Ang Subic Rape Case: Tungo sa Paghusga sa Visiting Forces Agreement

Mula 1947 hanggang 1991, sa higit tatlong libong naiulat na krimeng nagawa ng mga hukbong Kano dito sa bansa, wala ni isang kaso ang umabot sa hukuman at nalitis at nakapaghatol laban sa mga nagkasalang sundalo ng Estados Unidos, kabilang na ang mga krimeng karumaldumal.

Ni Roland G. Simbulan*
Propesor sa Development Studies at Public Management at Faculty Regent, University of the Philippines
Inilathala ng
Bulatlat.com

Lubos kong ikinagagalak at ikinararangal ang maimbitahan ng Union of Journalists of the Philippines-UP Diliman at ng Nicole Information Bureau, Task Force Subic Rape, na talakayin ang Subic Rape Case sa Konteksto ng Relasyong RP-U.S..

Ang patakarang panlabas ay makapangyarihang instrumento ng pamahalaan na determinadong mapabuti ang kaunlaran at seguridad ng kanyang bansa. Sa puntong ito ng ating kasaysayan, at higit kailanman, ang ating pambansa at panlabas na patakaran ay dapat may iisang layunin: ang muling pagbawi sa buong pamamalakad ng mga Pilipino sa sariling yamang pambansa (likas, yamang paggawa, pinansyal, estado, atbp.) upang tayong mga Pilipino ang makatukoy, nang may buong ganap na kapangyarihang pambansa, ng ating landas tungo sa pag-unlad na siyang magsisiguro ng pinakamataas na kapakanan para sa pinakamaraming bilang ng mga Pilipino.

Ang patakarang panlabas ay dapat maging instrumento para sa pambansang kaunlaran at karapatan sa sariling pagpapasya , hindi ang maging sandata ng pagsuko. Noon pa man, marami nang mga administrasyon sa Pilipinas ang sumunod sa mga itinatakda ng mga tagapagtaguyod ng imperyalismo at lumunok ng mga lasong nagpapanggap na gamot na inihahain ng tambalang IMF-World Bank at nagkaroon ng grabeng epekto sa ating pambansang ekonomiya at nagbunga ng higit pang di pagkakapantay-pantay at kahirapan. Ang mismong pundasyon ng isang malayang patakarang panlabas ay, sa katotohanan, nasulat na sa 1987 Saligang Batas ng Pilipinas na nakabatay sa mga prinsipyo ng sariling pagkakilanlan, kawalan ng banyagang panghihimasok, demilitarisasyon at denukleyarisasyon.

Malinaw ang mga itinatalag ng 1987 Konstitusyon hinggil sa ating patakarang panlabas. Nakasaad sa Artikulo II, Seksiyon 2, 7, 8 at 19 ang pangkalahatang direksiyon ng ating relasyong panlabas.

“Seksyon 2: Itinatakwil ng Pilipinas ang digmaan bilang kasangkapan ng patakarang pambansa, tinatanggap bilang bahagi ng batas ng bansa ang mga simulain ng batas internasyunal na kinikilala ng lahat at umaayon sa patakaran ng kapayapaan, pagkakapantay pantay, katarungan, kalayaan, pakikipagtulungan sa lahat ng bansa.”

“Seksyon 7: Dapat sundin ng Estado ang isang malayang patakarang panlabas sa mga pakikipag-ugnayan nito sa ibang mga estado, dapat unang-unang isaalang alang ang ganap na kapangyarihang pambansa, integridad na teritoryal, kapakanang pambansa, karapatan sa sariling pagpapasya.”

“Seksyon 8: Tinatanggap at sinusunod ng Pilipinas nang alinsunod sa kapakanang pambansa, ang patakarang malaya laban sa pagkakaroon ng mga sandatang nuclear sa teritoryo nito.”

“Seksyon 19: Dapat bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakakatayo sa sarili at malaya na epektibong kinukontrol ng mga Pilipino.”

Tinitiyak ng Saligang Batas ang gampanin ng Kongreso at pagiging bukas ng proseso ng paggawa ng tratado gaya ng sinasaad sa Artikulo VII, Seksyon 21:

“Hindi dapat maging balida at maybisa ang anumang tratado o kasunduang internasyunal nang walang pagsang-ayon ng dalawang-katlo (2/3) man lamang ng mga kagawad ng Senado.”

