*Rebyu ng librong ‘Hindi Nangyari Dahil Wala sa Social Media: Interogasyon ng Kulturang New Media sa Pilipinas’ nina Rolando B. Tolentino (editor), Vladimeir B. Gonzales (editor), at Laurence Marvin S. Castillo (editor), at batay sa presentasyonng binasa sa isang webinar noong Nobyembre 17.
Heto ang aking blurb sa libro: “Sulyap sa maikling panlipunang kasaysayan ng internet sa nakalipas na dalawang dekada. Hindi bulag na selebrasyon ng social media at hindi rin pagwaksi sa potensiyal nito bilang espasyo ng posibilidad. Kritikal na pagbaybay sa iba’t ibang salamin ng new media sa lipunan at implikasyon nito para sa karaniwang netizen. Sinuri ang ating virtual na karanasan sa panahon ng trolling at disimpormasyon upang mag-iwan ng mga tanong at aral kung paano ba ang internet ay maging plataporma ng pagbabago at pagbubuo ng komunidad.”
Sa introduksiyon ng libro ay may tanong para sa mambabasa: “Makatotohanan ba ang bagong katotohanang ito?” May ugnay ito sa pamagat ng libro na tinutumbok ang bagong danas sa pag-usbong ng internet bilang popular na midyum. Ano ang totoo – ang offline o online na interbensiyon? Sa bandang dulo ng libro ay babanggitin ang ‘fantasya ng tunay, ang tunay sa fantasya’ na muling magpapaalala sa kumplikasyon ng pagtitilad ng totoo at hindi totoo sa virtual na mundo.
Dahil mabilis ang paglaganap ng disimpormasyon, may bahid ngayon ang laman ng social media. Nagsimula tayo sa ‘hindi nangyari dahil wala sa social media’ pero hahantong tayo sa ‘hindi nangyari dahil nasa social media.’ Bukod sa spam ang laman, bumabaha ng sobra-sobrang impormasyon. Tinukoy din ito sa introduksiyon: “walang lubos na komunikasyon ang nagaganap. Puro ingay dahil wala namang nagkakarinigan.” Kaya isa pang tanong: kung noon ay ‘the medium is the message’; ngayon ba ay ‘the noise is the message.’ Baka sa susunod, the ‘shitstorm is the message’?
Ang pangunahing kalakasan ng aklat ay nasa interograsyon ng ating karanasan sa paggamit ng social media. Hindi lang plataporma ang diin kundi ang kalidad ng komunikasyong nagaganap sa pagitan ng mga indibidwal, ang binubunsod nitong pagbabago sa ugnayan ng mga tao, at ang pangmatagalang ligalig na kaakibat nito.
Ang ligalig na ito ay madalas tinatalakay sa mainstream corporate media na may kinalaman sa ekonomiya, subalit hindi kritikal ang paliwanag at nauuwi pa nga sa nakakaumay na pagsamba sa diumano’y ‘pag-unlad’ na manipestasyon nito. Sa libro, ligalig din ang tema sa kalakhan ng mga artikulo subalit hindi mababaw ang tingin dito ng mga manunulat. Kung paano ang social media ay espasyong nilahukan ng marami kahit ito ay bagong teknolohiya, at mula sa maramihan at kalat-kalat na paggamit nito ay tila hinamon nito ang kalakaran sa ating nakasanayang pamumuhay. Ang libro ay isang proyekto ng dokumentasyon ng dinamikong ito, ng penomenon na nagaganap, kaya nag-iwan ito ng mga tala, aral, at tanong kung paano ba wastong unawain ang kabuluhan ng social media sa ating panahon.
Nasa yugto tayo na kung saan ang internet ay bukas, relatibong kayang ikutan ang censorship, at accessible sa marami. Hanggang kailan ang ganitong sitwasyon ay hindi natin alam. At kahit sa kalagayan natin ngayon ay dinumog na tayo ng samu’t saring cybercrime – sa aking punto de bista ito ay mga krimeng kinasasangkutan ng estado at malaking negosyo, at hindi ng karaniwang netizen.
Gayunpaman, may praktika na tayong nasaksihan, nakagisnan, at tumingkad ang isang virtual community na sinuri ng mga awtor sa libro.
Kaya laging napapanahon ang isang aklat tungkol sa social media. Kailangan natin ng tuluy-tuloy na pagsusuma ng ating karanasan, rebyu ng teorya, at kritika sa pulitika na may kaugnayan sa paggamit ng social media. Mahalaga yan para hindi tayo lamunin ng blackhole ng cyberspace. Baka mamaya pala ang troll na tinutunggali natin ay hindi na ibang tao kundi sarili natin.
