Sampung pinakamatinding kampanya para sa kalikasan

kalibutan

(Una sa 2-bahaging Serye)

By CLEMENTE BAUTISTA
Kalibutan

MANILA — Inihahandog ng Kalikasan ang sampu sa pinakamahuhusay at matagumpay na pagkilos at pangkalikasang kampanyang isinagawa sa taong 2018. Ang listahan ay nagpapakita ng lakas ng kolektibong pagkilos upang ipagtanggol ang ating kalikasan at itaguyod ang ating karapatan para sa isang malinis, malusog, at mapangalagang kapaligiran.

Bibilib ka talaga sa mga Pinoy environmental defenders sa walang pagod at walang sawa nilang pagkilos. Ito ay sa kabila ng matinding kahirapan, lumalalang panganib para sa aktibismo, paglipana ng sandamakmak na buwitre at buwaya (pasingtabi sa mga tunay hayop) sa gobyerno ni Duterte, at tumitinding pakikialam ng mga dayuhan sa ating bansa.
Ito na ang unang lima sa sampu!

1. Defend Environmental Defenders

Environmentalists
Environmental Defenders Conference 2018, December 5-7, 2018, UP College of Science

Sa lumalalang paglabag sa karapatang pantao at pasismo, isa sa mga biktima ang ating mga Pinoy environmental defenders. Sa tala ng Kalikasan, di bababa sa 63 na ang pinaslang sa panahon ni Duterte. Daan-daan naman ang inaakusuhan bilang mga rebelde o di kaya ay terorista, kinasuhan ng gawa-gawang kaso, at ikinulong ng walang sala.

Naging malakas ang pag-iingay sa kampanyang ito. Napatampok sa buong mundo ang kalagayan at paglaban ng mga enviornmental defenders sa bansa. Umani ng maraming internasyunal na suporta para sa kanilang kampanya at paglaban. Katunayan, noong Marso 2018, lamang pinangunahan din ng mga Pilipino ang pagbubuo ng Asia Pacific Network of Environmental Defenders (APNED) para pagbuklurin ang mga environmentalist sa rehiyon ng Asya at Pasipiko. Nakakabilib talaga.

Noong December 5-6 pinangunahan naman ng Kalikasan ang pagsasagawa ng First National Environmental Defenders Conference sa Pilipinas. Alinsunod sa temang “Environmental defenders Unite! Defend our rights, defend our environment!,” nakapagbuo ng alyansa ng mga makakalikasan sa buong bansa na kolektibong tutugon sa mga hamon at panganib na kumakaharap sa kanila sa mga susunod na taon.

2. Ipilan Nickel Corp. ng higanteng Consunji, taob sa mga taga-Brooke’s Point, Palawan

Noong Enero 2018, binuwag ng mamamayan ng Brooke’s Point sa pangunguna ng kanilang alkalde na si Jean Feliciano ang mga imprastruktura ng Ipilan Nickel Corporation na illegal na nakatayo sa kabila ng pagsuspindi sa kanila ng DENR mismo.

Nagpumilit pa rin mag-operate ang INC sa bayan at dinedma ang mga utos at suspensyon ng gobyerno na nag-ugat sa illegal na pagputol ng kumpanya sa 7,000 puno, kasama ang mga century-old trees, noong Mayo 2017. Binuking nina meyor ang ginawang pasira ng kumpanya sa kalikasan ng kanilang bayan.

Dahil sa paglalantad at malakas na pagtutol ng mamamayan ng Brooke’s Point, binawi ng Palawan Council Sustainable Development (PCSD) nitong Agosto 2018 ang environmental clearance na unang nitong ibinigay sa INC at sinuspinde ng DENR ang operasyon ng INC.

Pag-aari ng balasubas na pamilyang mining oligarch na Consunji ang INC. Ang mga kumpanya ng mga Consunji, kasama na INC, ay may mahabang rekord ng paglabag sa karapatang pantao at krimen laban sa kalikasan, kung kaya sila ay kinamumuhian ng mamamayan sa mga lugar kung saan sila nagmimina.

3. Save Pantaron Range, Defend Talaingod

Noong 1994, muling nagdeklara ng armadong pakikibaka ang mga Talaingod Manobo para protektahan ang natitirang kagubatan sa Pantaron laban sa pangangamkam at pagsira ng kumpanyang logging ng Alcantara and Sons. Ang kampanya naman para Depensahan ang Talaingod, Sagipin ang Bulubundukin ng Pantaron ay nagsimula noong 2014. Maraming kumpanya sa pagmimina, logging, at mga plantasyon ang gustong pumasok at dambungin ang lupa at kagubatan sa Talaingod.

