NI JOI BARRIOS
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 6, March 9-15, 2008
Ang babae sa Ilog Pasig
Ay isa raw mutya, na sawi sa pag-ibig,
kung kaya’t sa gabing madilim ay umaawit
ng kaylumbay na himig
mula sa pusod ng ilog na marikit.
Ngunit ang huling larawan ng mutya
Ay hindi sirena,
Di multo, o maligno,
Kundi ina,
Inang sa anak na nabuwal
Ay kumakalinga, at nagbibigay-buhay.
Ang babae na nakatira,
Sa palasyo sa tabi ng Ilog Pasig,
Ay hindi tunay na mutya, hindi sinta,
Hindi paralumang may pusong dakila,
Pagkat babaeng mandaraya!
Umaawit ng kasinungalingan,
Nalulunod sa kasakiman,
Babaeng gahaman!
Patay na ang Ilog Pasig!
Lason at basura ang lumulutang sa tubig,
Tulad ng lason at basura
Na hatid ng sirenang malansa.
Babaeng mapamuksa!
Tayong mga babae, na ngayon ay nakatindig
Sa tarangkahan ng palasyo
Sa tabi ng Ilog Pasig,
Tayong mga ina, na nagbibigay-buhay.
Tayong nagsisikhay sa paggawa,
Ngunit lubog pa rin sa kahirapan.
Tayong gising, kumakalampag, sa gabing anong dilim,
Hanap ay liwanag! Hanap ay katarungan!
Ang kadalisayan ng Ilog Pasig, ay di na muling mababalik,
Ngunit ayon sa alamat, ang lakas ng mutya ay nalilipat sa lahat.
Tayo ang umaawit, agos ng tubig ang ating mga tinig.
Tayo ang mga babaeng magkakapit-bisig,
Mga babaeng mapagkalinga kung kaya’t nakikibaka,
At nakikibaka, nakikibaka,
Pagkat ang bayan ay ating minumutya!
Si Joi Barrios ay kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at kabilang sa nahirang na Ten Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS) noong 2004. Nagtuturo siya ngayon sa University of Michigan.








0 Comments