Kumpara sa ibang lugar sa Metro Manila, totoong masayang manirahan sa Marikina. Pero kailangan pa ring ipaglaban ang pag-unlad para sa karamihan.

Sadyang masayang manirahan sa tinaguriang Shoe Capital ng Pilipinas.
Siyempre’y maraming sapatos na mapagpipilian. Mas mura sa palengke pero mayroon din naman sa mga mall. May sariling gusali rin ang mga “sosyal” na tatak tulad ng Otto at Rusty Lopez. Siyempre’y mas mahal ang sosyal. Mas matibay ba ang mahal kumpara sa mura? Simple lang ang sagot: May sorpresang resulta sa matiyagang pag-iikot sa palengke!
Pero higit pa sa sapatos ang Marikina. Malinis ang paligid sa pangkalahatan. Medyo maluluwag ang mga bangketang nalalakaran. Sa katunayan, ang siyudad ay para sa mga mahilig maglakad o magbisikleta. Kaya huwag magulat kung maraming residenteng gumigising nang maaga para mag-jogging o mag-biking.
Sa oras ng almusal, tanghalian, hapunan o kahit simpleng meryenda, may mapupuntahan ang mga tinatamad magluto sa bahay. Napakarami kasing makakainan, lalo na sa kahabaan ng mga kalyeng Lilac at Gil Fernando. Lutong Asyano, Amerikano o Europeo? May mapagpipilian ang kahit maselang panlasa kaya dinarayo ang mga kainan sa Marikina lalo na kung payday. Pero may isang putaheng malamang na magpapangiti sa tinaguriang tunay na Marikenyo: Everlasting.
Hindi perpekto pero sinisikap na maging inklusibo. May mga kalyeng hindi man masyadong maluwag ay may bicycle lanes naman. May mangilan-ngilan ding kalyeng para lang sa bisikleta.
Kahit na mayroon pa ring sumusuway sa mga alituntunin, may sistema pa rin naman sa iba’t ibang bagay tulad ng waste management, street parking at traffic flow. Kapansin-pansin ang maayos na sistema noong panahon ng pandemya dahil may sapat na impormasyong ipinamahagi sa bakuna at ayuda. At ngayong tag-ulan, maayos din naman ang isinagawang evacuation sa mga apektadong lugar.
Ang wagas na binabaha noon, hindi na masyadong malala ngayon. Pero may pagbaha pa rin sa ilang lugar, lalo na sa pinamamahayan ng mahihirap. Ligtas na ang Provident Villages na inabot hanggang bubong ang baha noong 2009. Pero panibagong problema sa lugar na ito ang planong pagpuputol ng maraming matatandang puno para magtayo ng isang tulay. Buti na lang at tinutulan ito ng maraming residente.
“Cherished ecological treasures” ang terminong ginamit ng isang opisyal ng homeowners association. Kung sabagay, hindi dapat kinokompromiso ang kapaligiran kapalit ng diumanong kaunlaran. Sino ba kasi ang makikinabang sa kaunlarang kinokompromiso ang ekolohiya ng lugar? Hindi ba’t layunin lang ng mga mayaman ang lalo pang magkamal ng yaman?
May ganito ring isyu sa isang malaking mall sa Marikina na nagbukas halos 10 taon na ang nakaraan. Maraming punong nawala para itayo ang mahigit 10,000 square meters na estruktura. Inireklamo rin ng maliliit na negosyante ang paghina ng suplay ng tubig, bukod pa sa pangkabuuang paghina ng negosyo. Sa katunayan, maraming nagsara dahil nalugi. Mayroon mang pikit-matang kumuha ng puwesto sa malaking mall, napilitan ding umalis dahil hindi nakayanan ang napakataas na renta.
Muli, para kanino ba ang tulay, mall at iba pang estrukturang nagreresulta sa pagkawala ng mga puno’t halaman? Kahit na may ginagawa naman ang pamahalaang lokal para panatilihin ang mga lumang parke, kailangan pa ring mapigilan ang pagsasamantala ng mga mayaman at makapangyarihan.
May bahagi ng Gil Fernando na sinasara tuwing Linggo ng umaga para makapaglaro ang mga bata at makapag-Zumba ang mga hindi na. Pero mula Lunes hanggang Sabado, nariyan pa rin ang trapik at usok mula sa sanlaksang sasakyan. Ang kalahating araw na kasiyahan ng pamilya ay pansamantalang pagtakas lang sa araw-araw na kalbaryong bunga ng mapagkunwaring pag-unlad.
Kumpara sa ibang lugar sa Metro Manila, totoong masayang manirahan sa Marikina. Pero kailangan pa ring ipaglaban ang pag-unlad para sa karamihan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com









0 Comments