1918, sa panahong nagtatapos na ang Unang Digmaang Pandaigdig ng mga imperyalistang bayan, sumiklab ang isa sa pinakamalawakang pandemic sa makabagong kasaysayan ng sangkatauhan. Ang influenza pandemic ang isa sa pinakamalawakang sakit na kumalat sa daigdig. Halos 50 milyong katao ang namatay sa influenza pandemic noong 1918 at 1919. Sinasabing mas maraming namatay sa influenza sa isang taon kaysa sa namatay sa bubonic plague noong Middle Ages sa isang dantaon. Higit na marami ang namatay sa pandemic sa loob ng unang 25 linggo simula nang kaysa sa AIDS sa loob ng 25 taon.
Isa sa kapuna-punang katangian ng paglawak ng pandemic ay ang paggiit ng mga mamamayan na hindi nila ito sakit at ibang mamamayan ang naaapektuhan nito. Tinawag itong Spanish influenza ng mga kasangkot sa digmaan. Maraming nagsasabi na dahil na rin sa geo-estratehikal na interes ng mga nagdidigma, sinabi nilang hindi nila ito sakit at maraming pagkakataon na sinusupil ang impormasyon sa mga nakikidigmaang bayan para hindi manlumo ang mga tatamaan nito sa digmaan at pagkakasakit. Dahil neutral na bayan sa unang digmaang pandaigdig ang Espanya, naging bukas ito sa paglalathala ng lahat ng balita, kahit na ang mga balitang medikal. Ito ang dahilan kung bakit ito tinawag na Spanish influenza. Kung minsan pa nga, ang tawag na Spanish lady, na tila ginawang sanhi ng pagkakasakit ang mga kababaihan.
Nang kumalat ito sa iba’t ibang teritoryo, iba-ibang katawagan din ang itinuring dito, para patunayang hindi ito sakit ng mga bansang naaapektuhan. Ang mga Ruso ang isa sa unang tumawag sa sakit bilang Spanish influenza o Spanish lady. Tinawag itong sakit ng mga Rusong Turko nang mailathala ito sa Espanya. Dahil may ilang manggagawang Tsino na naobserbahang nagkasakit nito nang maobserbahan ito sa France, tinawag ito ng mga Pranses bilang Chungking fever. Samantalang tinawag naman itong Flanders Grippe ng mga Briton. Sa kabilang banda, tinawag naman itong Blitzkatarrh ng mga sundalong Aleman. Sa Malay Peninsula, tinawag din itong Chinese flu o Caucasian fever. Mahalaga ang ganitong pagtingin dahil sa pagsambulat ng nakakahawang sakit, ang pangtanggi na maaapektuhan ang sariling pamayanan o ang pagwawalang bahala sa maaaring idulot nito sa sariling populasyon ang isa sa mga dahilan ng mabilis na pagkalat nito. Dahil itinatanggi ng mga pamayanan na kanilang sakit ito, at ibang tao ang naaapektuhan, ang agarang reaksyon upang malunasan ang sakit at mapigilan ang pagkalat nito ang isa sa dahilan ng pagkabigo ng pagsugpo ng pandemic.
Malaking bahagi ng populasyon ang naapektuhan ng pandemic nang umabot ito sa Pilipinas. Una itong naitala sa Maynila at mabilis na kumalat sa ibang bahagi ng kapuluan. Halos 85 libong mamamayan ang namatay sa sakit na ito sa loob ng mga taong 1918-1919. Halos dumoble ang kabuoang crude death rate ng bansa mula 22.89 ng 1917 tungong 40.79.
Ilan sa mga dahilan ng mataas na bilang ng mga namatay sa kapuluan ang nabanggit ng mga opisyal na ulat at mga tala ng mga propesyonal pangmedikal. Una, kakaunti ang personnel na naitalaga sa kapuluan sa panahon ng kasagsagan ng pandemic. Maraming mga doktor at nars ang namobilisa sa kolonyal na pagkakasangkot ng Amerika sa digmaan. Ang ilan namang mga doktor at pinunong medikal ang nagretiro nang maaga o umalis sa paglilingkod dahil sa ‘di pagsang-ayon ng mga ito sa patakaran ng Pilipinisasyon ng burukrasya at mga ospital. Kahit na ang regular na bilang ng mga doktor para sa mga karaniwang sakit ay kulang na, lalo pa itong nagkulang nang sumambulat ang epidemya sa bansa.
