Isang Malaking Kumpanya ng Kape, Gatas At Tsokolate, Walang Pangalan

Ni Michael Francis C. Andrada

I.
Nang ibalita ng ABS-CBN ang pagpaslang kay Ka Fort,
tila napaso ang dila ng istasyong nag-aastang
naglilingkod sa sambayanan. Diumano, ang niratrat ng
mga bala ay isang lider-manggagawa ng isang unyong
nakawelga sa planta sa Laguna ng “isang malaking
kumpanya.”

Magtataka ka pa ba kung bakit matapos ang balita ng
istasyong-tahanan ni Big Brother ay sumunod ang mga
patalastas ng kape, gatas, creamer, at tsokolate ng
Nestle?

Anong malaking kumpanya ang walang ipinamumutawing
pangalan?

II.

Minsan, may nagsabing hindi naman masama ang
kapitalismo. Na ang kasalanan ng mga kapitalista ay
maikakategorisa bilang “corporate irresponsibility.”

Minsan, may humabol pa: dapat magpasalamat ang mga
manggagawa sa nasabing malaking kumpanya dahil sila’y
binibigyan ng trabaho. Kahit kakarampot ang suweldo.
Dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas ngayon, masuwerte
na kung maempleyo ka, kahit subkontraktwal.

Ngunit ang hindi naililinaw ay ito mismo ang
responsibilidad ng kapitalismo: ang gumanyak ng
mamimili, ang lumikha ng pinakamaraming produkto sa
pinakamurang halaga ng paggawa upang lumikom ng
pinakamalaking kita.

Anong malaking kumpanyang kumikita ang walang
ipinamumutawing pangalan?

III.
Ang pagkatuso ng kapitalismo ay nagiging sining ng
paghalo sa “reyalidad” ng patalastas: na siyang
dumadaklot sa tao: tulad ng pagkutsarita mula sa
pakete ng instant black coffee patungo sa mainit na
katawan ng tubig: tulad ng pagkutsarita ng Nestle sa
maghapong pagpapakakuba ng mga katutubo, magsasaka’t
manggagawa.

Sa patalastas, hindi natutunghayan ang reyalidad ng
sistematikong pang-aalipin. Ang tanging nakikita ay
ang panghahagip ni Alex Compton sa babaeng iniirog sa
pamamagitan ng creamer ng isang malaking kumpanya. Ang
tanging nakikita ay ang pagnanais ng sanggol hindi sa
gatas ng sariling ina kundi sa gatas na ikinulong sa
lata.

Anong malaking kumpanya ang walang ipinamumutawing
pangalan?

IV.
Ito ang kabatiran:

Hindi ipinamumutawi ang pangalan ng isang malaking
kumpanya kung nababanlian siya ng mainit na kape, kung
nakukulong siya sa sariling lata ng gatas, sa sariling
plastik na kulungan.

Lalo’t higit kung may nakalalabas sa lata’t plastik na
piitan.

Dahil sa kapitalistang sistema, ang manggagawa’t
kapitalista’y hindi gatas at kape.

Dahil sa kapitalistang sistema, ang hindi nakikita ng
mata, nalalasahan ng dila.

Anong malaking kumpanya ang walang ipinamumutawing pangalan?

(Bulatlat.com)

Share This Post