TULA: Walang Hanggang Paalam ng Peryodistang Promdi

NI DELFIN MALLARI, JR.
Inilathala ng Bulatlat

Vol. VII, No. 13 May 6- 12, 2007

I
Mahirap na lunukin ang pandesal maski na itinutulak ng mainit na gatas
kapag ang nasa harapan mo ay duguang letra ng panibagong inutas
Ng walang katapusang istorya ng mga sinampolan ng mababangis na pangil
na palaging handang sumakmal sa bawat himaymay ng katotohanan
nilang mga naiwang nilamog hindi lamang ang mortal na katawan
at kasama na ring ginutay ang mga hiblang nakatangan sa duguang pluma,
ng mga kuwento sa patuloy nilang paghahanap sa mga biglang naglaho
habang tumutugpa sa larangan sa ilalim ng mainit na araw at malamig na gabi.

II
Muli silang uusal ng mga anas ng pangamba
habang pinipigil ang pagpatak ng luha sa diaryong nagbandilyo ng mga sasapit pang lagim.
At muli mo silang aaluin ng mga pagtitiyak
na kasama mong tumitipa ng letra ang mga kampon ng langit.
At hihilingin na muli ka pang basbasan sa paghahandog ng sarili sa kapuwa mong pinagsasamantalahan ang dangal.
At patuloy na lumaban sa kanilang mga gumagahasa sa yaman ng daigdig at mga imbing nagtatampisaw sa pusali ng kabulukan.

III
Ang peryodistang si Juan ay isa ring sundalo,
tuwina’y handa ring sumuong sa gera maski na walang armas na kumikitil.
Kasabay ng paghalik sa Poon, mag-aantanda ng santa krus,
at pagdampi ng mainit na halik sa pisngi sa mahal na pansamantalang iiwan,
Matatag na itong papalaot sa kanyang hindi mailarawang mundo
na may sapat na tiwalang muling ligtas na lalandasing pabalik ang malamig na aspalto.
Ang matapat niyang sandata ay mga letra at larawan na kawangis
ay dalisay na tubig na dumidilig sa tigang na parang.
Doon sa mundo ng kawalang katarungan na pinipiringan ang katotohanan
upang hindi umalingasaw ang pagkagahaman ng mga diyos-diyosan
sa kanilang nilikhang ilusyong paraiso.

IV
Kasabay nito’y wala namang puknat na gumuguhit sa himpapawid ang
hugkag na tunog ng kampana at huwad na luha mula sa kastilyo ng mga nagkukunwaring paham.

Inilathala ng (Bulatlat.com)

*Ang tulang ito ay binigkas ng isang kaibigan ng may-akda sa pagkilos ukol sa World Press Freedom Day na isinagawa ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at iba pang organisasyon ng mga mamamahayag sa Quezon City noong Mayo 3, 2007. Si Delfin Mallari, Jr., ang may-akda nitong tula, ay ang koresponsal ng Philippine Daily Inquirer na nakaligtas sa isang tangkang pamamaslang sa Lucena City, Quezon noong Abril 19.

Share This Post