NI RAUL FUNILAS
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 13 May 6- 12, 2007
Uno- Isa-isang isinasalansan ang basyo ng mahihirap,
Dos- Dalawa-dalawa ang pagbuhat ng mga kargador;
Tres- Tatlo-tatlong andana bawat patong. Nang mabasag
Cuatro-Apat-apat na piraso ang mahalagang laman ng kahon.
Cinco- Lima-limang araw ang ipinataw na parusa sa kanila,
Seis- Anim-anim na pag-amin ang kawawang manggagawa;
Siete- Pito-pito ang inilunas nila sa nagnaknak na sugat ng alaala
Ocho- Walo-walong pigtal na luha ang lumumlom sa gunita.
Nueve- Siyam-siyam na pasiyam ang umid at nagluksang mga diwa,
Deis- Sampu-sampung dagok ng tadhana ang tinamong gantimpala.
Mayo 1, 2007
Inilathala ng (Bulatlat.com)