a
‘Hahamakin ang Lahat’: Rebyu sa Dulang ‘O Pag-ibig na Makapangyarihan’

An intense scene during the play O Pag-Ibig na Makapangyarihan (Photo by Lito Ocampo)

Published on Mar 19, 2025
Last Updated on Mar 19, 2025 at 11:44 am

Akma na ang pangalan ng kapapalabas na dula ni Bonifacio Ilagan ay hango sa dakilang obra ni Francisco Balagtas dahil pinahiwatig agad sa manonood na may mas malalim pa itong pakahulugan. Hindi ba’t sa Florante at Laura ay naunang tumingkad ang kwento ng pag-iibigan bago tumagos ang puna ng may-akda sa pamamahala ng mga Kastila?

Wala namang ikinubling mensahe sa dulang ‘O Pag-ibig na Makapangyarihan’ na patungkol sa pagmamahalan ni Gregoria de Jesus o Oryang at Andres Bonifacio na lider ng Katipunan; subalit higit pa rito ang inalay nitong aral. Sa kabuuan, ipinamalas ng dula ang ugnay ng pag-ibig at pakikibaka at kung paano nito hinuhubog ang ating buhay at binabago ang mga indibidwal sa lipunan. 

Ang pokus ng unang bahagi ng produksyon ay ang pag-igpaw sa paghadlang ng mga magulang ni Oryang na siya ay makipagmabutihan sa isang Mason. Pamilyar ang naratibo para sa maraming Pilipino: Nagkakilala ang isang dalaga at binata, mahigpit na tinutulan ito ng pamilya, pinaglayo ang magkasintahan subalit pinaglaban nila ang kanilang pag-iibigan (sa kaso ni Oryang at Andres, ang una ang gumawa nang mas epektibong interbensyon upang kumawala sa restriksyon ng pamilya), at sa huli ay natuloy ang kasalan.

Sa ikalawang bahagi naman ng produksyon, ipinakita ang pag-usbong ng pagmamahalan ni Oryang at Andres habang sumusulong ang anti-kolonyal na rebolusyon. Kung taong 1893 (bagong tatag pa lang ang Katipunan o tatlong taon bago ang pagsiklab ng armadong pag-aklas ng mamamayan) ang saklaw ng unang bahagi ng dula, ang huling bahagi ay inabot ang pagsabog ng himagsikan at hihirangin si Oryang bilang ‘Lakambini ng Katipunan’. 

Kung mabagal ang takbo ng mga kaganapan sa taong 1893 at tila mga payak lang na personal na tunggalian ang nireresolba, ang ikalawang kabanata ng dula naman ay mabilis ang pag-usad ng kuwento na sinalamin ng magalaw na aksyon ng mga artista sa entablado, samantalang ang romantikong naratibo ay nakapailalim sa umaapoy na pagdaloy ng rebolusyong Pilipino. 

Sa isang punto ng produksyon ay binanggit ang isang pahayag ng Marxistang si Che Guevara tungkol sa kung paano ang isang rebolusyonaryo ay ginagabayan ng diwa ng pag-ibig. Kung huhugot pa tayo ng isang aral mula sa produksyon, angkop ang sinulat ni Lenin ng Russia tungkol sa mga dekadang lumilipas na walang nangyayari, at mga araw na deka-dekada ang mga kaganapan.* 

Ito ang ipinaramdam sa produksyon: nagsimula sa tradisyunal na tema ng dayalogo at tumungo sa rumaragasang indak ng paglaban. Sa kapwa pag-ibig at pagrerebolusyon, may panahon ng mahabang patlang ng kawalang-katiyakan, at sa isang iglap ang mga sandali ay hitik ng mga subersibong potensiyal. 

Pinaksa rin sa dula ang dikotomiya ng repormismo at rebolusyon. Tampok ito sa palitan ng pagtingin ng mga kasapi ng Katipunan, subalit si Oryang na hindi bahagi ng eksena, ang nagpamalas kung ano ang papel ng paggiit ng karapatan ng isang tao bilang tuntungan upang higit na tumibay ang pag-unawa sa kawastuhan ng pagrerebolusyon. Hindi ba’t ang kanyang pagsulat ng petisyon sa gobernadorcillo upang ipaalam ang kanyang sinapit ay isang kongkretong halimbawa kung paano sinusulong ang kilusang reporma? Hindi lang siya nagtagumpay dahil nagbigay-daan din ito upang makalahok siya sa rebolusyong pinamunuan ng Katipunan. 

