Huling Mensahe kay Alex Remollino

Ni Danilo Araña Arao
Pinoy Weekly

“Hoy! Nangangayayat ka na.” Hindi ko akalaing ito ang huli kong mensahe kay Alexander Martin Remollino (Agosto 6, 1977-Setyembre 3, 2010). Iyon na rin pala ang huling pagkikita namin.

May porum na inorganisa noong Agosto 23 ang Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND) sa Bulwagang Rizal ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Nakaupo si Alex sa bandang likuran, samantalang ako’y nasa bandang harapan.

Halata nang bagsak ang kanyang katawan pero hindi ko ito pinansin noon. Una, wala naman akong alam na seryosong karamdaman ni Alex. Ikalawa, masasabing medyo naiinggit ako sa malaking nabawas sa kanyang timbang dahil alam niyang personal kong “pakikibaka” ang pagbabawas nito.

Napadaan ako sa kanya at napangiti siya sa aking “sumbat.” Gusto ko pa sana siyang kausapin nang mas matagal para kumustahin, gayundin ang iba pa naming kaibigan sa publikasyong Bulatlat. Medyo matagal na kasi akong hindi nagpapakita sa aming alternatibong publikasyong online na may nakakatawa pero iginagalang na pangalan. Nakikita ko na lang ang iba pang mga kaibigan kapag napapadpad sila sa UP o kung dumadalo sa mga aktibidad na kung saan imbitado kaming magsalita.

Oo, sana’y kinausap ko pa siya, pero hindi ko nagawa. Kaya nga utang ko ngayon sa kanya ang personal na alaala.

Dahil itinatag ang Bulatlat noong Pebrero 2001, masasabing kasama si Alex sa pag-unlad nito. Pumasok si Alex sa Bulatlat noong 2002 pero bago pa man siya naging bahagi nito, nagkakilala na kami sa virtual na paraan. Nagpadala siya ng maikling email sa akin para magpakilalang manunulat ng Ibon Foundation (na kung saan nagtrabaho siya sa maikling panahon, at alam niyang naging bahagi ako nito mula 1994 hanggang 2001). May binitiwan siyang kaunting papuri, pero iba ang layunin ng kanyang mensahe.

May itinanong siyang personal na bagay tungkol sa isang premyadong makatang kakilala niya. Tinanong niya kung pinsan ko ang makatang ito. Sinagot ko siyang hindi ako malapit sa aking mga kamag-anak kaya hindi ako sigurado kung totoo ito. Akala niya siguro’y nagalit ako kaya humingi siya ng paumanhin sa akin, sa pamamagitan ng isa pang email. Ito po ang kakaibang virtual na engkwentro namin!

Hindi na naungkat ang maliit na bagay na ito sa kanyang pagtatrabaho sa Bulatlat. Hindi ko na tuloy nasabing wala siyang dahilan para humingi ng dispensa. Dahil maraming gawai’t maraming dapat isulat, mabilis siyang sumabak sa pag-uulat simula 2002. Kahit na anong paksa ang ibigay sa kanya, buong sigasig niyang pinagtiyagaang pag-aralan para magbigay ng matalas na pagsusuri dito.

Bilang isang patnugot, naging gawain ko ang magbigay ng komento sa mga sinulat niya. Tulad ng iba pang masigasig na manunulat ng Bulatlat, handa siyang makinig at tumanggap ng puna, pero handa rin siyang magbigay ng katwiran kung kinakailangan.

Ang pagiging mahusay na peryodista ni Alex ay hindi nasusukat sa mga parangal na nakuha kundi sa tiyagang ibinuhos niya para mapaganda ang kanyang mga akda. Malaking salik din ang regular niyang pagsusulat. Noong lingguhan pa ang deadline sa Bulatlat, may mga pagkakataong hindi lang isa kundi apat ang kanyang sinusulat. Sadyang ang kalidad (quality) at kantidad (quantity) ng mga akda ay lubhang kinakailangan sa panahon ng krisis. At pinangatawanan ni Alex ang pagiging makabayang peryodista – tinambakan niya ng babasahin ang mga nais mamulat sa paraang hindi sila malulunod kundi maliliwanagan.

