Hindi Dapat Matulog ang Gabi

NI RADO CERVO III
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 22, July 8-14, 2007

Sumusulak na bulkan ang poot ko tuwinang maririnig
Sa radyo ang nagaganap sa mga kasamang ipinipiit
Ang karapatan at tuluyang ninanakaw ang pag-asa.

Kaya naman kung minsa’y gusto kong pinahahalakhak
Ang tinatagipos at laging nakasandig na armalayt
Upang maibsan ang init na kinulob sa kubakob ng isip.

Namimitig sa ngimay ang braso at paang iginapos
Ng salit-salit na bulong at pagmamatyag sa bundok
Ng mga kapuwa Pilipinong sinanay sa hirap at lumbay.

Umiiyak ang batis na pinagtaguan ng aking prinsipyo’t
Paniniwalang hinakab at nililok sa matigas na batong
Pinatatalas ng hishis na daloy ng kumikiwal na tubig.

At bago tuluyang lumubog ang araw sa mapulang kanlura’y
Titiyakin kong hindi dapat matulog ang gabing mapanglaw.

5 Hulyo 2007
Brgy. Sampiruhan, Calamba City, Laguna Inilathala ng (Bulatlat.com)

Share This Post