NI TERENCE KRISHNA LOPEZ
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 31, September 9-15, 2007
mananahan habang buhay
sa ating mga isipan
ang kanilang mga alaala
mga pangalan
mga mukha
mga mukhang walang pangalan
na ngayo’y hindi na natin mahagkan
masulyapan
o madampian man lamang ng ating mga kamay.
mga kaibigan
mga kapatid
asawa
anak
kasintahan
kasama
na gaya natin ngayo’y
sumigaw
bumulong
lumahok
lumaban
nagpumiglas
at tulad ng mga sa atin ay susunod
patuloy tayo
sa pagsigaw
paglahok
paglaban
pagpupumiglas
hanggang sa pagdating ng mga sandaling
mga sigaw at bulong nati’y
hangin na lamang ang makaririnig
patuloy pa rin
hanggang sa
ang ating kahapon at ngayon
tatagpi
sa bukas
at laya’y
ganap
hanggang wakas.
Inilathala ng Bulatlat








0 Comments
Trackbacks/Pingbacks