Nagpapaalala ito na may ambag ang paglaban para sa mga karapatan at repormang nasa mandato ng mga awtoridad na kilalanin, at bahagi ito ng politikal na edukasyon ng mamamayan at pagpapalakas ng kanilang pagsandig sa kritikal at mapanlabang diwa. Ang mainam kay Oryang ay hindi rito natapos ang kanyang politikal na pakikisangkot at kalaunan ay inangkla na sa kolektibong pagbabago ang adhikain. 

Ang kanyang mapatang na pagsulat para iprotesta ang kanyang kalagayan ay hudyat ng kanyang katalinuhan, pagiging bukas sa radikal na pananaw, at kahandaang sumabak sa mas mapupusok na pakikibaka. Maaaring karaniwan ngayon ang pagsumamo sa mga opisyal subalit sa taong 1893, ang isang dalagang sinusuplong ang pamilya upang makapiling muli ang kanyang iniirog ay isang uri ng paghamon sa pyudal na kaayusan. 

Mapanganib at susuong sa landas na walang liwanag ang pagsulat ni Oryang subalit binigay nya ang lahat-lahat sa kanyang pagtaya (wager), at mula dito ay si Andres at pamana ng rebolusyong Pilipino ang kanyang yamang inani. Ito ang kapangyarihan ng pag-ibig na tinutukoy ng dula. Tinumbok din nito ang pagtaya ni Oryang at ng mga kasapi ng Katipunan na sa pagsulong ng rebolusyon ay makakamit ang kalayaan ng lipunan. 

Ika nga ni Balagtas, hahamakin ng pag-ibig ang lahat. Ganito rin sa pagrerebolusyon. Walang kawala ang mga indibidwal at nagtutunggaling uri sa lipunan. Ang mga tahimik at kimi ay hahawak ng sandata. Ang mga mag-asawa, pamilya, at mga komunidad ay mahahagip ng pagsulong o pag-atras ng himagsikan. Ang ilan sa mga kaaway ngayon ay maaaring makabig sa panig ng paglaya. Sa dula, ang guardya sibil na bumisita sa tinutuluyan ni Oryang ay makikita sa ikalawang bahagi ng dula bilang kawal ng mga rebolusyonaryo.  

Nagawang magpasok ng mga kontemporaryong salita sa dula dahil ang tema ay patungkol sa unibersal na aral ng pag-ibig at pakikibaka. Dagdag dito ay tinahi ang ugnayan ng paglaban noon at ang mga hamong kinakaharap ng mga progresibo ngayon. Maaaring magkakaiba ang konteksto ng mundo nina Balagtas, nina Oryang at Bonifacio, at ng kasalukuyang panahon subalit ang katotohanan at kawastuhan ng umibig at lumaban nang wagas ay laging kapupulutan ng aral. 

Nakakapanlumo ang mga nangyayari ngayon at ang samu-saring imahen at teksto ng politika sa bansa ay nakakadagdag sa kalituhan ng tao. Sa araw ng panonood ng dula, laman ng balita ang pagkasawi ng isang piloto na ikakasal dapat ngayong buwan bago ang trahedyang kinasadlakan sa isang misyon na dapat ay magbabagsak ng bomba sa kanayunan sa Mindanao bilang bahagi ng operasyon laban sa New People’s Army. Binandila sa balita ang naunsyaming pag-iibigan at mga pangarap sa buhay. Salamat sa dulang “O Pag-ibig na Makapangyarihan” at sinariwa sa atin ang dakilang buhay at pagmamahalan ng mga rebolusyonaryo at kung bakit dapat patuloy na itanghal ang kanilang kuwento bilang pantapat sa mga pwersang inaangat ang kontrarebolusyon bilang pamantayan ng tama at nararapat.  

SUPPORT BULATLAT.

BE A PATRON.

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

Ads

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

MORE FROM BULATLAT

Pin It on Pinterest

Share This