Kamatayan sa Pamamagitan ng Paghihirap

Ang panonood ng pelikula ay nagsasalin sa karanasan sa historikal na kamatayan at kahirapan. Wa-care naman, na nagpapatingkad sa afekto ng indibidwalidad at indibidwalismo. Reversong diskurso ng filmikong kamatayan: sa pelikula, afektado dahil napapaluksa ang manonood, at napapatanong sa kahalagahan at valwasyon ng buhay; sa lipunan, hindi afektado sa pang-araw-araw na karahasan at kamatayan dahil hindi napapaluksa at tinimbang bilang kulang ang ordinaryo at walang kalatoy-latoy na kamatayan. Kaya kahit na zombie ang mamamayan dahil sa matindi at tumitindi pang paghihirap, ang pagpapatiwakal at kamatayan kaakibat at dulot nito ay hindi na kagimbal-gimbal. May reversong korelasyon ang historikal na kamatayan at kahirapan: sa tumitinding karanasan sa kahirapan, mas lalong nagiging detached ang mamamayan, wala nang impact kung 800 ang namatay sa paglubog ng MV Princess of the Stars (ano na nga ba ito?) o libo-libong namatay dahil sa landslide sa Albay dulot ng iligal na logging?

Na kahit epic proportion ang kamatayan dulot ng kahirapan—hindi pa kasama rito ang pang-araw-araw na nangangamatay o ang tunguhin rito ng pang-araw-araw na buhay—ay ang sindak ay may shelf-life lamang. Sa simula lamang ito, at ito ang afinidad sa panonood ng pelikula. Hindi ka naman habambuhay na nababagabag sa filmikong kamatayan. Nagli-linger lang ito at bigla ring naglalaho para bumalik paminsan-minsan sa isang emo (emotional) na sandali.

Di tulad ng indibidwalisasyon ng karanasan sa aktwal na kamatayan ng iba, ang sarili sa pang-araw-araw na kamatayan ay walang trauma. Trauma ang magdudulot ng melancholia o ang mental na estado na hindi mailibing ang namatay, hindi maka-move on. Kung apektado tayo ng aktwal na kamatayan, hindi natin ito maililibing sa ating utak.

Patuloy tayong nagluluksa. At lalabas at lalabas ang sintomas ng trauma na siyang bumabagabag sa atin. Ang nangyayari ay nai-imbibe ang trauma. Kung ano ang hindi mailibing, maihiwalay at makausad ang sarili, nagiging kabahagi ng sarili. Kung ito ay tungkol sa naunsyaming pag-ibig, binabalikan ang mga lugar na pinagtipunan, kung saan makikita ang nawalang objek ng pag-ibig. Kung ito ay tungkol sa mapang-abusong magulang, nagiging ganito rin sa iba, maging sa sariling anak.

Melancholia ang kahirapan dahil parating ipinapaalaala ang malawakan at malaganapang antas nito sa pang-araw-araw na buhay. Ito ang nais takasan ng manonood at mamamayan, ang historikal at tunay na realidad ng lipunan at buhay. Pero parati ka pang matitisod ng karanasan sa kahirapan: may mamamalimos pa rin para sa kinakaing McDonald’s sa kabilang bahagi ng salamin, may paslit na nagwa-watch-your-car o barker sa jeep, may gwardya, janitor at sekretaryang higit na aba ang lagay.

At ang melancholia sa kahirapan ang siya ring kalakaran para mag-overcompensate. Pinagtatakpan ang kahirapan dahil ito ang ubod ng pang-araw-araw at pangmatagalang estado ng buhay. Na ang pagtatakip ay tulad ng konstruksyon ng barong-barong na mansyon. Halata pa rin.

Hindi mailibing dahil buhay na buhay. Ninanais lamang malibing, maging pinagdaanang bahagi ng buhay at lipunan, pero hindi magawa nang lubos. Kaya ang buhay sa kasalukuyang melancholia ay alienated na buhay. Ito ang negosiasyon ng sarili para hind kumprontahin ang kahirapan kahit ito—ang pagtakas dito—ang motibasyon ng mayoryang desisyon sa buhay.

May buhay ba sa kamatayan dulot ng paghihirap? Maging ang zombie ay buhay pa rin kahit kamatayan na ang bumubuhay dito. Hindi naman ito mamamatay pa. Ano ang melancholia ng zombie, mga nilalang na nakalugmok sa kamatayan at paghihirap gayong nabubuhay lamang para araw-araw (o gabi-gabi sa pelikulang horror) na maging buhay na kamatayan?

May ilang panunuri ng pelikulang zombie na nagsasaad ng radikal na potensyal ng zombie na tauhan, bilang kaiba na nakakapagbigay ng agam-agam sa hegemoniya ng buhay na nilalang. Kung ang buhay na nilalang ay naging zombie na tauhan, mayroon pa bang radikal na potensyal ito?

Sa pamamagitan ng pagbabalikwas sa aparato ng kahirapan—ang estado bilang balon ng paghihirap—ang magsasabuhay ng radikal na potensyal. Ito ang politikal na may layon pa ng politikal na transformasyon sa lipunan. Kung walang hangad na magbago labas sa sarili, nakabalaho lamang sa melancholia ng kahirapan.

Kung nais mawala ang panlipunang melancholia na ito, kailangang maibalikwas at maitransforma ang pambansang kahirapan, mabago sa pagiging balon ng pagpapahirap tungo sa balon ng politikal na pagbabago. Aktwal ang pagdanas ng pagnanasang politikal. Kinakailangan ng pagbabago ng kamulatan—kasama ang pagbabagong bihis ng melancholia—at pagkilos nang lampas pa sa sariling kapakanan.

Kung sa pamamagitan ng filmikong kamatayan, nabubuhay-namamatay-at muling nabubuhay ang manonood, sa aktwal na kamatayan sa pang-araw-araw na paghihirap, walang pangako ng muling pagkabuhay. Ang pangako—ang utopia kung bakit nagiging zombie ay para lamang may astang buhay sa kamatayan—ng historikal na kamatayan ay di lamang makaantig sa personal na antas, kundi ang transformasyon ng buhay tungo sa tunay na buhay.

Buhay sa pagmumulat sa sarili at nang makapagmulat, buhay na lampas ang pagpapahalaga sa sarili tungo sa kapwang kahanay sa peligro, buhay sa pakikibaka, buhay para mabuhay. Kung ang fasismo ay ang normalisasyon ng spektakularisasyon ng paglabag sa karapatang pantao, ang buhay sa pakikibaka ay ang prologasyon ng mga spektakularisasyon para maipakita na hindi ito dapat normal.

Ang kamatayan na may halaga ay ang pagpapahalaga sa kamatayan at ang buhay na nalustay sa ngalan ng pagtalaga ng kamatayan bilang buhay. Kung gayon, ang buhay na may halaga ay ang nagpapahalaga sa paglaban sa pribilisasyon ng kamatayan bilang buhay. Ito ang sariling utopia na may kabuluhan, hanggang walang antas ng panlipunang katarungang nakakamit, walang buhay sa labas ng kamatayang ito. (Bulatlat.com)

Share This Post