Kung sa “maliit” na usapin ng pornograpiya ay reaksyon ng estado ang ating sinasambit, ano pa kaya sa mas malaking usapin ng pornograpiya ng kasalukuyang administrasyon?
Ni Roland Tolentino
KULTURANG POPULAR KULTURA
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 6, Marco 9-15, 2008
Magkaiba ang tradisyon ng pornograpiya ng dalawang bansa. Sa Pilipinas, walang hard-core, maliban doon sa panahon ng “penekula” (penetration + pelikula) na ang mga aktwal na penetration scene ay patakas na ibinabalik sa rolyo ng pelikula kapag ito ay lumabas na sa third-run at sa probinsya na sinehan. Kasagsagan ito ng krisis ni Marcos, matapos patayin si Ninoy Aquino sa tarmac, at pinabayaan lamang ito ng sensura para idisimulado ang krisis ng pamunuan. Ang tanging hard-core porn ay gawa para sa ibang audience, tulad ng Manila Scandal series na para sa Korean market o man-to-man para sa exotic niche gay market ng Kanluran.
Sa Japan, ang hard-core porn ay isang malaking market. Sa DVD, ito ay isang malaking seksyon sa rentahan ng video. Nagulat ako sa dami ng DVDs dito. At isang plastic na partisyon lamang ang pagitan ng heterosexual porn sa wholesome family DVDs sa malalaking tindahan. Ang gay DVD ay sa maliliit na pwesto sa gay ghetto ng Tokyo at Osaka. Ang kakatwa sa DVD market ay pixilated ang ari ng babae at lalake, hindi pa dahil bawal daw ipakita ang ari kundi ang isinasaad raw ng batas ay bawal ang pagpapakita ng bulbol ng mga artista o modelo.
Kaya pati sa magazines ay pixilated ang mga ari, kundi man enhanced graphically para maging nakatago. Kakatwa ito dahil lantaran ang ibang uri ng sex practices, tulad ng rape at gang-rape, incest, bondage, molestation, sexual harassment at iba pa, sa ibang media. Sa anime at manga (dahil drawing lang naman ito) ay maari ang displey ang ipinagbabawal na bahagi ng anatomiya ng tao. At tila wala naman kiyeme sa ganitong uri ng pornograpiya dahil walang paghuhusga ang mga tao sa mga nagbabasa nito sa bus at convenience stores, o ito ang mga babasahin sa friendly-neighborhood family restaurants.
Bawal sa Pilipinas maging ang pornograpiya gayong wala namang malinaw na batas na nagsasaad ng sakop at limitasyon nito. O maaring mayroon pero mahina ang implementasyon. Sa aking pagkakaalam, ang MTRCB (Movies and Television Review and Classification Board) ay para sa broadcast media lamang. Pulis ang nanghuhuli sa mga dancer na na nagsasayaw ng nakahubo’t hubad, maging ang pinaghihinalaang kalahok sa sex work sa kalsada at kasa.
Ang naiisip kong katumbas na parusa ay sa paraan pa ng pagdisiplina o rehimentasyon ng sistema ng pagpapahalaga sa pornograpiya. Ito ang bansa na sinusunog ang magazin at tabloid na tinataguriang malaswa. Na para rin itong kasalukuyang dharma ng Opticals Board pagdating sa pirated DVDs. Daan-daang libo ang pinapadaanan ng pison. Na kakatwa dahil sino ang nagbibilang? Na tulad pa sa pagpapakita ng bawal na droga—tulad ng shabu at marijuana—sa presscon ng pulis at militar, sino ang nakakatiyak na ito nga ang aktwal na ipinagbabawal na elemento?
Ang ginagawang pagbabawal sa pornograpiya ay tulad ng iba pang krimeng may ipinagbabawal. Idinidispley ang bawal para iwasan at hindi tularan gayong ang may hawak lang ng pulis na kapangyarihan ang nagsasaad sa atin na paniwalaan sila kahit hindi natin aktwal na nakikita ang idinidispley nila. Ang mga naronda sa isang maralitang komunidad, lalo na ng Moro, ay ididispley bilang pinaghihinalaang terorista at kriminal. Ang mga babaeng nireyd sa bar at kalsada, tulad ng Quezon Avenue, ay ididispley sa loob ng pulisya, sabay ang retorikal na gesture na may pulis o nabiktimang nagtuturo sa katawan ng hinuhusgahang kriminal.
Ang inbokasyon ng hinusgahang kriminal ay ritualisasyon at rehimentasyon ng krimen. Hindi mahalaga na hindi aktwal na pinagbabawal ang dinidispley, ang akto ang inilalagay sa parametro ng legalisasyon, ng bawal at hindi karapat-dapat. Kriminal ito dahil may krimen itong ginawa. Na nakapagpaalaala sa akin sa isang kaibigang bading na ayaw pumunta sa gay bar sa takot na mareyd ito. Natatakot itong makuhanan ng crew ng telebisyon at masira ang pagkatao niya sa unibersidad na pinagtuturuan at iba pang lugar. Hindi pa man aktwal na ginagawa, nagtagumpay na ang internalisasyon ng ganitong rehimentasyon ng krimen. Pero ano ang krimen na nagawa at ayaw nang gawin pa dahil krimen nga ito?
Wala. Pero dahil sa balita sa photojournalism at telebisyon, ang wala ay nagiging mayroon, at ang mayroon ay nagiging ipinagbabawal. Sa isang bansang wala namang hard-core na pornograpiya, na ang komersyal na pelikulang bomba na natutunghayan sa pelikula, kung iisipin, ay para na lamang perversyon sa aktwal na konsepto ng pornograpiya (pwedeng makita ng utong basta may saplot, kahit pa basang kamison; split second lang ang displey ng ari ng lalake; isang suso lang ang pwedeng makita; bawal ang matagalang pagtiwangwang ng anumang nakahubo), ano pa ang ipinagbabawal sa ating makita?
Ang dinidisiplina ay ang paraan ng pagkita, ang kulturang biswal sa pagdanas. Sa diskursong Kanluran, ang kulturang biswal ang pinakamahalagang batayan ng katotohanan. Kung sa batas, kailangang may maaasahang saksi sa naganap na krimen. Bahagi ang media sa pagdanas, ang kanilang imahen ay ebidensya, tulad rin ng pagsaksi ng nakakita sa kaganapan. Naalaala ko ang ilang mga estudyante na umaangal sa kanilang grado. Kapag ipinakita ko ang record book at ang mga numerong naging batayan ng kanilang inaakalang mababang grado, wala nang argumento pa. Natatanggap na lang kahit pa ang ilang subhetibong kondisyon sa paggragrado. Ebidensya ang record book, na tulad ng sa pornograpiya ay ebidensya na mayroong hangganang itinatakda.








0 Comments