Nauulit sa mga leksyon ng Influenza Pandemic ng 1918 ang kasalukuyang hamon na kinakaharap ng daigdig ukol sa COVID 19. Tila nagiging hadlang ang di maagap na pagtugon ng pamahalaan sa pagkalat ng sakit. Ang pagtapyas sa badyet sa kalusugan; ang kakulangan ng personnel at pasilidad na haharap sa pagkalat ng sakit; ang turuan at sisihan ng mga pinuno sa kung sino ang dapat na responsable sa pangunguna sa pagsugpo nito; ang racistang pananaw sa pagkakasakit; at ang kakulangan sa pagkilala sa epektibong sistema ng kwarantena ang tila nag uulit sa panganib sa kabuuan ng populasyon sa pagkalat ng sakit.