Pagtawid

NI MARK ANGELES

Nagtipon silang mga bigkis ng talahib
sa parangal ng isang nagbuwis ng buhay.
Tulad nila, siya’y humarap sa panganib.

Kinuyom ang kamay sa kanilang pag-awit:
animo’y may gatilyo silang sinasalang.
Nagtipon silang mga bigkis ng talahib.

Itinuring nilang ina ang tumatangis
sa kanyang anak at gayong walang pangalan
tulad nila, siya’y humarap sa panganib.

Huli nilang tunghay sa kanilang kapatid
na tumugon sa anyaya ng kabundukan.
Nagtipon silang mga bigkis ng talahib.

Tinawid ang dilim at nilukso ang tubig;
binaklas niya ang langib sa kanyang malay
tulad nila. Siya’y humarap sa panganib.

Ngayong gabi, alaala niya’y itawid
sa nikeladong landas ng kawalang-hanggan.
Nagtipon silang mga bigkis ng talahib.
Tulad nila, siya’y humarap sa panganib.

Mark Angeles was elected vice president for Luzon of the College Editors Guild of the Philippines and is a member of Kilometer 64, a progressive group of young poets.

(Bulatlat.com)

Share This Post