Privilege Speech: Anakpawis Partylist Rep. Rafael V. Mariano

SAHOD ITAAS, PRESYO IBABA
May 10, 2011

Mr. Speaker, honorable colleagues, I rise on a matter of personal and collective privilege upang ihayag ang ilang mahahalagang usapin ng mga manggagawang Pilipino.

Noong Mayo Uno 2011, ipinagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa at naging malakas ang panawagan ng mga obrerong Pilipino sa buong bansa para sa makabuluhang dagdag na sahod at pagbaba ng presyo ng mga bilihin.

Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, napapanahon na ang pagbibigay ng makabuluhang dagdag sahod. Hindi na makaagapay ang kakarampot na sahod ng mga manggagawa sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, serbisyo at produktong petrolyo.

Disclaimer | What you are reading is either a press release/ statement or a manifesto. These materials do not go through our editorial process and do not reflect our policy or position.

Nakapako ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawang Pilipino mula 1980 hanggang sa kasalukuyan dahil sa pananalasa ng neoliberal na globalisasyon at dahil na rin sa mga batas na ipinatupad ng gobyerno. Patuloy ang pagbaba ng tunay na halaga ng sahod dahil na rin sa ipinatupad ni Gng. Corazon C. Aquino na anti-manggagawang Herrera Law (R.A. 6715) at Wage Rationalization Act of 1989 (R.A. 6727).

Lahat ng mga nagdaang administrasyon mula kay Marcos ay nagbigay lang ng barya o mumong umento sa sahod ng mga manggagawa. Noong panahon ni Gng. Corazon C. Aquino, nagtaas ng P82 ang sahod, P16 noong administrasyon ni G. Ramos, P22 sa termino ni dating Pangulong Estrada. Pinakamaliit ang naibigay ng rehimen ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo na may tunay na halaga lamang na P5 piso. Sa ilalim ni Pangulong Noynoy Aquino ngayon ay wala pang dagdag sahod.

Ang tunay na halaga ng sahod noong Pebrero 2001 sa simula ng termino ni Gng. Arroyo ay nasa P237, sa pagbaba niya sa pwesto noong Hunyo 2010, ang tunay na halaga ng sahod ay P242. Ibig sabihin, sa halos isang dekada, P5 lang ang itinaas ng tunay na halaga ng sahod. Nitong Pebrero 2011 ang tunay na halaga ng sahod ay nasa P235 na lamang.

Higit na nabalewala ang limos na ibinigay ng mga regional wage boards sa nakaraang taon dahil kinain ito nang buong-buo ng sunud-sunod na pagtaas ng mga bilihin, singil sa pamasahe, singil sa mga yutilidad gaya ng tubig, kuryente, singil sa toll fee at iba pang dagdag na bayarin sa pag-upo ni Pangulong Aquino.

Ngayon, nag-anunsyo ng P22 Cost of Living Allowance o COLA. Ang tunay na halaga lang nito ay P12.35 ayon sa April 2011 Consumer Price Index. Saan makakarating ang P22?

Sa kasaysayan mula nang itayo ang wage boards sa bisa ng Wage Rationalization Act of 1989, puro baryang dagdag-sahod na hindi lalampas sa P26 lang ang natanggap ng mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon. Karamihan pa sa mga wage order na inaprubahan ay pagtataas lamang sa emergency cost of living allowance (ECOLA) sa halip na pagtataas sa basic pay ng mga manggagawa. Kapag ECOLA, walang pagbabago sa basic pay, 13th month pay, maternity leave, retirement pay, separation pay at iba pang kaakibat na benepisyo.

Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, ngayon sa ilalim ni Pangulong Noynoy, tila walang balak na magbigay ng makabuluhang dagdag sahod. Nagkoro na rin ang mga grupo ng employer ng pagtutol sa makabuluhang dagdag na sahod.

Sa halip na dagdag sahod, iminungkahi ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na stipend na lang ang ibigay ng wage board na nagkakahalaga ng P13.35. Kahit pamasahe papunta sa trabaho at pauwi sa bahay ng mga manggagawa ay hindi kakasya ang P13.35!

Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, malinaw ang kalakaran – patuloy na sumasadsad ang sahod ng mga manggagawa.

Kung susuriin ang mga datos na inilalabas ng Yearbook of Labor Statistics Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES), makikitang mas bumaba ang halaga ng tunay na halaga ng sahod. Ang index of compensation o ang sukatan ng tunay na halaga ng sahod at mga benepisyo na naitala sa 112.9 noong 2009 ay kapareho lang ng antas noong 1995.

Sa kasalukuyan, batay sa pinakahuling datos ng BLES, ang karaniwang sahod kada araw sa construction sector ay P282.50. Nasa P257.71 naman ang karaniwang arawang sahod sa wholesale at retail trade habang aabot sa P515.55 ang karaniwang sahod ng mga empleyado sa financial services subsector. Sa non-agricultural industries, nasa P325.82 lang kada araw ang natatanggap. Higit na mababa sa sektor ng manufacturing na nasa P300.42 lang habang P231.01 lang ang arawang sahod ng mga manggagawa sa sektor ng pagmimina at quarrying.

Malayo kumpara sa umiiral na pinakamataas na minimum wage na P404 sa National Capital Region ang daily cost of living na P957 para sa isang pamilyang may anim na miyembro. Kahit pa dalawa ang kumikita sa isang pamilya, hindi sasapat para sa mga batayang gastusin. Kulang ng P533 ang kasalukuyang sahod para maabot ang tinatawag na ‘living wage.’

Mr. Speaker, mga kapwa ko kinatawan, ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura ang siyang nakakatanggap ng pinakamababang sahod sa buong bansa.

Patuloy din ang pagpapatupad ng wage freeze policy kahit sa mga kumpanyang may mga umiiral na unyon at Collective Bargaining Agreements o CBA.

Ang patuloy na pagbulusok ng halaga ng sahod ay dulot ng patakarang LAPIDA o liberalisasyon na nagdudulot ng pagbaha ng imported na kalakal at pumapatay sa mga lokal na negosyo, pribatisasyon na nag alis ng kontrol sa mga yutilidad gaya ng tubig at kuryente at deregulasyon na dahilan ng pagsirit ng presyo ng langis.

Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, sinagasaan ng walang tigil na oil price hike ang mamamayan. Ngayong taong 2011, may labing-apat (14) na beses nang nagtaas ang presyo ng produktong petrolyo. Ang average na presyo ng diesel ay P48 kada litro, ang gasolina ay P58 kada litro at ang LPG na ginagamit ng maraming household ay nagkakahalaga ng P700-P800 kada 11-kilogramong tangke.

Share This Post