Naging pagkakataon din ito ng pagsisisihan ng mga pinunong medikal sa bansa sa kung sino ang dapat na managot at ang responsable sa malalang sitwasyon ng epidemya. Sinisi ng mga Amerikanong doktor ang mga Pilipinong doktor sa itinuturing nilang kawalan nito ng kakanyahan at kaalaman sa pagsugpo ng sakit. Sinabi pa nga ni Dean Worcester, na may puntong racista, na hindi na angkop sa mga pasyenteng Caucasian ang Philippine General Hospital at iba pang hospital sa Pilipinas. Nag-away-away din ang mga burukrata sa kung sino ang dapat mamamahala sa anong institusyon. Nasa ilalim ng Secretary of Interior ang Philippine General Hospital samantalang nasa ilalim naman ng Department of Public Instruction ang Bureau of Health. Hindi malaman ng mga ahensyang ito kung sino ang mangunguna sa kampanya at kung paano ang organisadong pamamaraan sa pagsugpo ng sakit.
Mahalaga rin ang papel ng mobilisasyong militar sa panahon ng epidemya. Kahit na patapos na ang unang digmaang pandaigdig, pinilit pa rin ng kolonyal na pamahalaan na magrekrut ng mga sundalong Pilipinong ipapadala dapat sa larangan ng digma sa Europa. Dahil kulang sa pagsasanay, tinipon ang mga ito sa Camp Claudio sa timog ng Maynila at doon isinakatuparan ang paghahanda sa pakikidigma. Hindi natuloy ang malawakang pagpapadala ng mga sundalong Pilipino sa larangan ng digma at ilan sa kanila ang nagkasakit habang nasa pagsasanay. Ang ilang mga sundalong ito ang naging tagapagdala ng sakit nang pauwiin sila sa kani-kanilang mga bayan nang hindi matuloy ang pagsabak nila sa digmaan. Huli na nang idineklarang lugar ng quarantine ang Camp Claudio at ang mga karatig nito. Kahit itinuring na extra cantonment zone ang kampo, pati ang ilang bayan sa Rizal at Cavite na katabi nito,
Isang malaking aspekto din ng paglala ng pagkakasakit ang kakulangan ng epektibong pamamaraan sa pagkwarantina sa mga sakit, upang hindi na ito makahawa sa mga walang sakit, at matugunan ang medikal na pangangailangan ng mga taong dinapuan nito. Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ilang mga quarantine stations ang itinatag sa Mariveles, Iloilo at Cebu upang tugunan ang hamon ng pagkalat ng epidemya. Ilang istasyon ng inspeksyon para sa mga dumadaong na sasakyang pandagat din ang itinatag upang makapagmonitor kung ang mga lulang pasahero nito ang nagkakasakit o nagpapakita ng ilang sintomas ng pagkakasakit. Subalit sa karanasan ng Influenza pandemic ng 1918, ilang suliranin ang kinaharap ng mga ganitong institusyon. Kumalat ang sakit kahit na dapat na napigilan ito ng sistema ng kwarantenas. Kinulang ang pondo, ang mga personnel at ilang gamit para epektibong masugpo ang pagkalat ng epidemya.
Nauulit sa mga leksyon ng Influenza Pandemic ng 1918 ang kasalukuyang hamon na kinakaharap ng daigdig ukol sa COVID 19. Tila nagiging hadlang ang di maagap na pagtugon ng pamahalaan sa pagkalat ng sakit. Ang pagtapyas sa badyet sa kalusugan; ang kakulangan ng personnel at pasilidad na haharap sa pagkalat ng sakit; ang turuan at sisihan ng mga pinuno sa kung sino ang dapat na responsable sa pangunguna sa pagsugpo nito; ang racistang pananaw sa pagkakasakit; at ang kakulangan sa pagkilala sa epektibong sistema ng kwarantena ang tila nag uulit sa panganib sa kabuuan ng populasyon sa pagkalat ng sakit. Ang kawalan ng kamulatan sa seryosong usapin ng kalusugan bilang karapatan ng mga mamamayan, at ang kakulangan ng koordinasyon ng mga institusyon ng pamahalaan ang ilan sa mga kalagayang nagpapatunay na maaaring maging malala ang pagkalat ng sakit sakaling maramihan at malawakan itong dumating sa kapuluan.
*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.
Ref.
Francis A. Gealogo. 2009. “The Philippines in the World of the Influenza Pandemic, 1918-19,” Philippine Studies, 57, 261-92