Sa Artikulo XVIII sa Transitory Provisions, Seksyon 25, isinasaad nito na: “ Sa pagwawakas sa 1991 ng Kasunduan ng Republika ng Pilipinas at Estados Unidos tungkol sa mga Base Militar, ang mga dayuhang base military, mga tropa o mga pasilidad ay hindi dapat pahintulutan sa Pilipinas maliban sa ilalim ng mga termino ng tratado na kinatigan gaya ng nararapat sa Senado at kung hinihingi ng Kongreso, ay niratipikahan ng mayoryang boto ng mamamayan sa isang reperendum na iriraos para sa layuning iyon at kinilalang tratado ng kabilang panig ng naikipagkasundong Estado.”

May mga probisyon rin tayo na nauukol sa ating diplomasyang pang-ekonomiya. Sa Artikulo XII,sa pambansang ekonomiya at patrimonya:

“Seksyon 1: Ang mga tunguhin ng pambansang ekonomiya ay higit pang ekwitableng pamamahagi ng mga pagkakataon, kita, at kayamanan, sustinadong pagpaparami ng kalakal at mga paglilingkod para sa kapakinabangan ng sambayanan at lumalagong pagkaprodukto bilang susi sa pag-aangat ng uri ng pamumuhay para sa lahat, lalo na sa mga kapos palad.”

“Seksyon 12: Dapat magtaguyod ang Estado ng makiling na paggamit ng paggawang Pilipino, domestikong materyales at mga kalakal na yaring local at dapat magpatibay ng mga hakbangin upang makalaban sa kumpitensya ang mga ito.”

“Seksyon 13: Dapat magtaguyod ang Estado ng patakarang pangkalakal na mauukol sa kapakanang panlahat at magagamit sa lahat ng mga anyo at ayos ng palitan na nasasalig sa pagkakapantay pantay at pagtutumbasan.”

Habang marami sa mga probisyong malaya’t makabayan ng Saligang Batas ng 1987 ay nanatili pa ring epektibo at nakatala, ang mga ito’y pinag-iisipan nang palitan kung di man tuluyang burahin. Ang proposisyong baguhin ang Konstitusyon ay mga hakbang upang maalis ang maka-soberanya at maka-Pilipinong probisyon at upang patuloy na tagpasin ito palapit sa patakarang neo-liberal at ‘global cop’ na papel para sa Hukbong Sandatahan ng Amerika.

Dahil sa makabayan at maka-soberaniyang probisyon ng Saligang Batas, marapat na tayo ay tumutol sa tangkang pagbura o dili kaya’y delisyon sa mga ito, at sa tangkang isingit ang mga probisyong maka-militarisasyon o maka-dayuhan. Dapat nating itaguyod ang mga ipinamanang probisyon sa Konstitusyon na para sa kapayapaan, istrakturang pangkabuhayan, kalayaan at katarungan.

Ang patakarang panlabas ng bansa ay karapat-dapat lamang gabayan ng isang malinaw na balangkas na ang layon ay pagpapanatili at pagtataguyod ng hanap-buhay, negosyo at mga lokal na industriya, at sa pamamagitan nito, makikita natin ang papel ng pandayuhang kapital, pautang at anumang tulong mula sa labas, maging an gating pakikapag-alyansa sa mga makapangyarihang bansa. Maging ang diplomasyang pang-ekonomiko ay marapat lamang na nakasentro kung paano magiging patas ang relasyong pangkalakalan at base sa kapwa nakakabuting relasyon.

Ang patakarang panlabas ng Pilipinas ay maiuugat at patuloy na sinisilip ang mga suliraning pangdaigdigan tulad ng terorismo at pambansang seguridad sa prisma at pananaw ng Estados Unidos. Samakatuwid, ang unang hakbang upang magkaroon ng alternatibong patakarang panlabas ang Pilipinas ay baguhin ang ganitong klase ng pamamalakad para mas malalim at makatarungang relasyong Pilipinas-Estados Unidos.

Share This Post