Paulit-ulit, Paikut-ikot

Iba man ang panahon noon at ngayon, iisa pa rin ang konteksto ng mga argumento. Ang nararamdaman ng nakararami ay hindi kaunlaran kundi kahirapan.

NI DANILO ARAÑA ARAO
Konteksto / Pinoy Weekly
Inilathala ng (Bulatlat.com)
Vol. VIII, No. 24, July 29-26, 2008

Hindi ka man nawawalan ng paksang pagkukuwentuhan, mapapansin ang paulit-ulit na linya ng pagsusuri dahil sa iisang litanya ng nakararaming mamamayan noon at ngayon.

Kailangan ang substansiyal na pagtaas sa sahod ng mga manggagawa dahil sa mga puntong nasabi na noon pang Agosto 1999 nang magsimula ang kampanya para sa P125 umento sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor at P3,000 pagtaas sa buwanang suweldo ng mga empleyado ng gobyerno.

Patuloy pa rin ang panawagan sa pagtatanggal ng deregulasyon sa downstream oil industry. Kailangan lang balikan ang debate bago pa man ang Abril 1996 nang ipatupad ang RA (Republic Act) No. 8180; Nobyembre 1997 nang ibasura ng Korte Suprema ito; at Pebrero 1998 nang ipasa ang RA No. 8479 na kasalukuyang legal na batayan ng deregulasyon.

At bakit naman tinututulan ang VAT (value-added tax) hanggang ngayon? Ngayon po ang ika-20 taon ng implementasyon nito. Matatandaang ipinatupad ang VAT noong 1988 sa pamamagitan ng EO (Executive Order) No. 273. Pero pinirmahan ito ni dating Pangulong Corazon Aquino noon pang Hulyo 1987, dalawang araw bago ang kanyang SONA (state of the nation address).

Tulad ng panawagan para itaas ang sahod at ibaba ang presyo ng langis, ang mga puntong pabor at kontra sa VAT ay matagal nang narinig. Baka alam mo na ang mga ito kung sinusubaybayan mo ang mga pangyayari. Hindi kita masisisi kung hindi mo na babasahin ang ilang bahagi ng artikulong ito oras na simulan kong ilista ang mga bagay na malamang na nabasa mo na.

Pero may mga pagkakataong ang dating “malaking” bagay ay nagiging “maliit” sa paglipas ng panahon. Minsan nga’y nakakalimutan na ang konteksto ng isang isyu (lalo na ang pinag-ugatan nito) dahil masyadong nakatuon ang ating atensiyon sa kasalukuyang panahon. Kahit sa isang malalim na pag-aaral, madalas na ang pinakahuling datos tungkol sa isyu ang nabibigyang-pansin.

Sa usapin ng VAT, mapapansing may mali na sa mismong pagpapatupad pa lang nito noong 1988. Hindi ba’t nasa House of Representatives ang kapangyarihan para magpataw ng buwis? Isang mahalagang punto ng oposisyon noon ang legal na batayan ng VAT dahil hindi na hinintay ni Pangulong Aquino noon ang pagbubukas ng kongreso. Halatang minadali ang imposisyon ng VAT kaya isang EO lang (sa halip na RA) ang ginawang batayan ng pagpapatupad nito.

Ang elemento ng pagmamadali ay makikita rin sa mabilisang imposisyon ng RA No. 8180 at RA No. 8479 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos. Tinagurian nga ang dalawang itong midnight bills dahil sa sobrang bilis ng pagdinig ng mga kongresista.

Isipin mo na lang ang mga petsang nabanggit kanina: Nobyembre 1997 nang ibinasura ang unang batas sa deregulasyon ng downstream oil industry, pero matapos lang ang tatlong buwan (Pebrero 1998) ay naipasa na ang ikalawang batas. Alam mong hindi ganito kabilis magtrabaho ang kongreso!

At kung minadali man ang VAT at deregulasyon sa downstream oil industry, masasabi namang binagalan ng kongreso noong 2001 at ibinasura noong 2006 ang panukalang batas na dapat sana’y magbibigay ng P125 umento sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Sa ngayon ay inihaing muli ang panukalang batas hinggil dito, ang House Bill (HB) No. 1722, na isinumite ni AnakPawis Rep. Crispin Beltran na alam mong namatay noong Mayo 20.

Sa kasalukuyan, patuloy ang paglaban ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa mga isyung mas matanda pa sa atin, gamit ang mga paulit-ulit na argumentong nagbubunga ng paikot-ikot na sagot ng mga nasa kapangyarihan.

Ang kagyat na hamon sa ating lahat ay ang pagsusuri ng nakaraan at ang pinagmulan ng mga problema ng bayan. Mahalagang hindi makalimutan ang mga bagay na magpapatunay kung kaninong interes nagsisilbi ang mga polisiya’t programang tinutuligsa.

Iba man ang panahon noon at ngayon, iisa pa rin ang konteksto ng mga argumento. Ang nararamdaman ng nakararami ay hindi kaunlaran kundi kahirapan. Pinoy Weekly / Inilathala ng
(Bulatlat.com)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Share This Post