Nahan Ka Na?

NI NOEL SALES BARCELONA
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 36, October 14-20, 2007

Patuloy kitang hinahanap
kahit dulo man lamang ng anino
ang masilayan.

Pilit na inaapuhap
sa lumang polo blusa at palda mo
ang halimuyak na nakagawian nang samyuin.

Gabi-gabi,
sa bawat pagpupumilit na umidlip –
nananalangin ako sa kung Sinuman
na ibalik ka sa akin.

Kahiman lamang
ituro ang kinaroroonan mo.
Kahit malaman ko na may pintig pa ang puso mo,
dumadaloy pa ang iyong dugo sa iyong ugat, laman at utak.

Nahan ka na nga ba?

Nahahagip lamang ng alaala
ang huling sandali ng pagkikita
bago ka salakabin
ng mga nagkukubling anino sa singit ng dilim at liwanag.

Nahan ka na nga ba?

(Bulatlat.com)

Share This Post