Indie Cinema Bilang Governmentalidad

Sa public service announcement ng Rights v.2.0, kalipunan ng 15 tig-iisang minuto at kalahating anunsyo hinggil sa paglabag sa karapatang pantao, matutunghayan ang kaiba ring asersyon ng governmentalidad. Sa Luya ni Ging Flores, inihalintulad ang pagbalat at pagpipit sa luya sa pagtortyur at paglabag sa karapatang pantao. Sa Terorista Ka Ano? Ni Ted Edward Ferrera, ang lahat ng stereotype ng pagiging terorista (may balbas, naka-tubao, madungis at di naliligo, may marka sa mukha, nagsusulat sa campus paper, at iba pa) ay farcical na batayan para sa vigilante-military justice na tepokin ang mga katawang may marka ng terorismo.

Ang Bakwet ng Southern Tagalog Exposure ang pinakanakakatindig balahibo para sa akin. Ito ay close-up shot ng batang babaeng umaawit ng isang nursery rhyme hinggil sa internal refugees at evacuation, mga sapilitang paglikas sa tirahan at komunidad ng mamamayan para maputol daw ang suporta sa armadong pakikibaka. Wala na ang innocence o kawalang-muwang na idinidikit ng governance sa mga musmos: lahat ay nababahiran na ng karahasan ng counter-insurgency.

May ibang public service announcement na ginawa ang dokumentaryong kolektibong Tudla, Bigas. Ito ay tumatalakay sa kagutuman, mababa at bumababa pang kalidad ng buhay, pagpila para sa bigas ng NFA, at ang pag-upo ng mamamayan sa isang panlipunang bulkan (social volcano). At tulad ng katangian ng public service announcement, ang limang minutong video na ito ay tuntungan para sa mas higit na talakayan at diskusyon ukol sa isyu ng kasalukuyang buhay.

Sa governmentalidad, may pagsasakdal sa estado. Hindi tulad ng isinasaad ng termino na “utak-gobyerno,” ang sinasaad pa ay ang alternatibong pagtataguyod ng gobyernong mas makakatugon sa mga kondisyon at pangangailangan ng mamamayan. Paano makakapagtaguyod ng alternatibong gobyerno sa kasalukuyang panunupil ng gobyerno para kitlin ang kalidad ng buhay ng mamamayang di na pinagsisilbihan nito?

Paano bumuhay ng gobyerno ng mamamayan sa malawakan at malalimang loob ng gobyernong ang interes ay para sa iilan, at sa iilang interes na ito, itinataguyod ang kontra-mamamayang kalakaran ng pamamahala? Matutunghayan sa indie cinema ang lagusan para sa pagpapadaloy ng governmentalidad: ang pagkakaroon ng isang paa sa loob at isang paa sa labas ng sistema, ang posisyong loob na labas, labas na loob hinggil sa estado.

Hindi pa para itaguyod ang liberal na demokrasya sa estado, dahil mabilis na binubura na ang kalakarang ito ng neoliberalismo at fasismo. Kundi para isaalang-alang ang potensyalidad ng filmikong mamamayan na magsakatuparan ng kolektibong imahinasyon at pag-aakda sa hinaharap. Sa pamamagitan ng indie cinema, ang pagkamamamayan na binubura ng estado ay binibigyan-buhay at representasyon sa kani-kanilang kontexto bilang pagsasakdal sa kalakarang pang-estado, at paghahanda (rehearsal) para sa pagbabalikwas.

At ito rin ang pagbabahagdan sa indie cinema, hindi naman lahat ay may ganitong bisa: ang makapanghimok na itatwa ang indibidwal para sa kolektibong transformasyon. Kasama ng manonood ng indie cinema (peti-burgis, intelektwal, estudyante, maralitang tagalunsod, unyonista at artista), ang afirmasyon at reafirmasyon ng literal at figuratibong rebolusyonaryong tahakin at gawain, para ang bigat ng filmikong realidad na tinutumbok ay magkaroon ng historikal na relief at posibilidad ng panlipunang transformasyon.

Lampas-lampasan ang indie cinema sa indictment kay Arroyo at sa naghaharing uri at sistema sa bansa. Hindi man ito binabanggit o direktang may referensya sa pelikula, ito, tulad sa panahon ng diktaduryang Marcos, ang organizing signifier sa klase ng pagpapahirap at imposibilidad ng pagkamamamayan sa filmikong realidad. At kung gayon, malinaw-linaw ang dapat tahakin para mabago ang ganito sa aktwal na lipunan.

Sa isyu ng governmentalidad, mamamayan ang aakda ng kanilang kolektibong bukas ngayon. (Bulatlat)

Share This Post

One Comment - Write a Comment

Comments are closed.