
Ni FLOYD CASTRO
St. Marks United Methodist Church
Awit 19:8, 9, 10, 15
Neh 8:2-4a, 5-6, 8-10
1 Cor 12:12-30
Lk 1:1-4; 4:14-21
Ang kwento mula sa aklat ni Nehemiah ay bahagi ng karanasan ng mga Israelita habang sila, bilang isang bayan ay nagbabalik at bumabangon mula sa isang madilim na karanasan – ang pagkakatapon o pagkabihag. Masakit para sa isang bayang kinikilala ang sarili bilang hinirang ng Diyos ang maitapon sa bayan ng paganong mananakop. Kahit sa panahon ng kanilang pagbabalik sa Judah, naging mapanghamon at mapanganib ang hinarap at hinaharap na mga banta (Nehemiah 4:8).
Pagkatapos na muling maitayo ang pader ng Herusalem sa pangunguna ni Nehemiah, ang mga repatriates (mga pinauwi mula sa pagkakatapon) ay nagtipun-tipon na “parang isang tao” (Nehemiah 8:1, ABTAG2001) upang marinig ang pagbasa ng salita ng Diyos mula sa aklat ng kautusan. Marahil sa kauna-unahang pagkakataon pagkatapos ng mahabang panahon ay narinig nilang muli at naunawaan (Nehemiah 8:8) ang mga salita mula sa kautusan ni Yahweh. Bagamat aklat ng kautusan ang turing, malamang na kasama sa binasa at inunawa ang sariling kasaysayan ng pagliligtas ni Yahweh mula sa pagkakaalipin sa kamay ng mga Egipcio. Ang nakaraan ng kanilang bayan ay personal nilang nararanasan at pinaghuhugutan ng bagong pag-asa.
Pagkabasa ng kautusan, nalungkot ang mga tao sa kanilang narinig, marahil dahil sa kanilang kalagayan ngunit sila ay pinaalalahanan ni Nehemiah na ang natatanging araw ay banal at dapat harapin ng may pagdiriwang at hindi ng kalungkutan o pag-iyak. Kaya’t ang mga tao ay humayo ng may pagdiriwang at kasiyahan. Sila ay kumain at uminom ng may pagbabahaginan (Nehemiah 8:12, MBBTAG). Ang bayan na nagtipon na “parang isang tao”; nakarinig at humugot ng pag-asa mula sa salita ng Diyos ay nagpatuloy sa kanilang pagbangon at pagdiriwang ng may pagkakaisa (solidarity).
Ang tunay na pagbangon mula sa isang krisis kailanman ay hindi maaaring gawin ng may pagkakanya-kanya. Tulad ng pagharap natin sa pandemya, hindi maaaring kumain at uminom ang iba habang patuloy ang pagdurusa ang marami. Napapansin ba natin kung paano tayo hinahati sa iba’t ibang panig tulad ng vaccinated at non-vaccinated (considering na mula noong nakaraang taon ay nakita natin kung paano ipinagdamot ng malalaking bansa ang supply ng bakuna). Dapat bang payagang lumabas ang mga hindi bakunado? Papasakayin ba sila sa mga pampublikong sasakyan at papapasukin sa mga pamilihan at tanggapan? Upang mabawasan ang risk ng hawahan, kailangan daw pigilan ang pagpasok ng mga provincial buses sa Metro Manila – makakatulong din daw ito para lumuwag ang traffic sa mga mayor na kalsada sa Kamaynilaan. Maluwag na kalsada para sa mga may sariling sasakyan, pahirap na pagb-byahe para sa mga wala. Sino ang mas may karapatan sa ayudang galing sa pamahalaan? Kailan natin ma re-realize na ang pagkakanya-kanya ay patuloy na magpapahina sa ating mga pamayanan at magpapahirap sa ating pagbangon?
Noong unang bahagi ng pagkalat ng COVID-19, naging matunog ang slogan/panawagan na “we heal as one”. Kasing kahulugan ito ng aralin mula sa sulat sa mga taga-Corinto, “Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.” (I Corinthians 12:26). Batid natin sa simula na habang may kahit isang bulnerable o nahawa ng virus mula sa ating komunidad, lahat tayo ay bulnerable at maaaring magkasakit. Nag-isolate tayo physically pero nagpatuloy ang pagkakaisa natin sa panawagan para sa social solidarity. Hindi natin maaaring harapin ang krisis ng magkakahiwalay. Wala dapat tayong iwan sa ating pagbangon. Hindi genuine ang pagbangon kung mayroong maiiwan. Ang tunay na better normal ay kapag tulad ng mga Israelita ay magagawa na nating magtipun tipon ng parang iisang tao at magbahaginan ng ating pagkain at pag-inom.
Sa pangwakas, sa diwa ng kaganapan ng misyon ni Hesus na kanyang binasa mula sa aklat ni Isaias (Lukas 4:18-19, MBBTAG), magsama-sama tayong ipanalangin at gawin ang pagpapalaya ng mga bilanggo (mga bilanggong politikal, bilanggo ng kawalan ng katarungan at bilanggo ng pandemya); magbigay liwanag sa mga hirap o hindi makakita (mga biktima ng fake news/misinformation tungkol sa tunay nating kalagayang pang-ekonomiya, pulitika, pangkalusugan at panlipunan); isama na rin natin ang mga advocates at tagapagpahayag ng katotohanang hina-harass at ni r-red tag; pagpapalaya sa mga inaapi (mga biktima ng domestic/gender-based violence, demolition/land grabbing, kahirapan, kawalan ng hanapbuhay at pagbabago ng klima); at ang pagpapahayag ng pagliligtas ng Panginoon para sa lahat.
Balik-Tanaw is a group blog of Promotion of Church People’s Response. The Lectionary Gospel reflection is an invitation for meditation, contemplation, and action. As we nurture our faith by committing ourselves to journey with the people, we also wish to nourish the perspective coming from the point of view of hope and struggle of the people. It is our constant longing that even as crisis intensifies, the faithful will continue to strengthen their commitment to love God and our neighbor by being one with the people in their dreams and aspirations. The Title of the Lectionary Reflection would be Balik –Tanaw , isang PAGNINILAY . It is about looking back (balik) or revisiting the narratives and stories from the Biblical text and seeing ,reading, and reflecting on these with the current context (tanaw).