Bai Bibyaon Ligkay
Bai Bibyaon Ligkay leads 600 Lumads to Join One Billion Rising, Feb 2015, photo courtesy Davao Today

Binagsakan ng mga bomba ang mga komunidad, ipinasara ang kanilang mga eskwelahan, lumala ang panunuhol, at pananakot. Subalit patuloy ang puspusang pakikibaka ng mga Talaingod Manobo na naninirahan sa bulubundukin ng Pantaron sa bayan ng Talaingod, lalawigan ng Davao del Norte.

Magpahanggang ngayon, di makapasok ang mga kumpanya ng mina, logging at plantasyon sa Talaingod. Noong Marso 2018, kinilala ang isa sa kanilang lider na si Bai Bibiyaon bilang Katangi-tanging Gawad Bayani ng Kalikasan ng Center for Environmental Concerns (CEC) para sa kanyang pamumuno ng pakikibaka ng kanyang mga katribo para protektahan ang kalikasan.

4. Don’t cut our trees! Don’t touch our park

Noong Hulyo 2018, pinutol ng kontraktor ng DPWH ang 271 puno ng akasya sa Abunan Road, Bago City, Negros Occidental. Gustong alisin ang mga puno para palaparin ang kalsada sa nasabing lugar. Ito’y sa kabila ng paglilinis ng hangin, at pagbibigay ng lilim at kagandahan sa lugar ang mga punong acacia sa lugar.

Subalit di pumayag at kagyat na kumilos ang mamamayan ng mga Bago City. Gumawa sila ng petisyon para ipatigil ang pagputol ng mga puno. Ngayon umabot na sa mahigit sa 22,000 katao ang pumirma sa petisyon. Naobliga ang opisyales ng Bago City na isuspinde ang road widening project para dinggin ang hinaing mamamayan. Kinalaunan, iniatras ng DPWH ang balak na pagpuputol ng mga puno.

Ganito din ang tagumpay na nakamit ng kilusang “They Grey, We Green” ng mga Bikolano sa Naga City, Camarines Sur ngayong taon. Nagprotesta ang mga Bikolano sa pagputol ng DPWH sa mga puno sa San Felipe Road at Magsaysay Avenue sa Naga City noong Mayo 2018. Nagsampa ng kaso ang mga environmental group laban sa proyekto ng DPWH. Kinatigan naman sila ng korte na naglabas ng Temporary Environmental Protection Order (Tepo) na nagbabawal sa pagputol ng puno sa nasabing mga kalsada.

Sa Lungsod ng Maynila, tuloy-tuloy pa rin ang pagkilos ng mga mamamayan upang mapanatili ang Aroceros Park na nagsisilbing kanilang munting kagubatan sa lungsod laban sa pagpupumilit ng City government sa pamumuno ni Mayor Joseph Estrada na wasakin ang Arroceros Park upang magtayo ng isang pampublikong paaralan.

5. South Korea, ibalik ang ‘ineong’ nakakakalasong basura

Korean junk
Ecowaste Coalition Protests at Korean Embassy in Taguig City. Philippine Star, November 23, 2018.

Noong February 2017, 5,000 tonelada ng nakakalasong basura mula South Korea ang dumating sa Port of Cebu subalit nabuking ito ng mga awtoridad at ibinalik sa bansang iyon. Ngunit di paaawat ang mga Pilipinong kasapakat na naghahanap ng maruming mapagkakakitaan. Noong Hunyo 2018, iligal na nagpasok ang Verde Soko Industrial Corp. ng nakakalasong basura mula sa South Korea sa Misamis Oriental, Mindanao.

Pangalawang beses na nahuli ang mga Koreanong kumpanya na nagpuslit. Dahil sa paglantad at protesta ng mga environmental groups tulad ng Eco-waste Coalition, Ban Toxics, Kalikasan at iba pa, naobliga ang gobyerno ng South Korea na ibalik ang kanilang nakakalasong basura at imbestigahan ang korporasyong sangkot dito. Tugon ng Ecowaste sa positibong aksyon ng gobyerno ng South Korea, ‘kamsa hamnida (thank you).’

 

Clemente Bautista is the national coordinator of the Kalikasan People’s Network for the Environment in the Philippines, as well as International Network Coordinator for Kalikasan. For comments, email him at secretariat@kalikasan.net.

Share This Post