Kung tila nagmamadali si Alex sa kanyang pagsusulat, ito ay dahil sa nais niyang makatulong sa pagbibigay-linaw, sa lalong madaling panahon, sa mga pangunahing isyu ng bansa. Kung tila hindi siya mapakali kapag hindi nakapagsusulat, ito ay dahil sa nararamdaman niya ang pangangailangang “Tuparin Natin ang Banta ng Ating Panahon” na isa sa mga pinakasikat niyang tulang ginawa pa ngang kanta.

Ah, siya nga pala’y isa ring makata! Kahit na alam kong kokontrahin ako ng ilang nakakakilala kay Alex, gusto kong isiping ang kanyang pagiging mahusay na makata’y dahil sa kanyang pagiging masigasig na peryodista. Ang mga elemento ng peryodismo’y kitang-kita sa marami niyang tula – napapanahon, makatotohanan, naninindigan. Siya ang nagpapatunay na ang isang tula’y hindi kailangang nakatago ang mensahe. Kung tutuusin, mas kailangang maging direkta para maintindihan hindi lang ng mga mulat na kasama kundi ng mga walang-muwang na kaaway.

Pero hindi naman lahat ay puro seryosong trabaho para kay Alex. Masasabing maganda ang kinahihinatnan ng nakakapagod na press work sa Bulatlat kung naroon siya. Marami siyang kuwento sa likod ng kanyang mga artikulo, at lalong mas marami siyang tsismis tungkol sa iba’t iba niyang nakahalubilo. Marami siyang patawa, at lahat kami’y napapasabay sa kanyang halakhak.

Kailangan nang kumain ng mga tao? Asahan mong siya ang lalabas ng opisina para bumili ng pagkain sa malapit na tindahan. Pero asahan mong siya rin ang unang uubos ng isang litrong soft drink kapag hindi mo agad nilagyan ang baso mo. Siguro’y palihim siyang natutuwa tuwing bumibili ako ng isa pang litro ng paborito naming inumin sa pagkakataong may pera ako. Halos kaming dalawa lang ang nakakaubos nito!

Pareho man kaming malakas kumain, hindi naman siya maselan katulad ko. Kung bibigyan siya ng gulay o isda, sa pagkakaalala ko’y magana pa rin siyang sumubo. Siguro’y palihim din siyang natutuwa tuwing ayaw kong kainin ang ilang meryendang binili ng mga kaibigan, dahil madalas ko siyang sinasabihang kainin na lang ang para sa akin. Sa mga pagkakataong ito, tango at ngiti lang ang sagot niya (tulad ng huli naming pagkikita sa UP noong Agosto 23).

Dahil bihira na kaming magkita mula nang dumami ang aking gawain bilang guro at peryodista (bukod pa sa aking pansamantalang pagtuturo sa Korea noong 2009), wala na akong naging balita tungkol sa kanya. Nababasa ko man ang mga artikulo niya sa iba’t ibang publikasyon, hindi ko na alam ang nangyayari sa kanyang personal na buhay.

Para sa mga personal na nakakakilala kay Alex, sadyang nakalulungkot ang sitwasyong nawalan tayo ng isang mabait na kaibigan. Para sa mga nagbabasa sa mga akda niya, sadyang nakalulungkot ang sitwasyong nawalan ang Pilipinas ng isang makabayang peryodista’t makata.

Para sa mga hindi nakakakilala sa kanya at hindi pamilyar sa kanyang mga sinulat, siguro’y panahon na para mabuhay si Alex sa alaala ng natutulog na kamalayan, sa pamamagitan ng kanyang mga salita.

Para sa iyo, Alex, magpahinga ka na. May sariling buhay ang iyong mga akda. Hayaan nating umalingawngaw ang iyong salita kasama ng dumaraming bilang ng mga namumulat.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Share This Post