Balik-Tanaw | Pagbabago Ngayon Na

https://jaggedsmile.wordpress.com/tag/elijah/

Ni DSS RUBYLIN G. LITAO
Rise Up

Ps 71:1-2, 3-4, 5-6, 15-17
Jer 1:4-5, 17-19
1 Cor 12:31—13:13
Lk 4:21-30

Ang gawain ni Hesus ng pangangaral ay kanyang ipinagpatuloy sa Nazareth kung saan nandoon ang kanyang mga kababayan kasama ang mga guro ng temple. Mga gurong kilalang eksperto sa mga katuruan ng kanilang mga ninuno sa konteksto ng kasaysayan ng mga Hudyo. Mga gurong feeling na angat sa lahat dahil sa kanilang kaalaman. Namangha ang lahat kay Hesus sa mga pangangaral at kaalaman tungkol sa mga kasulatan ng mga naunang propeta, lalo na ng kanyang sinabi, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.” (Lukas 4:21). At ang mga sumunod na pangangaral na katunayang may malalim na kaalaman si Hesus sa mga propeta: …”maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa dinami-dami ng mga may ketong[b] sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria.” (Lukas 4: 25 -27)

Magkahalong galak at pagmamaliit kay Hesus ang naging reaksyon ng mga nakikinig sa kanya.

Galak sa mga taong may pagkilala kay Hesus bilang dakilang guro at manggagamot lalo na iyong mga sumusubaybay sa kanyang mabubuti at makataong gawain. Pagtuturo at pagpapagaling sa mga taong dumadanas ng gutom, kahirapan, sakit/illness, na hindi pinapansin ng mga eksperto. Si Hesus na tumutugon sa mga hinaing ng tao at hindi alintana ang mga batas na nagpipigil para sa kagalingan ng mga balo, bata, may ketong at maging ng mga makasalanan.

Pagmamaliit sa mga pahayag ni Hesus ang naging reaksyon ng ilan sa mga nakikinig lalo na marahil ang mga eksperto ng kasulatan dahil bilib na bilib sa kanilang sarili at alam nila ang kanilang kasaysayan para sa pagpapanatili ng kanilang pwesto at kapangyarihan. Samantalang heto si Hesus na anak ng hamak na karpintero ang mangangaral sa kanila! Malaking insulto at banta si Hesus.

Para mapagtakpan ang kanilang sariling interes ay tinuya, hinaras at pinagtangkaang patayin si Hesus. “Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinatatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. (Lukas 4: 28-29)

Ano ang mensahe ng ebanghelyo na ito sa atin bilang mamamayan na nasa panahon ng krisis dulot ng pandemya, pagkawasak dulot ng kalamidad, pagpaslang sa mga maralita sa ngalan ng war on drugs, pagkitil sa buhay at karapatan ng mamamayang nagpapahayag para sa katarungan?

Humaharap ang ating bayan sa isang proseso ng pambansang halalan na umaasang may pagbabago at ginhawa para sa atin lalo na ang mga magsasaka, manggagawa, maralitang pamayanan na dumadanas ng palpak na tugon ng pamahalaang Duterte sa krisis na ating nararanasan. Malaganap na kahirapan, korupsyon sa panahon ng pandemya, paggamit ng Anti-Terrorism Law para supilin ang mga organisasyon at mamamayang nakikibaka at nagpapahayag para sa kapayapaan at katarungan.

Kakaiba ang panahong ito na malaki ang pag-asa ng mamamayan para sa pagbabago sa proseso ng halalan. Tayo bilang mga makabayang Kristyano ay may pagkakataon at pananagutan na mag pahayag ng katotohanan. Una na dito ang madilim at malaganap na paglabag sa karapatan ng mamamayan na siyang katotohanan noong panahon ng martial law dagdag pa dito ang malaganap na mga fake news na “golden years” daw ni Marcos.

Tulad ni Hesus na hindi nangiming harapin ang nasa kapangyarihan upang ipahayag ang mabuting balita sa mga mahihirap, paglaya sa mga bihag at palayain ang mga inaapi. (Lukas 4:18) Buhay man ang naging kapalit.

Nawa ang pag ibig sa ating bayan at kapwa ang magbigay ng pag-asa para patuloy nating unawain ang kalagayan, pakikibaka at pagkilos ng inaaping mamamayan para sa pagbabago ng kasalakuyang sistema ng ating lipunan. (https://www.bulatlat.com)

Balik-Tanaw is a group blog of Promotion of Church People’s Response. The Lectionary Gospel reflection is an invitation for meditation, contemplation, and action. As we nurture our faith by committing ourselves to journey with the people, we also wish to nourish the perspective coming from the point of view of hope and struggle of the people. It is our constant longing that even as crisis intensifies, the faithful will continue to strengthen their commitment to love God and our neighbor by being one with the people in their dreams and aspirations. The Title of the Lectionary Reflection would be Balik –Tanaw , isang PAGNINILAY . It is about looking back (balik) or revisiting the narratives and stories from the Biblical text and seeing ,reading, and reflecting on these with the current context (tanaw).

Share This Post