Effort umastang mayaman si Pedrong mahirap. Pero sa liberal na demokrasya ng pananamit at pag-asta sa mall na maaring pinaghahaluan ng mayaman at mahirap, nakakalusot ang kanyang pagiging kaswal. Kapag masyadong matigas at garapal, nagiging astig siya na may polaridad mula pagiging novelty hanggang pagiging jologs, at kung maging huli, marahas na isinusuka ng mismong nakakaangat na sektor na nais niyang maging bahagi.
Tinatayang kalahati ng manggagawa sa formal na ekonomiya ay mga kaswal. Walang ligal na status bilang manggagawa—walang benefisyo at karapatan. Na may malakas na bigwas sa kilusang manggagawa. Mula sa kasagsagang kasapian na mga tatlong milyon sa unyonismo noong gitnang 1980s, bumaba na ang kasapian sa 1.8 milyon ng 2006. Mababa ang bilang ng kasapi kung isasaalang-alang na 36 milyon ang labor force sa bansa.
Ang mga collective bargaining argreement (CBA) ay bumaba na mula 4,500 noong 1992 tungo sa 1,742 ng 2006. Bumaba mula sa 250,000 unyonista ng 2006 ang mga kalahating milyong unyonista sa may 16 milyong paswelduhang manggagawa ang nakapaloob sa CBA.
Hindi na kaswal ang pagiging kaswal. Nadale na pati ang arena ng unyonismo. Bahagi ito ng kadahilanan kung bakit nabawasan na ang bilang ng militanteng unyon. Kung sa gitnang uring kultural na uniberso ay aspirasyong kaswal ang nananaig bilang coping mechanism sa kasalatan ng materyal na buhay at muling magpapagising-abang-trabaho-tulog sa mamamayan, ang kaswal sa uring manggagawa ay pinagdamutan ng pagpipilian.
Sa pelikulang “Endo” (End of Contract, 2007), ang nakakatandang kapatid ay napaluhang niyapos ang nakakabatang kapatid dahil sa balita ng huli na natanggap na ito sa kauna-unahang pagkakataon sa kontrata ng paggawa. Ang nakakatandang kapatid ay beterano na ng mga endo, at paratihan traumatiko ang kinasasadlakan ng kanyang personal na buhay, lalo na ang pag-ibig.
Paano iibig sa isang katrabahong hindi sinkronisado ang pagpasok at paglabas sa kontrata? Na sa serye ng pagiging kaswal ay hindi na kaswal (cool), kundi isa nang kaswalidad sa malawakang hanay ng kabataang manggagawang itinali ng mismong estado sa negosyo para manatiling unskilled, underpaid at under-protected?
Ang aspirasyong kaswal ang binura na ng estado sa mismong sektor ng kaswal. Ito ay ipinuwesto na ng estado sa pangkalahatang hanay ng mamamayan ang mayorya ay naghihikahos at umaasang maibsan ang abang predikamento. Kaswal na buhay sa paghihikahos, kaswal na aktityud para mental at pisikal na makaagapay sa paghihikahos, na ang rekurso ng maraming kabataan ay maging kaswal para magkaroon ng simulacrum ng kaswal.
Ang atas ng kasaysayan ay putlin ang attachment sa kaswal: sa paggawa at sa mas malaking lipunan sa labas nito. Hanggang walang kapantayan sa kita, oportunidad at pangako ng mapagpalayang kinabukasan, mananatiling dehado ang mga kaswal at peligroso ang aspirasyong kaswal.
Ang panghagip ay pagpapaigting ng kilusang manggawang may layong unyonismo kahit pa lumalawak ang bilang ng kaswal na walang ligal na akses dito. Ibang imahinaryo para sa rekonseptwalisasyon at pagbalikwas ng kaswal. (Bulatlat.com)
*Ang mga datos ukol sa paggawa ay hango sa http://www.bles.dole.gov.ph/, sinipi kay Isagani de Castro, Jr. “Labor Movement Weak, No Longer Militant” (5 Abril 2008), http://www.abs-cbnnews.com/storyPage.aspx?storyId=116722








0 Comments