Si Ka Bel ng Manggagawa at Naghaharing Uri

Patunay ang buhay ni Ka Bel na mayroong pa ring makabuluhang pamumuhay na palaban sa global na kapitalismo at ang pasistang gobyernong nagpipindeho sa sambayanan sa poder nito. Na ang ginagawa ng neoliberalismo na iasa ang katubusan sa indibidwal na pinalalahok sa diskurso ng pribatisasyon at komersyalisasyon ng kanyang mismong kolektibong buhay ay mayroong mas di natitinag na anino—ang buhay sa pakikibaka.

Na hindi ang subersyon sa pang-araw-araw kundi ang araw-araw na politikal na subersyon ang mas makabuluhang aplikasyon ng buhay sa imperyalismo—ang aktwal na pagtiwalag dito kahit sinasabing nandito na tayo sa loob ng animal na ito, at wala nang makakatakas sa bahid ng impluwensya nito. Na ito na ang mundong kinabibilangan nating lahat.

Ang buhay ni Ka Bel ay politikal na buhay—at nagsasaad ng politikal sa kulturang popular. Na mayroong subersyon sa pang-araw-araw na maaring magpalugi lamang sa mall o Hollywood at big cinemas, at makaalpas ang isang indibidwalistikong agenda. At mayroong ding pang-araw-araw na politikal subersersyon, ang bawat okasyon ng buhay sa bansa ay okasyon ng paglahok sa historikal na panlipunang pagbabago.

Kaya hindi nakapaloob si Ka Bel sa kulturang popular. Siya ay hindi lamang ang masang kinatatakutan ng naghaharing uri na magiging nagwawalang mob na aatake sa kanila kapag wala nang bigas na mapilahan at mabili, kapag ang naghaharing uri na lamang ang makakabili ng gasolina at mga produkto sa palengke at mall.

Siya ang politikal na masa na naglalayong magpalaya ng hanay at sambayanan tungo sa kapantayang panlipunan, at sa isang historikal na pagtutuos ng mga uri. Na sa aral ng kasaysayang pakikibaka ay mas magiging matagumpay ang ganitong pagbabago. Kaya figura ng agam-agam sa naghaharing uri si Ka Bel.

Sa nakikibakang uri, si Ka Bel ay dakilang kasama, lider-manggagawa, mambabatas, at aktibista. Patay na si Ka Bel, mabuhay si Ka Bel. Malaki ang patlang na naiwan ng buhay ni Ka Bel pero marami ang desididong ipagpatuloy ang laban para sa sambayanan.

Angkop ang chant na narinig ko sa unang gabi ng lamay ni Crispin “Ka Bel” Beltran. Dumadagundong ang kulog ng sagutan, “Ka Crispin Beltran, tuloy ang laban!” Na patuloy na magpapayanig sa naghaharing uri.

Kaya rin bahagi si Ka Bel ng politikal na kulturang popular—hindi itinatago ang politika sa pagtangkilik sa mga produkto at karanasan, ibinubuyanyang ang kultura para maging kapaki-pakinabang para sa historikal na panlipunang pababago. (Bulatlat.com)

Share This Post