a
Ang Mga Manunulat at Artista sa Panahon ng Globalisasyon ng mga Kapitalista
Published on Oct 7, 2006
Last Updated on Feb 5, 2011 at 9:12 am

ADVERTISEMENT

Ang layunin namin sa Amado V. Hernandez Resource Center(AVHRC) ay bigyan ng expresyon ang mga hinaing at ideya ng demokratikong masa ng Pilipinas, ang mga manggagawa, magsasaka at iba pang dehadong sektor sa ating lipunan at di ng kanilang mga nagpapanggap na lider galing sa burgesiya, peti-burgesiya na inaalagaan ng mga dayuhang imperyalista. Ang kultura, sa partikular, ang sining at panitikan, ay kailangang paunlarin ang kakayahan ng masa sa pagunawa ng tunay nilang kalagayan at pagsasalarawan nito sa sining at panitikan.. Nagsimula ang sining at panitikan sa kasaysayan ng tao bilang behikulo ng pagpapahiwatig ng tuwa, kalungkutan at pagkikipagsapalaran ng madla at ng mga indibidwal na naapektuhan ng problema ng lipunan. Ngunit, sa takbo ng kasaysayan, sa pag-igting ng pribadong pag-aari ng mga kasangkapan ng produksyon, na-hijack, ika-nga, ang sining at panitikan ng mga kapitalista at ginawang produkto ito na nilalako nila sa kanilang palengke. Ang resulta ng ganitong sitwasyon ay ang kababawan ng kultura na kinakalat ng globalisasyon ng mga kapitalista. Masasabi na ang napababaw na tao ay madaling lokohin at pagsamantalahan.

Ibalik natin ang sining at panitikan bilang isang paraan ng pagpapalalim ng pagintindi ng tao sa tunay na kalagayan ng kanilang lipunan. Di naman tinatatwa na may kalayaan naman ang isang manunulat o artista na gumawa ng isang akda na may katuturan lamang sa kanyang sarili o iilang piling tao, halimbawa, ang mga comma poems ni Jose Garcia Villa o ang nonsense poem ni Lewis Carrol na “Jobberwocky”(ngunit kailangan tandaan na ang “Alice in Wonderland” ni Carrol ay isang satirikong kuwento din tungkol sa monarkiya ng Inglatera noong panahon na yun, kagaya ng “Gulliver’s Travels” ni Jonathan Swift). Ngunit, kailangang malaman na ang paggawa ng mga akda na may katuturan lamang sa sarili o iilang tao ay nangyayari sa isang kontekstong sosyal. Kailangang malaman na ibig palaganapin ng mga nangingibabaw na uri ang mga ganitong akda dahil ito’y nakakatulong sa pananatili ng kanilang interes sa kapahamakan ng nakakarami. Ang mga kapitalista ay maaaring suportahin at palawakin pa ang mga akda sa sining at panitikan na walang katuturan sa problema ng isang lipunan, halimbawa, ang sining pantasiya. Sa naghaharing uri mainam na ang mga intelektwal at artista ay walang paki-alam sa pulitika kung saan sila ang naghahari.

Ngunit, pagkinggan natin ang sinambit ni Otto Rene Castillo, isang bantog na manunulat ng Guatemala na nanalo ng maraming parangal sa Latin Amerika at sinunog na buhay ng mga reaksyonaryong Hukbo ng bayan niya sa pagsusuperbisa ng CIA pagkatapos mahuli sa isang engkuwentro. Namatay siya sa edad ng tatlumpo’t isa noong 1967.

Ayun kay Castillo isang araw darating ang mga mahihirap at magtatanong sa mga intelektwal na walang pakialam sa pulitika:

“Sa araw na yun,

ang mga simpleng tao ay darating,

sila na walang lugar

sa mga aklat at tula

ninyo mga intelektwal na walang paki-alam sa

pulitika

ngunit araw-araw ay naghahatid

ng inyong tinapay at gatas,

ng inyong tortillas at itlog,

silang nanahi ng inyong damit

nagmamaneho ng inyong sasakyan,

nagaalaga ng inyong aso at hardin,

at nagtratrabaho para sa inyo,

at magtatanong sila:

“Anong ginawa ninyo habang ang mga   mahihirap

ay nagdurusa, habang ang kalambingan

at buhay

ay dahan-dahang nauupos sa kanila?”

Mga intelektwal na walang pakialam sa pulitika
ng aking bayan,
di kayo makakasagot.

Ang buwitre ng katahimikan

ay lalapain ang inyong kalooban

Ang inyong kahungkagan

ay nga-ngatngatin ang inyong budhi

At di kayo makakasalita

sa inyong kahiyaan.

(Sinalin mula sa Tula ni Otto Rene Castillo, “Para sa Mga Intelektwal na Walang Pakialam sa Pulitika”)

Palaganapin natin ang mga akda sa sining at panitikan na nagsasalamin ng tunay na kalagayan ng masang Pilipino sa panahon natin ngayon ng matinding krisis na tinatahak ng ating bayan.

Palaganapin ang sining at panitikan tungo sa landas ng pagpapalaya. Bulatlat

Si Ed Villegas, kilalang political economist, manunulat at  propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, ay syang kasalukuyang Tagapangulo ng Amado V. Hernandez Resource Center (AVHRC). Ang artijulong ito ay binigkas bilang talumpati sa Writers’ Summit ng AVHRC noong Sept. 12, 2006.

Inilathala ng Bulatlat

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This