito maaring maganap. Ibig sabihin, kailangang mag-labor—lumahok para may karagdagang halaga ang hilaw na materyales ng pornographiya–ang mambabasa at manonood, at magkaroon ng kahulugang sexual ang mga akda.

Sa Pilipinas, walang manonood ng bomba na pelikula na naka-chin up na bibili ng tiket at papasok sa lobby ng sinehan. Nakatungo rin itong papasok sa motel. O sa lalim ng gabi panonoorin sa low volume ang pirated porn na nabili sa Quiapo. Pribatisado itong mga akto pero para sa pulis, may mawawari pa ring akusasyon para gawing iligal itong pagdanas. Tingi nga lang ang pornograpiya, patago pang dinadanas dahil said sa pag-aproba ng lipunan, gayunpaman, bawal pa rin. At namatay na nga ang natitirang heterosexual na bomba sa komersyal na sinehan, na sa dami ng bilang ng produksyon ay bumuhay sa industriya ng pelikula sa bansa.

Ang kakatwa sa “pornograpiya” sa bansa, ang aktwal na katawan ang pinapahalagahang ikriminalisa. Hindi nakukulong ang artista o prodyuser, maging ang videographer at make-up artist na kalahok sa produksyon. Ang krinikriminalisa ay ang aktwal na naghuhubad, tulad sa massage parlor, gay bar at night clubs. Hindi ang mga katawang naging imahen ng pornograpiya sa pelikula at DVDs. At maliban dito, ang nagbebenta ng pirated porn ay aarestuhin hindi pa dahil nagbebenta ng porn, kundi dahil nagbebenta ng pirated DVD.

Pero magkagayunpaman, may takot parati sa karanasan sa pornograpiya, na tulad ng karanasan sa droga at pagpatay, inaakalang hindi naman kailangang gawin para malamang bawal ang mga ito. At dahil sa tagumpay ng estado na paniwalain ang nakararami sa ipinagbabawal na karanasan, marami ang naniniwalang kailangan at dapat nga itong ipagbawal.

Kung sa “maliit” na usapin ng pornograpiya ay reaksyon ng estado ang ating sinasambit, ano pa kaya sa mas malaking usapin ng pornograpiya ng kasalukuyang administrasyon? Ang ebidensya ng kalabisan ay nagpapatong-patong na: $130 milyon ang inaasahang ganansya sa korapsyon sa broadband scandal, $20 milyon ay naisuhol na raw; na nadagdagan ng 700,000 pamilya o kabuuang 32.9 porsyento (isa sa tatlong pamilya) ng populasyon ang naghihirap sa loob ng tatlong taon; at ito ay nakabatay pa, ayon sa mismong National Statistical Coordination Board, sa napakababang P41.25 na arawang budget para mabuhay raw ang inbidwal nang maayos; at ang palitan ng pabor sa Spratly Islands. Bukod pa rito ang nakaraan nang pandaraya sa eleksyon, panunuhol, at iba pang katiwalian ng kasalukuyang administrasyon.

Pero wala pang biswal na ebidensya. Wala pang Clarissa Ocampo na magsasaad na nakita niyang pinirmahan ni Joseph Estrada ng Jose Velarde ang papeles na magpapatunay ng pangungubra nito ng jueteng. O mga empelyado ng Commission on Elections na nag-walkout sa dayaang ipinapagawa sa kanila sa bilangan sa PICC sa snap election ni Marcos. Ito ang bomba na nagtatago, at nawawala ang pangunahing bomba star tuwing may bombang skandalo.

Wala pa ang bomba pero nandito na ang bomba. Ipinaloob na tayo ng bomba queen sa kanyang pornograpiya. Kailangan nating mag-ibang labor. Magmulat, magpakilos at mag-organisa nang makaalpas tayo sa halina (sic) ng bomba queen, at nang mas marami pa ang makakita ang ayaw ipakita. Mabuhay ang hecklers, ang tumatangkilik para balikwasin ang pasulpot-sulpot na bomba star na magdadalawang-isip sa susunod na nais magpakita. Mabuhay ang mga nagpapatuloy na magmartsa at kumilos, na ang winawalang kriminal at krimen ay ginagawang aktwal at historikal ang pagtutuos.

Sa huling usapin, ang imahen ng nagkakaisang sambayanan sa kalsada ang magkrikriminalisa sa aktwal na krimeng hatid ng bomba queen. Ito ang biswal na ebidensya ng ating pagiging saksi sa kasalukuyang pambansang kasaysayang sandali. (Bulatlat.com)

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This