a
Pagdalaw sa Libingan ng mga Buhay: Sagutang-tula
Published on Nov 12, 2006
Last Updated on Feb 5, 2011 at 7:14 am

ADVERTISEMENT

NINA AXEL PINPIN AT RONALYN OLEA
Inilathala ng Bulatlat

Ang Pagdalaw sa Libingan ng mga Buhay*
Ni Axel Pinpin, sa ngalan ng Tagaytay 5

Iwan n’yo na ang kandila, ‘wag nang mag-abala sa bulaklak
‘Wag n’yo lang kalilimutan na magbaon ng halakhak,
Pagkat kailangan iyan ng nauupos naming tuwa,
Pampahalimuyak din iyan ng alingasaw ng dusta.
Kami ay ipinanganak noong taon ng pagkadupilig
At tinangkang patayin sa panahon ng paglupig.
Ngunit imbing krimen ay bigo; hindi nagtatagumpay;
Pasya ng sepulturero’y ibaon kami sa libingan ng mga buhay.
Ang binubulok dito’y hindi malamig na katawang-lupa
Kundi mga pangarap at alab ng hangad ng paglaya.

Ang inaagnas dito’y hindi buto, buhok at ngipin
Kundi mga karanasan ng paglaban ng kauring alipin.
At kung maliligaw ka sa paghahanap ng aming puntod,
Hanapin lamang ang kurus na punglo sa baywang ng mga tanod.
Ang nitso nami’y di marmol, bagkus ay kalawanging rehas
At sa lapida ay nakaukit ang walang-kamatayang pag-aaklas.
23 October 2006

Camp Vicente Lim

*Binigkas ni Axel ang tulang ito nang dumalaw ang mga kasapi ng pambansang konseho ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa kanilang piitan.

Sa Pagdalaw sa Libingan ng mga Buhay
(Tugon sa Tagaytay 5)
Ni Ronalyn Olea, sa ngalan ng Bayan National Council

Wala kaming alay na kandila’t mga bulaklak
Baon namin sa pagdalaw ay galak,
Sapagkat hindi nauupos ang diwa
ng inyong paglaban para sa mga dukha
Tayo’y ipinanganak sa taon ng pagkadupilig
At hindi mananaig ang paglupig.
Imbing krimen ay bigo; hindi magtatagumpay;
Hindi maililibing ang inyong pag-aalay.
Ang binubulok diyan ay hindi malamig na katawang lupa
‘Di rin nabubulok mga pangarap at alab ng hangad ng paglaya.
Maagnas man ang buto, buhok at ngipin
Magpapatuloy ang paglaban ng kauring alipin.
Sakali mang mayroong mahanap na mga puntod,
May tatangan sa kurus na punglo sa baywang ng mga tanod.
Wala mang marmol na nitso at kalawangin ang rehas
Sa puso ng masa, nakaukit ang walang kamatayang pag-aaklas.

Oktubre 29, 2006
Inaresto noong April 28, 2006 at inilabas lamang noong Mayo 1 ng mga miyembro ng Phgilippine National Police (PNP) at Naval Intelligence Security Forces (NISF) sina Axel Alejandro Pinpin, Riel Custodio, Aristedes Sarmiento, Enrico Ilagan Ybañez at Michael Masayes. Sa loob ng 58 oras nilang pagkawala, sila ay sumailalim sa matinding mental at pisikal na tortyur. Ang grupo, na mas kilala na ngayon sa tawag na “Tagaytay 5” ay inaakusahang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA). Inaakusahan din silang may tangkang pasabugin ang Malacañang noong Mayo 1. Hindi na inilitaw ng PNP ang nasamsam nitong perang umaabot sa P400,000 na pambili sana ng mga magsasaka ng kagamitan sa pagsasaka. Hanggang ngayon, nakapiit sila sa sa Camp Vicente Lim, sa kasong rebelyon.

Inilathala ng (Bulatlat.com)

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

1 Comment

  1. Dedra

    Please check my new website out ‘Pinoys Got Talent UK’.. . It’s dedicated to showcasing and promoting Filipino talent in the UK.. . Please note, the website is in its very early stages of development (only created from scratch last night). . . Expect to see many changes, content, and improvements soon.. . Please type the following into your web browser after wix ‘dot’ com. . /mattgez/PGTUK. . If you know anyone from YouTube etc who you believe should be featured? then get in touch.. . Thanks,. M@….. visit http://goo.gl/HNBgn to watch pinoy tv shows

    Reply

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This