Mula 2020 ay pwersadong humaba ang oras na nilalaan ng tao sa internet, bata o matanda, mayaman o mahirap, dahil sa pandemic lockdown. Ano ang nangyari habang tayo ay nasa social media sa panahon ng pandemya? Idugtong ko ang magaganap na halalan sa 2022. Ano ang mangayari sa atin sa social media habang may pandemya at pangangampanya sa halalan?
Sa ganang akin, ang alay ng aklat ay paalala at pag-aaral kung ano ang papel ng social media sa krisis na dinaranas natin ngayon. Kung gayon, ito ay tumpak na materyal upang maunawaan ang iba’t ibang panlipunang ganap na dinadaluyan ng social media.
Ang hashtag bilang marker ng pagpapakilos sa tao, ang balita at disimpormasyon, ang pag-unawa sa mga ‘roque achivists’ at keyboard warriors, ang fandom bilang ‘textual gifters’, ang internet bilang mitsa ng ‘selebripikasyon ng kung sinu-sinong indibiduwal’ at ang kabuntot nitong panganib, paano ang representasyon o self-presentation ng mga indibidwal, ang memes ng isang cultural icon at proseso ng pagdebelop ng magkakatunggaling kahulugan nito, ang silbi ng ‘remediation’ sa panahon ng streaming, ang laro bilang instrumento ng pagpapadaloy ng ideolohiya ng estado, ang pagsilip sa identitad sa paggamit ng iba’t ibang apps, ano ang pribado at hangganan nito sa social media na pampubliko ang katangian, ang intelektuwal bilang persona ng mga pwersang aktibo sa tunggalian sa pulitika, ang aktibismo at ang anyo nito sa internet, at ang hindi inosenteng partisipasyon ng kapitalista sa LAHAT ng ating sinusubok na plataporma at interaksyon gamit ang social media.
Narito tayo sa libro. Bilang netizen na social media ang almusal, freelancer na litong araw-gabi ang pasok sa trabaho, botante, aktibista, artista, konsyumer prosumer, at tagaliklha ng luma at bagong impormasyon, mga humaharap at pinangingibabawan ang mga ‘digital kuyog’, mga indibidwal na naghahanap ng pag-ibig, kilig, at saysay sa buhay.
Samakatuwid, magagamit ang mga sanaysay sa libro upang maging gabay sa masusing pagbasa ng mga trending at viral na paksa sa nakalipas na taon, habang naghahanda tayo sa anumang pakulo na papasabugin ng mga pulitiko sa darating na halalan.
Espesyal din ang libro dahil isa sa mga sanaysay dito ay sinulat ng rebolusyonaryong martir na si Kerima Lorena Tariman. May matalas siyang pagbaybay sa ugnayan ng pulitika at panitikan, at binasag ang mito ng Information and Communications Technology bilang pagbabagong hahamon sa kasamaan ng imperyalismo.
Target tayo ngayon ng mga patalastas at malisyosong kampanya. Mainam na armado tayo ng kaalaman kung ano ang nasa likod ng mga pakanang ito. Ito ay hindi parokyal na usapin dahil ang makinarya ng internet ay pandaigdigan, at ang hinahanap na sagot ay nakasalalay sa kolaborasyon ng mga tao, grupo, at institutsyon mula Silangang Asya hanggang Silicon Valley.
Sa panahon ng pagtanggal ng mga aklat sa aklatan, mabisang kapalit ba ang mga mga babasahin sa internet? Sa panahon na kung saan ang gimik sa pelikulang pinalalabas sa online streaming ay pinapaketeng balita, ang katotohanan ba ng pagnakaw ng MOA Globe ay ipipinal sa social media? Sa panahong ang salita ng pangulo ay marahas na ginamit upang pumatay, kanino maniningil ng pananagutan kung ito ay kumalat sa platapormang nagpapakilala bilang teknolohiyang mapagpalaya?
Maaring hindi lahat ng tanong ay masasagot ng libro subalit komprehensibo ang nilalaman nito at kongkretong suri sa partikular na karanasan ng mga Pilipino nitong nakalipas na dalawang dekada. Ginamit ng maraming awtor sa libro ang teorya ni Jodi Dean tungkol sa komunikatibong kapitalismo at aplikasyon nito sa ating lipunan. Higit pa rito ay naghain ng mahahalagang pagtingin sa mga tila simpleng aktibidad sa internet subalit nararapat palang malalim na unawain at alamin ang kahulugan nito gamit ang lente ng kasaysayan, pulitika, at nakadugtong sa hangaring magkaroon ng panlipunang pagbabago.
Mong Palatino is a Filipino activist and former legislator. Email: mongpalatino@gmail.com