NI MARK ANGELES**
Inilathala ng Bulatlat
Si Lena ng Perpetual
naging intern isang araw
sa pampublikong ospital
sa isang malayong bayan.
Mapuputing mga g’wantes
kaniya lamang ginamit
sa pag-ahit at paglinis
ng p’werta ng mga buntis.
Nayamot itong si Lena
sa kasisilip ng p’werta.
Pangarap ay ibang mesa
(altar ng pag-oopera).
Si Lenang hihibok-hibok
sa ospital ay hilahod
at kapag makapagtapos
patay-patay rin ang sahod.
Kung pisi ay durugtungan
at kung makapaghihintay,
isang hukbong nadaplisan
siya niyang lulunasan.
Itong mahinahong hukbo
siya ngayong magtuturo
paraan ng pagbububo
sa naimpeksiyong dugo.
“Pagbalik sa kasarinlan”
tinig rin sa pagamutan,
lahar na siyang aapaw
sa naghihilab na bulkan.
Inilathala ng (Bulatlat.com)
*reference sa Mt. Hibok-Hibok
**Si Mark Angeles ay dating vice president for Luzon ng College Editors Guild of the Philippines. Naging Fellow sa Tula ng magkasunod na IYAS at Iligan National Writers Workshops noong 2006. Siya ay miyembro ng Kilometer 64, isang samahan ng mga progresibong makata.
0 Comments
Trackbacks/Pingbacks