Media Release
16 Nobyembre 2010
Sa ikaanim na anibersaryo ng Hacienda Luisita Massacre, na una sa ilalim ng rehimen ni Pres. Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III, kinondena ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno ang ayon dito’y “nagpapatuloy na kasinungalingan” ng pangulo kaugnay ng masaker na pumatay sa pito at sumugat sa marami pa.
Ayon sa KMU, matapos ang masaker noong Nob. 16, 2004, nagkaroon ng pagtatalo sa House of Representatives sina Anakpawis Rep. Rafael Mariano at ang noo’y kongresistang si Noynoy kung saan pinalabas ng huli na napasok ng mga armado ang hanay ng mga nagwewelgang manggagawang bukid.
Ang kasinungalingang ito, na may mga New People’s Army sa welga, ang ginawang paliwanag ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo sa nangyari. Ito rin umano ang inulit ng mga kapatid niyang sina Viel Aquino-Dee at Pinky Aquino-Abellada nitong nakaraang eleksyon.
“Sa paggunita natin sa masaker sa Luisita, gusto naming pasinungalingan ang kasinungalingan ni Noynoy na may mga armadong grupo sa welga noon ng mga nagwelgang magbubukid. Malinaw na ipinapakita ng video footage sa masaker na hindi armado ang mga magbubukid at hindi sila nagdulot ng probokasyon,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU.
“Gustong palabasin ni Noynoy na makatwiran ang pagmasaker sa mga magbubukid dahil raw napasok sila ng mga armado. Hindi armado ang mga magbubukid at hindi magiging makatwiran ang pagpatay sa mga taong mapayapang naggigiit ng dagdag-sahod at reporma sa lupa,” dagdag pa niya.
Ayon sa lider-manggagawa, ipinapakita ng pagsisinungaling ni Noynoy para ipagtanggol ang masaker na talagang malupit siya sa mga magsasaka, pabor siya sa kanyang pamilya sa mga isyu sa Luisita, at kampi siya sa mga panginoong maylupa.
“Namatayan na nga ang mga magbubukid, sasabihin mo pang makatwiran ang pagpatay sa mga kasama at kaanak nila. Kahit manawagan ng katarungan, hindi nila ginawa, mas gusto pang ipagtanggol ang masaker. Binibigyan pa nila ng palusot, kahit hindi totoo, ang ibang panginoong maylupa para imasaker ang mga nagpoprotestang magbubukid,” ani Labog.
Reference:
Bong Labog, KMU chairman
Posted by Bulatlat.com
0 Comments